Balita

Paggawa sa may sistemang kaguluhan at nakakakilabot na pagmamadali sa Star Wars Escape Vader sa Fortnite

D
Dave Tach
May 28, 2026

May mga nagsasabi na sa kalawakan, walang makakarinig sa iyong sumigaw, pero sa malalamig na bakal na pasilyo ng sirang Star Destroyer, ang mga tunog ng takot ay bumabalik nang malinaw sa iyong mga kapwa Rebel. 

Kahit dito sa kalawakan, sinasakal ng masamang Galactic Empire ang kalayaan sa kamay na bakal nito, pero isang quartet ng matatapang na Rebel ang desperadong naghahanap ng anumang kalamangan, sumusunod sa mga usap-usapan, bulung-bulungan, at pagwawalang-bahala. At isa ako sa kanila. 

Naglalakbay kami sa Outer Rim—ang dulo ng sibilisadong galaxy na may napakaliit na populasyon—nang may matuklasan kaming magandang balita: isang Star Destroyer na nakahilig sa kalawakan. Dali-dali kaming kumilos, dahil alam namin na kailangan naming pasukin ang wasak na ship, maghanap ng Power Cells, kunin ang relic, at manatiling buhay. Pero pahirap nang pahirap ang misyon. Madali lang pumasok, at nakakaakyat kami agad. Dala namin ang scanners namin para makatulong na maghanap ng Power Cells. Pero kaya ba naming mabuhay? Dito nakasalalay ang lahat. 

Nakapasok na kami, kami ng tatlong kaibigan ko, at nagmamadali kaming kumilos nang tahimik. Halos hindi ako makakita sa paikot-ikot at sira-sirang pasilyo. Alam kong posibleng maging problema ang mga stormtrooper, at naiisip ko sila kahit saan, pero karamihan sa kanila ay hindi matatamaan kahit ang kasinglaki ng bantha. Kaya naman, gumapang kami, nakahanda ang mga blaster namin, tapos, nalaman naming may bagong banta sa loob na nakakapanindig-balahibo, na humahabol sa amin, na humihinga nang malakas sa mechanical mask. Siya ang Sith Lord: si Darth Vader. At kami ang biktima niya. 

Pero dahil nakataya ang kalayaan ng kalawakan, nagpakatatag ako at in-activate ko ang scanner ko. Hindi na malayo ang pinakamalapit na Power Cell, at ngayon, kumikilos na ako nang may layunin. Umusad ako: kaliwa, kanan, may lumangitngit, at umulan ng mga spark. Huminto ako at naghintay. Lumiko ako nang isa pa, isa pang pasilyo, at may stormtrooper. Nagpaputok ako bago pa siya maka-react, at bumagsak siya sa ilang putok. 

Umuusad kami—alam ko 'yon, pero alertong-alerto ako dahil sa kumakabog kong dibdib. Sinasabi ko sa sarili ko na pakiramdam ko lang na sumisikip ang paligid, na wala naman talaga akong naririnig na respirator. Huminga ako nang hindi ko namamalayan na nagpipigil pala ako.

Tiningnan ko ulit ang scanner ko. Papalapit na kami sa isa sa mga Power Cell. Tiyak nasa susunod na pasilyo na 'yon. Siguradong hindi na lalampas sa kasunod noon. Dahan-dahan lang ako. Sinadya kong sumilip. Lumiko ako sa isang kanto, pumasok ako sa isang kuwarto, at naghanap ako ng mga labasan. Lumingon ako sa kaliwa, at tumigil ang tibok ng puso ko.

Isang bagay na alam kong nandito si Vader. Ibang-iba naman ang makita siyang nakapangibabaw sa iyo, habang nagliliyab ang pulang lightsaber niya. 

Pagkatapos nito, nagkaroon ng paghaharap. Madali niyang naiwasan ang ilang putok ko, at sapat lang ang oras ko para magtaka kung ano ba ang akala kong magagawa noon bago niya ipamalas sa akin ang pagka-Darth Vader niya. Tumumba ako kaagad, nang mas mabilis pa sa pag-intindi ko kung ano'ng nangyari. Pero buhay pa rin ako. Gumagapang na lang ako, at nagdasal ako na i-revive sana ako ng isa sa mga kasama ko. 

Ito ang Star Wars Escape Vader (island code: 7285-4185-5428), kung saan lagi kang isang Rebel at lagi kang tinutugis ni Darth Vader. Salamat sa mga developer sa Beyond Creative, ito ay isang madilim at laging tensiyonadong islang dumating sa Fortnite noong Mayo 1, 2026. 

Nakausap namin si Kasper Weber, co-founder at CEO ng Beyond Creative, pati na rin si Mihai Marica, ang producer na namuno sa development, tungkol sa paggawa ng laro gamit ang Star Wars Toolkit sa Unreal Editor para sa Fortnite (UEFN), ang kanilang panghabambuhay na pagkahumaling sa Star Wars, at ang eksena sa Rogue One na nagbigay-inspirasyon sa laro. 

UEFN Star Wars Toolkit 1
Noong unang panahon … 

Ang Escape Vader ay hindi lang produkto ng Unreal Editor para sa Fortnite (UEFN) at Fortnite Creative. Ito ang resulta ng deka-dekadang video game at pop culture fandom. 

Sampung taong gulang pa lang si Kasper Weber, gumagawa na siya ng mga laro, at halos isang dekada na siyang gumagawa ng mga laro sa Fortnite

“Nagsimula akong maglaro ng Fortnite noong nasa kolehiyo pa lang ako. Battle Royale ang kadalasang nilalaro ng mga kaibigan ko, pero sa Fortnite Creative ako natural na nahumaling,” ani ni Weber, habang tinutukoy niya ang tool ng Epic Games na magagamit ng kahit sino para mag-design at mag-publish ng mga laro at karanasan sa Fortnite. 

Fortnite Creative creator na ako mula pa noong maagang access na release nito noong Disyembre 2018. Sa loob ng apat na linggo, kumukuha na ako ng mga YouTube influencer para i-feature nila ang mga custom game na ginawa ko para sa mga video nila. Pagkalipas ng apat na buwan, nag-drop out ako sa kolehiyo.”

Noong umpisa, isa siyang solo creator, pero mula noon, mahigit 50 laro na ang nagawa niya at binuo niya ang Beyond Creative kasama si Liam McMahon. 

Naglalaro na si Mihai Marica ng Fortnite noong nagsisimula pa lang ito, na naging daan sa pagkakaroon niya ng career sa game development. 

“Lumipat ako mula sa AAA game development para tumulong na maisakatuparan ang mga kakaiba at malaking ideyang ito sa pamamagitan ng pagsagad sa mga kakayahan ng mga tool ng UEFN,” aniya. 

Bago pa man nagbigay-inspirasyon ang Fortnite sa kanila para gumawa ng mga laro, inspirasyon na rin nila ang Star Wars. 

“Lumaki ako na nakapaligid sa akin ang Star Wars,” sabi ni Weber, “mula kubrekama at pajama hanggang sa mga laruan. Dahil Danish ako, nagkaroon ng malaking epekto sa pagkabata ko lalo na ang LEGO Star Wars, parehong sa pamamagitan ng mga pisikal na set at digital na laro. “At noong hindi pa ito digital, nasa hardin ako kung saan ginagaya ko ang mga labanan kasama ang dalawa kong nakababatang kapatid.”

Inilarawan ni Marica kung ano ang palagay ng marami tungkol sa Star Wars. 

“Gaya ng lahat ng iba pang nasa team namin,” sabi niya, “Lumaki ako kasama ang Star Wars. Ito ang pinagsasaluhan naming wika: mga pelikula muna, kasama ang tatay ko, tapos, mga laro, at pagkatapos, lahat ng iba pa. Lumaki akong humahanga sa mga iconic character na ito, pero talagang natatakot din ako sa mga character na tulad ni Darth Vader. “Laging nakakabahala sa tuwing lumalabas siya sa screen.”

Dahil sa matibay nilang pagmamahal sa Fortnite at Star Wars, lumikha ang balita nitong unang bahagi ng taon ng napakagandang pagkakataon para sa studio. 

UEFN Star Wars Toolkit 4
Star Wars at Fortnite 

Ilang taon nang nagko-collaborate ang Epic Games at Lucasfilm para mailagay ang galaxy far, far away sa Fortnite, at nagkaroon ng napakaraming posibilidad noong umpisa ng taong ito sa pag-announce ng tungkol sa mga asset at tool ng Star Wars para sa mga developer sa Fortnite. Ngayon, puwede nang magdagdag ang mga creator sa Fortnite ng mga iconic character, lokasyon, sound effect, sasakyan, at higit pa sa mga isla nila sa Fortnite

Nagsimula ang Escape Vader sa isang tanong: Ano kaya ang magiging hitsura ng isang Star Wars horror game?

“Talagang nagsimula ito sa fantasy, sa isang napakasimpleng tanong na dala naming lahat sa paglaki namin: Ano kaya ang pakiramdam ng habulin ni Vader?” sabi ni Weber. “Hindi siya lalabanan, hindi rin siya papanoorin, kung hindi ang mapunta sa kabilang panig ng presensiyang iyon.”

“Mula roon, mabilis na naging mas partikular ang ideya. Tanong namin sa sarili namin: Paano kung nakakakaba ang isang Star Wars na laro, kahit medyo nakakatakot pa nga? Hindi 'yon madalas makita, lalo na sa isang character na katulad ni Vader, na karaniwang ipinapakita bilang makapangyarihan, pero sa huli ay may kahinaan pa rin naman.” 

Iyan ang fantasy na pinagbatayan ng Escape Vader, at mararamdaman mo ang pressure sa first-person perspective sa bawat sandali ng paglalaro mo. Ikaw at isang team ng tatlong magkakaibigang Rebel ang tutuklas sa madidilim na eskinita at pasilyo ng Star Destroyer na sirang-sira na kaya naman bigla na lang itong tumatagilid at umuusli sa mga kakaibang anggulo, habang hinahanap ninyo ang nawawalang Power Cells gamit ang mapagkakatiwalaan ninyong Energy Scanner.

Pero hindi magtatagal, agad ninyong malalaman na hindi pala kayo nag-iisa: Parating na si Vader. 

“Parang may sistemang kaguluhan ang paglalaro ng Escape Vader!” sabi ni Weber. “Ang laro namin ay isang co-op experience na nakasentro sa koordinasyon at peligro. Magtutulungan kayo para tumapos ng mga objective, pero lagi kayong naka-expose habang ginagawa n'yo 'yon. Kailangang magtulungan ang mga player habang nilalabanan nila ang omnipresence ni Vader, habang fino-force (hindi sinasadya ang pun) niya kayong sumabay.”

Sa mala-horror na karanasang ito ng Star Wars, parang isang horror mascot si Vader noong '80s

“Si Vader ang naging constant,” sabi ni Weber, “ang nag-iisang bagay na hindi makokontrol, hindi mapapakiusapan, at hindi matatalo ng mga player.” Dahil doon, natural na naging survival-horror na karanasan ang laro. Wala ka roon para talunin siya. Nandoon ka para iwasan siya, tapusin ang misyon ninyo, at umalis.” 

Escape Vader
Pagbalanse kay Vader

Hindi matatawaran ang impluwensiya ng Star Wars, at alam na ng milyon-milyong fan kung ano ang aasahan kapag parating na si Darth Vader. Ayon kay Kasper Weber, ang paggawa noon nang tama ang isa sa pinakamalaking hamon noong ginagawa nila ang laro.

“Ang pagbalanse kay Vader siguro ang pinakamahirap na bahagi,” aniya. “Sa isang banda, kailangan niyang maging malupit at makapangyarihan, gaya ng mismong inaasahan ng mga player.” Sa kabilang banda naman, kailangang kaya pa ring laruin ang game. Kung masyado siyang nakakagipit, parang walang magagawa ang mga player. “Kung masyadong madaling hulaan ang kilos niya o masyado siyang maluwag, mawawala kaagad ang takot mo.”

Sinabi ni Weber na ang susi ay ang paghahanap ng tamang balanse at pag-focus sa teamwork. 

“Nalaman naming nakuha na namin ang tamang balanse noong magsimulang magbago ang takbo ng mga playtest. Darating ang mga player nang may plano kung paano siya tatakasan, pero mabilis nila itong tinalikuran habang nagsisimula nang bumigat ang pagharap sa kanya. Sa kabila nito, sa pamamagitan ng sakripisyo at pagtutulungan, nagawa pa ring manalo at magsaya ng mga player.”

Kumuha ng inspirasyon ang team sa mga larong tulad ng Dead by Daylight at The Outlast Trials, pero ang eksena ng Sith Lord mula sa Rogue One ang naging pinakamalaking inspirasyon. 

Babala ng Spoiler: sa pinakadulo ng pelikula, lumabas si Darth Vader at nagpakawala siya ng kamatayan at kapahamakan, iwinasiwas niya ang pulang lightsaber niya, ibinato niya ang mga walang kalaban-labang Rebel sa pader, at hinabol niya ang ninakaw na plano ng Death Star. 

“Sa totoo lang, si Vader mismo ang pinakamalaking impluwensiya sa umpisa pa lang. Mahirap balewalain ang eksena sa pasilyo sa Rogue One—napag-usapan na namin iyon noong ideya pa lang ang Escape Vader sa isang whiteboard. Hindi na talaga 'yon nawala, halos parang pundasyon ng design para sa laro namin. Ipinapakita rito ang pinakamatinding bersiyon ni Vader—'yon ang gusto naming gawing gameplay.”

Ang eksenang 'yon ang nasa sentro ng Escape Vader: Mabagal ka, exposed ka, may dala kang mabigat na cargo, at hinahabol ka ng kasamaan, na posibleng nasa bawat sulok lang. Wala ka talagang panama sa kanya. Hindi ito masyadong fighting game, mas survival na karanasan ito, sabi ni Weber. 

“Ang Escape Vader ay hindi tungkol sa pakikipaglaban kay Vader o kahit pag-resist sa kanya—tungkol ito sa kung gaano ka katagal mabubuhay kapag alam na niyang nandoon ka.” 

Droid Tycoon
Mas marami pang Star Wars

Ang Escape Vader ay isa lang sa mga Star Wars na islang ni-launch noong May 1. 

Mayroon ding Star Wars Galactic Siege (island code: 5003-9856-3648), mula sa mga developer ng JOGO Studios, kung saan nagtatapat ng dalawang team na may tig-10 miyembro sa malawakang labanan sa mga iconic na lokasyon ng franchise. Ang Galactic Siege ay hindi lang basta simpleng team-based na labanan: Bawat character na nilalaro mo ay may class, mula sa mga tangkeng may matinding pinsala hanggang sa mga healer at sniper, at kahit ang mga legendary character tulad ni Rey, at matutuwa ka sa umpisa pa lang sa pagpapalipat-lipat ng class at paghahanap ng pinakaangkop para sa playstyle mo. Ito ay mabilisang labanan na player-versus-player (PvP) habang ang bawat faction ay lumalaban para mapanatili ang teritoryo at makakuha ng kalamangan. 

Sa Star Wars Droid Tycoon (island code: 7865-8305-9184), mapupunta ka sa mga buhanginan ng Tatooine, ang planetang pinagmulan nina Anakin at Luke Skywalker. Gaya ng ipinahihiwatig ng 'tycoon' sa pangalan nito, ang mga developer ng FOAD ay gumawa ng simulation na karanasan kung saan nagpapatakbo ka ng droid factory sa lilim ng isang sandcrawler. Sa umpisa, kapag kapos ka sa resources, magsisikap kang lansagin ang decommissioned droids gamit ang melee weapon mo para makuha ang mga piyesa. Sa loob ng ilang minuto, ia-upgrade mo na ang iyong lupang tigang gamit ang mga makina na siyang pinakapinagkakakitaan mo. At kung magpapatuloy ka, makakagawa ka ng pabrikang puno ng mga iconic droid na masayang kumita ng pera para sa iyo, na magsisilbing pondo para sa mga susunod mong koleksiyon. 

Ilan lang 'yan sa mga bagong Star Wars-themed na karanasang available na sa Fortnite. Bumalik ka lang nang bumalik para makita mo kung ano'ng bago at maglaro ka lang nang maglaro para makakuha ka ng mga libreng reward. May the Force be with you sa mga pakikipagsapalaran mo!