Balita

Sinimulan ng Copa City ang isang bagong genre gamit ang soccer stadium tycoon sim nito

F
Francisco Dominguez
Peb 9, 2026

Sa likod ng bawat pangunahing sports event, may nagaganap na mas malaki at hindi nababanggit na kuwento: kung paano nagbabago ang isang lungsod habang naghahanda ito para sa libu-libong tagahangang nagmamartsa papunta sa stadium. Naghahanda ang mga kawani ng seguridad at mga caterer para sa pulutong na maihahambing sa katamtamang laki ng bayan. Kung may mangyaring hindi maganda, isa itong sakunang nakatadhana para maging laman ng mga headline. Kung magiging maayos man ang lahat, aba, ‘yan ang inaasahan. 

Ang masalimuot at hindi masayang gawaing ‘yan ay magiging responsibilidad mo sa paparating na soccer stadium tycoon simulation ng Triple Espresso S.A. na Copa City. Pamilyar ang isa sa mga tagapagtatag ng studio na si Dominik Ebebenge sa napakalaking presyur na kaakibat ng pag-oorganisa ng mga kaganapang ito. Sa halos isang dekada sa pinakamalaking football club ng Poland na Legia Warsaw, umangat siya mula sa pagiging utusan ng club sa araw ng laban hanggang sa pagiging Pinuno ng Sport. 

“Noong bata ako, pangarap kong maging football player,” sabi ni Ebebenge. “Hindi nagtagal, napagtanto kong may mas mahuhusay na player kaysa sa ‘kin, kaya mabilis na umunlad ang pangarap kong hubugin ang pang-araw-araw na realidad sa loob ng football club!”

Inaanyayahan kayo ng Copa City na ibahagi ang pangarap na trabaho ni Ebebenge. Bilang City Captain, muling nilikha ng Copa City ang karanasan sa paghubog ng pang-araw-araw na realidad sa sporting ng ilan sa mga pinakamalalaking club sa mundo, kabilang ang Bayern Munich at Borussia Dortmund ng Germany, Arsenal ng England, Flamengo ng Brazil, at Beşiktaş Jimnastik Kulübü ng Turkey.
 

Ang 360-degree na karanasan sa football


Ang Copa City  ay hindi ang tipong pang-araw-araw na simulation na makikita mo sa Rollercoaster Tycoon o Two Point Museum. Hindi rin ito ang tipong sports sim na sumisiyasat sa mga detalye ng laro tulad ng Football Manager. Sa halip, magkakaroon ka ng dalawang linggong paghahanda bago ang pinakahuling stress test (maliban na lang kung pipiliin mo ang mabilisang Challenge Mode). 

Para sa Lead Game Designer na si Karol Leśniewicz, ang pag-aagawan patungo sa finish line ang sentrong pumupukaw ng kaba sa Copa City. “Nagbigay ito sa amin ng mga emosyong parang nauubusan na kami ng oras dahil nakatakda na ang oras at petsa ng laban,” aniya. “Kailangang handa ka sa oras! Hindi ipagpapaliban ang laban.”

Gayunpaman, ang nalalapit na deadline ay hindi nangangahulugan ng naantalang kasiyahan para sa mga player. “Sa Copa City, nagsusumikap kami para sa isang engrandeng pagtatapos. Kinailangan naming siguraduhing sagana sa mabibilis na panalo ang game loop na magbibigay sa iyo ng kasiyahan at hihila sa iyo palalim nang palalim,” paliwanag ni Ebebenge. 
Mga Kaganapan sa Football na Pangungunahan ng Copa City
Isa itong masayang core loop na nagsisimula sa recruitment at marketing. Kailangan mo ng mga katiwala para siguruhin ang seguridad at mga boluntir para magpatakbo ng mga fanzone na ilalagay mo sa iba’t ibang kapitbahayan ng lungsod. Bukod pa riyan, nagpapatakbo ka ng isang pandaigdigang kampanya sa marketing upang maakit ang iyong ninanais na mga kliyente, nang sinusubukang maabot ang tamang presyo ng tiket at makahanap ng mga mayayamang tao upang punan ang mas mararangyang upuan. 

Habang nagsisimulang pumunta ang mga tagahanga sa lungsod, tungkulin mo ring tanggapin at aliwin sila, nang binabalanse ang pag-macromanage sa city-sim at pagdidisenyo ng mga custom-made na fanzone. Nakakapagod ang pamamahala sa mga random na kaganapang may maraming tao, kaya napakahalagang mailagay ang mga tagahanga sa mga angkop na setting para kumita nang malaki at mabawasan ang maliligalig na kaguluhan. Halimbawa, nanaisin mong iwasang maipit ang mga pamilya sa gitna ng maingay na sentral na fanzone ng kasiyahan at ilayo ang mga turistang malaking gumastos mula sa mga abot-kayang lugar. 

“Hindi palaging malinaw kung paano matutukoy ang common denominator na iyon,’ sabi ni Ebebenge.”

Habang naaabot mo ang mga milestone ng pagiging handa sa laban bago ang napakahalagang pre-match na inspeksyon, magbubukas ka ng mas maraming pasilidad para mapanatili ang mga tagahangang mas masaya—o mas kontrolado, sa kaso ng high-tech na istasyon ng drone surveillance. Magpaplano ka rin ng mga rutang dadaanan ng magkaribal na fanbase upang manatili silang hiwalay at ligtas, habang hinaharap ang mga limitasyong dulot ng lokal na pagpaplano ng bayan.

Habang papalapit ang araw ng laban, tuluyan nang dumarating sa bayan ang bisitang team. Sa tour, kilala ang rock band na Van Halen sa paghingi ng isang mangkok ng M&Ms—maliban sa mga brown. Maaari ding maging kasing-demanding ang mga bumibisitang soccer team. Kailangan silang asikasuhin, at may dala silang mga kahilingang tulad ng mga nakakaabalang open training session o mga utos na ipaskil sa buong lungsod ang mga advertisment para sa kebab shop chain ng kanilang star player.
Mga Tagahanga ng Headquarter ng Copa City
Sa totoo lang, hindi lahat ng host ay patas na tinatrato ang mga bumibisitang club. Ang ilan ay nananabotahe pa nga sa kanilang mga kalaban para makalamang. May mga pagkakataon ding maliligo ang mga bisitang team, saka madidiskubreng misteryosong isinara ang mainit na tubig. Sa katatapos lang na Africa Cup of Nations final, ninakaw pa ng mga Moroccan ballboy ang tuwalya ng goalkeeper ng Senegalese sa kalagitnaan ng laro kaya hindi niya natuyo ang kanyang mga guwantes, na madulas dahil sa malakas na ulan. Sinasabi ni Ebebenge na masyado siyang magalang para sa mga ganitong taktikang walang pakundangan, ngunit naiintindihan niya, at kung minsa’y tinatanggap din ang pilyong kaugaliang ‘yon sa Copa City

“Palagi kong sinisikap na maging responsableng host, pero binibigyan ka ng laro ng malaking impluwensya sa realidad,” sabi niya. “Maraming masamang bagay na ginagawa ang mga club sa isa’t isa sa football, at sinusubukan din naming itampok iyon sa loob ng laro.”

Sa araw ng laro, sa wakas ay masasaksihan mo na ang bunga ng iyong mga pagsisikap. Ang gantimpala sa iyong pagsusumikap ay ang makita ang libu-libong tagahangang iyong tinipon mula sa buong mundo, na sa wakas, ay nagmamartsa papunta sa stadium nang puno ng iba’t ibang kulay at maingay na hiyawan bago ang kickoff. 

“Magtatapos tayo kung saan nagsisimula ang mga umiiral na laro ng football,” sabi ni Ebebenge. “Minsan natatawa kaming ang natural na siklo para sa maraming player ay, ‘Hayaan mong mag-set up ako ng laro sa Copa City na malalaro ko sa EA FC!’ Gumagawa kami ng 360-degree na karanasan sa football para sa maraming tao.”
 

Pagkasabik


Pamilyar na pamilyar si Ebebenge sa mas malulupit na realidad ng soccer. Bagama’t lampas na sa tugatog nito noong dekada ‘90, kilala pa rin ang Legia Warsaw sa “mga ultra” nito, ang sekta ng masusugid na tagasuporta na ang sigasig ay maaaring magbago mula sa makukulay na paputok at madamdaming mga awit patungo sa karahasan—maging ang pagpupuslit ng pepper spray sa mga laban para atakihin ang mga kawani ng seguridad.

Sa ilang mabubuting dahilan, ang mga ultra ng Copa City ay mahigpit na pinahina, kaya pa rin nilang magpasaway, pero hindi na armado ng mga knuckleduster. Ayon kay Ebebenge, na mas gustong tawaging “kasiyahan” ang mga abalang hindi naman masyadong seryoso sa loob ng laro, hindi magiging katanggap-tanggap sa mga opisyal na sports partner at sa mga ahensyang nagtatakda ng rating ng edad ang pagpapalabas na ang mga tagahanga ay tila mararahas na hooligan. “Sa halip na tumuon sa pisikal na karahasan, sinuri namin kung paano lumilitaw ang tensyon, tunggalian, at paglala ng emosyon sa pag-uugali ng karamihan,” dagdag ni Leśniewicz.

May iniisip ding mas mataas na tungkulin para sa susunod na henerasyon ng mga tagahanga ng soccer. “May ambisyon kaming hubugin ang isipan ng mga batang mahilig sa magandang laro,” sabi ni Ebebenge. “Ayaw naming makita ang mga negatibong aspeto, kahit gaano pa man ito kasaya kung minsan. Pinipili naming ipakita ang realidad na hangad nating lahat na masilayan.”
Copa City Team Select
Ang elemento sa realidad na madaling isama: ang mga chant. Nang lumipad ang team ng Copa City papunta sa mga laro upang maunawaan ang mga natatanging kaibahan sa pagitan ng kapaligiran ng soccer sa iba’t ibang lungsod, sinimulan din nilang irekord ang ilan sa mga pinakakilalang sing-along sa world soccer. 

Madali lang makahanap ng mga chant. Kinakanta ang mga ito sa malikhain at bastos na paraan—at talagang nakakabingi. Ibang usapan rin ang paghahanap ng mga magagamit nila. Ang ilan ay gumagamit ng mga himig o lyrics na may copyright—ang awit ng Arsenal na North London Forever ay verbatim na kinuha mula sa “The Angel” ni Louis Mark Dunford, habang ang Deutscher Fußballmeister ng Bayern Munich ay inaawit sa tono ng “We’re Not Gonna Take It” ng Twisted Sister. Samantala, ang mapanghamong paanyaya ni Beşiktaş sa pulisya na gumamit ng tear gas ay sumasalungat sa “masigla” pero sa pangkalahata’y wholesome na tono ng laro.

Kinailangan ng malaking pagtutulungan ng mga developer, legal team, mga tagasalin ng wika, at mismong mga club para mapili ang mga chant na isasama. Partikular na mahirap suriin ang mga chant ng Arsenal, kahit walang tagasalin ng wika. “Natatangi ang mga British pagdating sa paggawa ng mga chant na labis na mapanuya o medyo nakakasakit,” paliwanag ni Ebebenge. “Kailangan nating siguraduhing tama ang pagpili—sabihin na lang natin gano’n!”
 

Nakabalik na sa bayan ang mga tagahanga


Ang Copa City ay lumampas na sa bakuran ng stadium. Sa kanyang karera, kinailangang isaalang-alang ni Ebebenge ang buong distrito na kalapit ng club. Ganoon din ang mga player, habang nilalakbay nila ang mga pinaikling bersyon ng mga lugar na pinupuntahan ng mga turista tulad ng Berlin at Warsaw, na may mas maraming lungsod pa na iaanunsyo. Sa paghahambing sa mga screenshot ng Google Earth, mahirap tukuyin ang kaibahan nito sa pagitan ng mga layout ng laro at mga totoong lokasyon.

“Gusto naming magkaroon ang mga player ng mas mataas na antas ng complexity pagdating sa mismong mga hamon ng gameplay, at ibinibigay iyon ng mas malawak na espasyong ito,” paliwanag ni Ebebenge. “Talagang binigyan namin ng malaking diin ang muling paglikha ng tamang atmosphere at ang pagtiyak na bawat lungsod ay may kani-kanyang hamon sa logistic. May aabangan ang mga tagahanga ng mga karaniwang city builder game sa Copa City.”
Gumawa ng Mga Fanzone ang Copa City
Kapag nagpakita ang mga player ng favoritism—halimbawa, kapag pinagsiksikan nila ang maraming supporter ng isang team sa hindi masyado nadebelop na kapitbahayang kakaunti ang mga amenidad, habang ang kabila ay nasisiyahan sa saganang serbisyo at marangyang kondisyon, maaaring tuluyang umatras sa laro ang kalabang team. Isa itong mapaminsalang resulta, na ayon kay Leśniewicz, ay maglalagay sa City Captain sa matinding problema sa galit na lupon ng mga direktor. “Ang pagiging balanse ang susi sa lahat, pati na ang pagpaplano ng kaganapan!”

Magandang halimbawa ito kung paano, kahit mukhang sobrang hirap at nakakatakot ang pamamahala ng soccer event, mas madali pala ito kaysa sa inaakala. Ang pagtiyak na ligtas, busog, at may sapat na inumin ang mga tagahanga ay common sense lang. Ayon pa kay Ebebenge, kahit hindi ka pa nakakadalo sa isang sports match, makikita mo ang pagkakapareho nito sa iba pang live na kaganapan tulad ng mga music festival. Mas nangingibabaw ang mga pangkaraniwang prinsipyo sa pananalapi at logistics, na pundasyon ng anumang mahusay na tycoon game, kaysa sa espesipikong kaalaman tungkol sa soccer.

Lubhang nalampasan ng Copa City ang mismong inaasahan ni Ebebenge sa kung paano nito napagsama-sama ang kanyang kakayahan sa negosyo, pamamahala sa stakeholder, at detalyadong kaalaman sa mga masalimuot na aspeto ng soccer sa isang accessible na tycoon sim. Dahil dito, marami itong maiaalok sa mga tagahanga ng football, sa mga tagahanga ng tycoon, at maging sa mga nagsisimula pa lang sa pamamahala ng kaganapan—biro ni Ebebenge na kapag natapos ng mga player ang campaign, para na rin silang nakakuha ng katumbas na kwalipikasyon sa pamamahala ng kaganapan.

“Kung magaling ka sa Copa City, siguradong handa ka na sa tungkulin sa pag-oorganisa ng isang malaking kaganapan,” sabi ni Ebebenge. At ano pa bang ibang tycoon game ang makakapagsabi noon?

Maghanda para sa high-stake at mapanganib na pagbabago sa karera kapag inilunsad ang Copa City sa Marso 26 sa Epic Games Store.