Balita

Gusto ng Crimson Desert na paghaluin ang mga genre

G
George Yang
Mar 4, 2026
Ang Crimson Desert ay inaasahang magiging isa sa mga pinakasikat na laro ng taong 2026. Tuloy-tuloy lang na nagiging viral ang mga social media post tungkol sa game na ito dahil sa napakaraming aktibidad na kasama rito. Nandito na ang mga karaniwang mode ng gameplay tulad ng combat, mga side quest, at pagluluto, pero may kasama ring mga libangan sa Crimson Desert gaya ng pangingisda at pati na bunong-braso! Isa itong maambisyong game, na puno ng maraming magkakaugnay na system, at bigay-todo ang pagsisikap ng mga developer sa Pearl Abyss para gawing pinakanakakatuwang action-adventure game ang Crimson Desert mula sa lahat ng nailabas nila.

"Ang pilosopiya ng disenyo ang susi sa lahat", sabi ni Will Powers, ang Marketing and Public Relations Director ng Pearl Abyss. "Tuwing kinakausap namin ang development team tungkol dito, binibigyang-diin nila ang paggawa ng content para sa game at ang panggabay na prinsipyo para gumawa ng mga bagay na masaya—at hindi lang masaya, kundi magkakaugnay at sadyang ginawa para maging bahagi mismo ng mundo." 

Sa totoo lang, wala ka namang mapapanalunan sa pakikipagbunong-braso, kahit pera. Pero nakakaaliw ba ito? Siyempre.
 

Paglalarawan sa sarili nito


Unang ipinakilala ang Crimson Desert noon pang 2019 bilang isang bagong massively multiplayer online game (MMO) na magsisilbi rin bilang prequel ng isa pang MMO ng Pearl Abyss, ang Black Desert Online. Gayunman, mula noon, ginawa nang singleplayer action-adventure game ang Crimson Desert
Crimson Desert: Abyss
Nasa kathang-isip na kontinente ng Pywel ang Crimson Desert. Si Kliff at ang mga kapwa miyembro niya ng grupong Greymane ay inatake ng mga bandidong Black Bear. Marami sa kanila ang namatay, at ipinapakita sa Crimson Desert ang pakikipagsapalaran ni Kliff pagkatapos nito para makasama ulit ang ilan pang natitira sa kanila. Kahit na unang ilang chapter pa lang ang nalaro ko, pakiramdam ko, ang tunay na kuwento ay ang naratibong binubuo mo para kay Kliff sa gitna ng napakalaking open world na ito. Ang bawat side quest na natapos at dungeon na sinuong ay nakakadagdag sa lore niya. Sa isang panayam noong nakaraang buwan kasama ang mga voice actor ng game, nabanggit ni Alec Newman, na nagbibigay-boses kay Kliff, kung gaano kapambihira ang pagsubaybay sa character development ni Kliff.

Sa apat na oras ng paglalaro ko sa simula ng Crimson Desert, may napansin akong mga pagkakatulad nito sa mga game tulad ng The Legend of Zelda at Assassin's Creed. Halimbawa, ang Axiom Force ay isang grapple na nagbibigay-daan sa bida sa Crimson Desert na si Kliff, na makipag-interact sa mga box at kumilos nang maliksi sa paligid ng mga ito para makapag-solve ng mga puzzle—tulad ng Magnesis skill ni Link sa The Legend of Zelda: Breath of the Wild. Kaya rin ni Kliff na umakyat sa mga surface tulad ni Link, nang may katulad na stamina bar na lumalabas para ipaalam sa iyo kung gaano na lang karami ang energy niya.

Mararamdaman mo pa rin sa mga elementong ito ang mga bakas ng orihinal na pinagmulan ng Crimson Desert bilang isang MMO. Halimbawa, medyo kumplikado ang mga kontrol kumpara sa ibang mga game sa genre na ito, lalo na sa isang controller. Kapag gusto kong makipag-usap sa isang NPC, kailangan ko munang diinan ang kaliwang shoulder button at piliin ang confirm, sa halip na lapitan lang siya at pindutin ang confirm button kapag na-prompt ako. Puwedeng matagalan bago ka masanay sa kakaibang mga mala-MMO na katangian ng Crimson Desert, pero kakaiba ang dating nito.

Gayunman, nakikinabang nang malaki ang Crimson Desert sa pinagsimulan nito bilang MMO. Kilala ang game na ito dahil parang wala itong katapusan at dahil napakalaki ng mundo nito, na may samot-saring system na nag-evolve para umakma sa isang singleplayer game. Isang halimbawa ang in-game economy nito. Sa mga MMO, karaniwang nagbabago ang mga system na ito dahil sa mga aksiyon ng mga player pero, sa Crimson Desert, automatic na nag-a-adjust ang in-game economy sa paglipas ng panahon para sa trading.
Crimson Desert: Kliff Sa Bayan
"Sa development cycle, may ilang bagay na gumagana, at may ilang bagay na hindi. Kailangan mong pumili. Patuloy mo bang isusulong ang orihinal na konsepto at scope ng laro, o ituturing mo ba ang mga pagsubok bilang oportunidad na magbago ng direksiyon at gawing natatangi ang larong ito?" paliwanag ni Powers. "Malinaw na ang pangalawa ang nangyari dito, at natural na nag-evolve ang Crimson Desert para maging natatanging laro bilang isang singleplayer na open-world action-adventure game."
 

Pagsasama ng nakaraan at hinaharap


Tulad ng predecessor nito na Black Desert Online, ang Crimson Desert ay may kaunting sci-fi sa fantasy setting nito na hango sa medieval Europe. Ang mga loading screen nito ay nakakapagpaalala sa iyo ng Assassin's Creed Shadows, na nagtatampok ng mga geometrical block na kumakatawan sa Animus, ang in-universe virtual reality machine na nagbibigay-daan sa pagpapalipat-lipat ng panahon sa Assassin's Creed. Sa Crimson Desert, ang mga loading screen ay tumutukoy sa Abyss, isang interdimensional na lugar na maraming itinatagong lihim.

"Ito ay isang sinadyang artistic reference—ang magkaroon ng mataas na contrast sa pagitan ng mga geometric at natural na elemento para bigyang-diin ang pagkakaiba ng mahiwagang Abyss at ng natural na mundo," sabi ni Powers. Ang pagkakaibang iyon ay isa sa mga misteryo ng mundo ng Crimson Desert, at matutuklasan at malalaman ito ng mga player sa pakikipagsapalarang ito. 

Ang isa pang elemento na sa una ay mukhang hindi bagay sa medieval na setting ng Crimson Desert ay ang pagkakaroon ng mga machine at mech. Puwedeng sumakay si Kliff sa isang malaking dragon para makalipad—kaya, para saan pa ba ang mech? Ang totoo niyan, sinusubukan ng Pearl Abyss na magbenta ng isang power fantasy, at hindi naman isang historical at realistic na laro tulad ng Kingdom Come: Deliverance.
Crimson Desert Combat
Sa ganitong paraan, ang Crimson Desert ay mas kahalintulad ng FINAL FANTASY XVI, kung saan medyo realistic ang setting, pero may ilang pambihirang elemento, lalo na sa combat. "Puwedeng isa itong wrestling move na magpaparamdam sa iyo na napakalakas mo, sobrang lakas na parang nakakatawa na lang—na bigla na lang mawawala ang pagiging realistic nito," sabi ni Powers. "Nakakaaliw talaga ang contrast na iyon sa mata ng isang player at nagiging kawili-wili ang combat dahil dito."

Ipinaliwanag pa niya na ang mga elemento ng sci-fi ay galing sa Abyss at sa rehiyon ng Delica, ang sentro ng agham sa Pywel. Ang mga mech ay produkto ng mga imbensiyon ng mga dwarf at ng pag-unlad ng teknolohiya ng Delica—pero may iba pang mga rehiyon na may sari-sariling pilosopikal at geopolitical na paninindigan. Halimbawa, ang Demeniss ay ang pinakasentro ng digmaan at politika, at ang magulong Crimson Desert (kung saan ipinangalan ang game) ay isang malawak na lupain. Layunin ng Pearl Abyss na lumikha ng isang makulay na mundong puno ng mga alitan sa pagitan ng mga faction.

"Talagang interesante ang mga sagupaan sa pagitan ng iba't ibang faction na iyon sa mundo ng game," paliwanag ni Powers. "Dito pumapasok ang sci-fi sa fantasy world namin, sa pamamagitan ng iba't ibang pananaw sa pag-usad ng teknolohiya sa iba't ibang kultura."
 

Pagdaig sa mga limitasyon


Paulit-ulit na ig inigiit ng Pearl Abyss na ang Crimson Desert ay hindi isang RPG. Wala rito ang mechanics na karaniwang makikita sa genre tulad ng experience points o mga leveling system. Pero hindi ibig sabihing walang elemento ng RPG ang Crimson Desert. Napakarami nga ng mga ito. Kapag nag-a-upgrade ng mga skill tulad ng Axiom Force o pinaparami ang stamina at iba pang kakayahan ni Kliff, gumagamit ka ng Abyss Artifacts, na parang skill points. Makukuha ang Abyss Artifacts sa pamamagitan ng mga quest at sa pagtalo sa malalakas na kalaban, pati na rin sa pag-explore ng mundo. Hinihikayat kang puntahan ang bawat sulok ng Pywel sa halip na walang tigil na supilin ang mga kalaban para sa experience points tulad ng sa isang tradisyonal na RPG.

"Gusto naming magkaroon ng tamang expectation ang mga player, at ang pinakamadaling paraan para gawin iyon ay iayon ang Crimson Desert sa mga expectation nila mula sa mga nalaro na nila dati na katulad nito," paliwanag ni Powers. "Mahirap lang dahil sa kasaysayan ng larong ito at kung paano nagbago ang landas nito. Maraming system na kasama sa DNA ng laro na ngayon ay nakakapaghalo na ng iba't ibang genre."
Crimson Desert: Lumilipad na Kiliff
Nilinaw din ng Pearl Abyss na ang Crimson Desert ay isang ganap na premium experience, na hindi ito magkakaroon ng anumang microtransaction, at walang kasalukuyang planong mag-implement ng multiplayer sa hinaharap. Puwedeng nakakalito para sa iba ang Crimson Desert dahil sa pagkakahawig ng pangalan nito sa Black Desert Online. Gayunman, hindi binalak ng Pearl Abyss na palitan ang pangalan ng Crimson Desert matapos nitong lumayo sa orihinal nitong focus bilang MMO.

"May mga pagkakatulad, sa mga Easter egg o sa mga pagkakatulad sa gameplay na matutuklasan ng mga tao sa pagitan ng dalawang laro," sabi ni Powers. "At isa 'yan sa mga dahilan kung bakit nagpasya kaming panatilihin ang pangalang 'Desert,' na parang ito ang 'Desert' IP." Kilala ang Black Desert Online sa pulidong action-oriented combat nito, at bahagi rin iyon ng Crimson Desert. Magkaibang audience lang talaga ang target ng dalawang ito. Ang isa ay para sa mga gusto ng singleplayer, at ang isa naman ay para sa multiplayer.

Sa nakalipas na ilang taon, nakakabuo na ang South Korea ng mas malaking presensya sa mundo ng mga video game sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga patok na single-player game tulad ng Stellar Blade ng SHIFT UP at Lies of P ng Round8. Ngayon, pagkakataon naman ng Pearl Abyss, gamit ang inilatag na pundasyon ng mga naunang kompanyang iyon para sa pag-rollout ng Crimson Desert at pinalawak na reach ng game development scene ng South Korea sa mga bagong audience. "Isa itong larong ginawa ng mga taong may karanasan—hindi ito proyekto ng baguhan, kumbaga," paliwanag ni Powers. "Sa tingin ko, inilatag ng lahat ng kompanyang ito ang pundasyon para pumatok ang Crimson Desert."

Ilulunsad ang Crimson Desert sa Marso 19. Kung ipi-prepurchase mo ang Crimson Desert sa Epic Games Store, makukuha mo ang Kliff Outfit sa Fortnite sa launch nito.