
Balita
Ang 007 First Light Ay Pagpapakilala sa Pinagmulan ni Bond na Puno ng Mga Sikat na Artista
A
Alyssa Mercante
Sa eksklusibong pre-Game Awards panel, binigyang-diin ng CEO ng IOI na si Hakan Abrak na, bagama't natural ang koneksyon sa Bond ng mga gumagawa ng assassin-game, asahan ang iba’t ibang estilo ng gameplay, mula sa “signature stealth at malikhaing paglutas ng problema” hanggang sa “mapanganib na pag-eespiya.” Para sa team, ito ang “pinakamapaghangad na proyekto” na nagawa nila.
Ang mga player ng 007 First Light ay susulong kasama si Bond sa ganap na binagong kwento ng pinagmulan nito, at pipiliin kung aatakihin ang litanya ng mga tauhan at mga paminsan-minsang kriminal na mastermind gamit ang spycraft, labanan, improv, o arsenal ng mga gadget na estilo-007.
“Layunin naming gawin ang 007 First Light na isang tunay na pantasya ng agent na parang si Bond bago pa man siya aktwal na maging 007,” paliwanag ni Abrak. “Dahil do’n, ang globetrotting ay mahalaga sa karanasan,” sabi ni Abrak.
May maikling trailer na nagpapakita ng matikas na Bond sa ilalim ng matingkad na sikat ng araw, ang gusgusing Bond naman ang nakasabit sa dulo ng bundok, at pati na rin ang nakabaligtad na Bond na nakasabit patiwarik, at ang mga paa niya ay nasa ibabaw ng hukay na may mga gutom na babaeng buwaya (oo, nagbiro si Bond na mga babae sila, at nakakatawa ito).
At gaya ng anumang magandang pelikula ng Bond, ang 007 First Light ay may makukulay na cast, mula sa mga bagong bersyon ng mga paborito ng prangkisa tulad nina Moneypenny, M, at Q, hanggang sa mga natatanging karakter—dalawa sa kanila ay ginagampanan ng mga elite na artista sa Hollywood.
Ang isang trailer na nagpapakilala kay Dr. Selina Tan ay nagpapakita ng malabong pigura ng babaeng nakatayo sa likod ng screen, na may kinakalikot sa kabilang panig. Dahan-dahang lumalapit ang camera habang sinisiguro niya kay Bond na saglit lang siya. Nang lumabas na siya mula sa likod ng screen, pinakita niya ang agad na makikilalang mukha ni Gemma Chan (The Eternals), na mabilis na umakyat sa entablado pagkatapos.
“Medyo hindi kapani-paniwala,” sabi ni Chan nang unang beses niyang makita ang sarili niya sa video game. “Talagang interesado akong makita kung ano ang gagawin nila sa karakter; nakakatuwang makita ko ang sarili kong binibigyang-buhay sa ganoong paraan.”
Si Dr. Tan ay isang mahalagang personalidad sa nagsisimulang karera ni Bond. Ayon kay Abrak, tinutulungan niyang hubugin si Bond bilang isang 00 sa pamamagitan ng paghamon sa kanya at pagsubok sa kanyang mga instinct habang tumatagal ang laro. Hamon din para kay Chan ang papel, dahil kakaiba ito sa anumang nagawa niya na noon.
“Sa pelikula at TV, may mga set, costume, at iba pang aktor kang makakausap. Kapag gumagawa ka ng laro, ikaw lang mag-isa. Kailangan mo talagang isabuhay ang iyong sarili sa karakter,” sabi ni Chan. “Pero sa totoo lang, pareho lang naman ang proseso. Iniisip mo ang galaw, ang tiyempo, ang intensyon, at kung ano ang gusto mong maramdaman ng mga audience.”
Pero hindi lang si Chan ang sikat na nagpakitang-gilas sa 007 First Light dahil sa kanilang wangis at voice acting. Pupunta rin si Bond sa Aleph, Mauritania, at makakaharap ang hari ng pirata na si Bawma. “Puno ng bilis at porma si Bawma—ipinakilala siya sa gitna ng kadiliman at nagkukuwento tungkol sa kasakimang namamayani sa Aleph bago utusan ang isa sa kanyang mga tauhang sipain ang tila may kasalanang partido sa nabanggit na hukay ng mga buwaya. Nang humakbang siya palabas sa liwanag, tumama ito sa mga gintong kaliskis ng kanyang malapad na dilaw na suit at nagpaningning sa kanyang hubad na dibdib. Saka mapagtatanto mong siya pala ang sikat na mang-aawit na si Lenny Kravitz, na nagsalita rin sa mga audience tungkol sa kanyang kauna-unahang papel sa video game.
“Nakakapanabik ito, simula pa noong bata pa ako, tagahanga na ako ni James Bond. Dati akong pumupunta sa sinehan, pumipila kapag ipinapalabas na ang mga pelikula, mula noong mga unang taon ng dekada ‘70 pataas,” sabi ni Kravitz. “Kaya nang tinawagan ako, naintriga ako. Pumayag ako, at tumuloy kami at ginawa ito. Sobrang saya at interesante nito, at talagang nakakamanghang makitang gumagalaw at buhay ang karakter na ito.”
Sinabi ni Abrak na si Kravitz ang perpektong malikhaing energy para sa “tono ng First Light,” at ang pagiging musikero niya ay talagang natural na swak sa laro. “May kung anong nakakaakit sa kanya,” sabi ni Abrak tungkol kay Bawma, at kapag tiningnan mo nang personal si Lenny Kravitz, alam mong masasabi rin iyon sa kanya.
Tungkol naman sa paghahanda para sa papel, natural lang ito para kay Kravitz. “Tungkol ito sa ritmo, emosyon, at tono. Nagrerekord man ako ng kanta o ng ganitong bagay, parang musika lahat ito para sa akin,” sabi ni Kravitz.
At nang may nagbanggit kung paano makikita sa katawan ni Bawma ang mga bunga ng kanyang pag-eehersisyo, natawa si Kravitz. “Hindi iyon body double,” sabi niya.
Kilala ang IO Interactive sa pagkuha ng malalaking artista para sa Hitman, gaya ni Mads Mikkelsen (na nakakatawang naging kontrabida kay Bond) at ang pinakabago nilang mailap na target na si Eminem. Pero ang 007 First Light ay tila isang seryosong hakbang ng studio para palawakin ang kanilang nakasanayan sa lahat ng aspeto, at para sa bagong grupo ng mga player: ang mga tagahanga ni Bond.
“Ang laro ay talagang mala-Bond, at higit sa lahat, mala-IOI,” sabi ni Abrak.
Ang 007 First Light ay ilalabas sa Marso 26, 2026, sa PS5, Xbox Series X/S, Nintendo Switch 2, at PC sa Epic Games Store at Steam.