Balita

Binuo ang EA SPORTS FC 26 na isinaalang-alang ang mga player nito

J
Justin Koreis
Ago 5, 2025

Kung may isang bagay mang gustong ipaalam sa amin ang team sa EA Vancouver sa pagbisita namin para sa maagang hands-on sa EA SPORTS FC 26, iyon ay na ginawa ang laro sa taong ito sa pamamagitan ng pakikinig sa mga player. Hindi narito ang team para makiuso lang. Hindi, nagsisimula ang bawat elemento sa pakikinig sa kung ano ang hinihingi ng mga taong naglalaro mismo ng laro. May pinanggalingan sa panonood at pakikinig sa mga player ang lahat ng nakausap namin, ang bawat usapan.

Matapos ang dalawang araw ng mismong gameplay ng EA SPORTS FC 26 at malalimang pagtalakay sa mga pagbabago ng pangunahing gameplay, muling binuong system ng progresyon, at dinamikong bagong diskarte sa pamamahala ng team, hindi namin mapigilang isipin ang isang bagay: Maaaring tama nga ang mga player.°
 

Sa loob ng pitch


Ang pinakaunang nangibabaw nang maupo kami para maglaro ng EA SPORTS FC 26 ay kung gaano ka-responsive ang aksyon sa field. Mabilis at swabe ang pagbabago ng direksyon gamit ang mabilis na striker, at malinaw na sobrang sayang kontrolin ang forward na mala-Messi. Kapansin-pansing hindi lang basta tinaasan ng team sa EA Vancouver ang animation slider. Sa halip, pinakialaman nila ang mga likod ng eksena—at sa ibang kaso’y ang code mismo—para gawin ang mga adjustment. Malaking proyekto iyon, pero kinakailangan kung gusto talaga ng team na tuparin ang pangakong makinig sa sinasabi ng mga player, ayon kay Paul Parsons, Lead Gameplay Producer para sa EA SPORTS FC 26.

“May mga tagasubaybay kaming tahasang nagsasabing ‘Kailangan naming mas mahusay ang pangunahing gameplay,’” sabi ni Parsons. “Iyong pinakamatinding alaala ng saya—kaya nila nilalaro ang laro. Ang feature na hinihingi nila ay para maging pulido ang gameplay hangga’t maaari. At iyon ang nagawa namin sa team ng gameplay.”

Ayon kay Parsons, sa pag-dribble nagsasama-sama ang animation, ang mga input, ang mga posisyon, at iba pang variable, kaya doon muna nila unang itinuon ang kanilang mga atensyon. Mas hinahawakan na ng mga dribbler ang bola, kumikilos nang mabilis habang nagdya-jogging at tumatakbo, at nagagawa nang lumiko o magbago nang direksyon agad-agad. Nakikinabang ang mga elite na dribbler sa mabilis na animation at kayang maging pasabog sa pitch gamit ang mahuhusay na kamay.

Hindi lang bilis at liksi ang mahalaga sa soccer, at ngayong taon, makakatanggap din ng boost ang mga umaasa sa laki ng kanilang katawan, lakas, at pisikal na puwersa. Mas epektibo ang pagharang sa mga defender habang nagdi-dribble para sa mas malalaki at mas makakapangyarihang player sa pitch. Nagagamit nila ang kanilang mga muscle at laki para mapanatili ang kontrol. Ang laki ng katawan ay malaking bagay rin sa banggaan at agawan ng pwesto—maaaring sapat na para mapasuray ang mas maliit na kalaban ng isang tulak ng balikat mula sa matikas na midback, na nagbubukas ng pagkakataon para sa opensa. Nakakatulong din ito sa bagong estilong Enforcer, kung saan nakatuon ang mga kakayahan sa mas epektibong paggamit ng balikat sa mga challenge at sa pagprotekta sa bola. 

“Naipapamalas ang lakas, kapangyarihan, at kakayahan sa pamamagitan ng kontrol ng espasyo. May shielding na kami sa laro, pero gusto naming gawing mas bahagi ito ng pangunahing gameplay—ang kakayahang harangin ang kalaban o, habang nagdi-dribble, maitulak sila gamit ang balikat at katawan palabas sa bola.” 

Na hindi sila iniiwan sa ere ang magandang balita para sa mga defender. Magkakaroon ang mga goalkeeper, sa partikular, ng ilang upgrade na dinisenyo para mas maging epektibo at makatotohanan. Para sa mga keeper na kontrolado ng computer, nangangahulugan ito ng mas matalinong posisyon sa box para makalikha ng mga tamang anggulo para mapaghandaan ang paparating na atake, mga bagong animation, at mas matalinong pang-unawa ng mga daanan ng tira para gawing makakatotohanan ang mga tangkang pag-save. Para sa mga player na kontrolado ng tao, nangangahulugan ang mga update na ito ng inayos na control scheme, na nagbibigay-daan sa iyo para maghanda sa pag-dive gamit ang pagkalabit sa stick, orasan ang suntok, o sumalo ng bola, o salubungin ang umaatake para harangan o agawin ang bola.

Sa kabilang banda, mapapansin ng mga defender ang mga pagbabago sa mga tackle, block, at interception lalo na pagdating sa kung paano kinokontrol ng mga player nila ang daanan ng bola. Hindi na basta-basta itutulak ng midfielder na umaagaw ng pasa ang bola kung saan-saan. Susubukan nilang ihanda ang sarili o ang kasama sa team para mapanatili ang bola. Mas madalas mauuwi sa malinis na possession ang mga tackle na tama sa timing, at gagawin na ngayon ang mga deflection na malapit sa goal (kasama na ang mula sa goalkeeper) nang may layuning mailayo ang bola sa mga kalaban at sa panganib, tulad ng ginagawa ng mga propesyonal na player na mauuwi sa mas kaunting cheap goal mula sa rebound.
 

Ang soccer ay para sa lahat


Nasa opensa o depensa ka man, isa sa mga pangunahing pagbabago ngayong taon ay ang paghihiwalay ng tuning para sa mga kumpetitibo o hindi kumpetitibong mode. Walang paligoy-ligoy ang ideya: alisin ang mga variable sa mga head-to-head gameplay mode gaya ng Ultimate Team at Clubs para ang kasanayan, hindi suwerte, ang magtatakda ng panalo, pero nanatili pa ring makatotohanan ang aksyon (at minsa’y hindi rin inaasahan) para sa mga mas gusto ng mas makatotohanang karanasan sa mga mode tulad ng Career.

Isang halimbawa na ibinigay ni Parsons ay kapag nagkabuhol ang dalawang player—isang pangkaraniwang pangyayari sa laro ng soccer. “Malapit na iyon sa card, at sa Authentic mode, ipapakita naming nagtataas ang player ng mga kamay at titingin sa referee, dahil bahagi iyon ng kabuuang karanasang sinusubukan naming buuin dito. Samantalang sa Competitive, gusto ko agad makatayo ang isang ito at makabalik sa laro. Hindi iyan isang bagay na puwede mong iasa sa slider.”
Ea Sports Fc 26 Rodman
Ang isa pang malaking tuon ay sa accessibility. Ang layunin, ayon sa team ng EA SPORTS FC 26, ay ang lumikha ng pinaka-accessible na sports game sa planeta—isang bahagi kung saan sinasabi ng komunidad na kulang sila. Sa pakikipagtulungan sa mga espesyalista sa accessibility sa EA at sa komunidad, nagawa nilang makabuo ng mga unang hakbang para sa patuloy na proseso. 

Ang pagpapakilala sa High Contrast mode ang pinakamalaking bagong feature. Pinapahintulutan nitong baguhin ang mga kulay ng home at away team, ang saturation ng pitch, at ang kulay ng bola. May iba't ibang pagpipilian ng kulay para sa bawat isa, para matugunan ang iba’t ibang biswal na pangangailangan—at ang mahalaga, magagamit ang mode na ito sa competitive play.

“Sobrang bihira sa kahit na anong competitive game ang payagan ang mga bagay tulad ng High Contrast sa competitive play,” sabi ni Parsons. “Kalokohan iyon. Hindi iyon accessibility, pagiging maginhawa iyon. At gusto naming siguruhing accessible na laro kami.”
 

Mas maraming papangasiwaan


Isa sa mga pangunahing layunin para sa Manager Careers sa EA SPORTS FC 26 ay ang maghatid ng mas kapana-panabik na karanasan, lalo na para sa mga nauna nang naglalaro ng mode na ito. Nagsisimula iyon sa bagong Manager Live na mga challenge. Ito ay mga piniling senaryo base sa ilan sa mga paborito mong club, na may mga partikular na layuning kailangang makamit. Ang ilang challenge para sa mga baguhan ay tututok sa pagta-transfer o pag-scout, at mainam ito para matutunan kung paano gamitin ang mga mechanic. Samantalang ang mas advanced na mga layunin ay maaaring umikot sa pagkapanalo ng kampeonato matapos magsimula sa malalaking kakulangan sa puntos o pananalapi.
Ea Sports Fc 26 Bernabeu
May mga bagong challenge linggo-linggo, at mabuti hindi lang para magmayabang ang pagkumpleto sa mga layunin. Maaaring magbigay ng mga reward sa loob ng laro ang progreso mo gaya ng mga retro kit para sa mga player mo, o maka-unlock ng mga Icon, kabilang na ang mga bagong dagdag tulad nina Zlatan Ibrahimović at Alex Morgan, na maaari mong isama sa paborito mong team. 

Ayon kay Andreas Wilsdorf, Line Producer ng EA SPORTS FC 26, nagmula mismo ito sa nakita nilang kinahihiligan ng mga player ng Career Mode.

“Kung titingnan mo ang mga forum o mga Reddit thread,” sabi ni Wilsdorf sa akin, “makikita mo ang mga post ng mga taong naglalaro ng Manager Career nang 10 taon, na nakagawa ng maraming rebuild. ‘May mungkahi ba kayo para sa team kung saan ako puwedeng maglaro, o challenge na puwede kong gawin?’ O may magsasabing unang taon nila sa paglalaro ng FC, at parang nalulula sila sa mga pagpipilian. ‘Puwede ninyo ba akong bigyan ng puwedeng gawin na madali at para sa baguhan?’ At sasabihin namin, ‘Uy, teka lang, mayroon diyan.’”

Hindi mo kailangang sumali sa mga senaryo ng Manager Live, pero kahit ang mas karaniwang paglalaro tulad ng pamamahala sa paborito mong club ay maaaring magdala ng sariling drama dahil sa mga di-inaasahang pangyayari na maaaring sumulpot. Umiiral ang soccer sa labas ng pitch, at ano man ang nangyayari sa labas nito ay direktang makakaapekto sa kung ano ang mangyayari dito. Halimbawa, ano ang gagawin mo kung may paparating kang mahalagang labanan ng liga, at tinamaan ng food poisoning ang team mo? Iyon nga ang nangyari kay Salernitana, at maaaring maging pagsubok din ng abilidad mo sa pamumuno.
Ea Sports Fc 26 Palmer
Ang mga kaganapang ito ay maaaring may kinalaman sa pinsala (gaya ng pagbabalik ng isang player ng ipinahiram na may iniindang pinsala) o pinansyal (gaya ng pag-take over ng board sa team). Kung homesick ang player, naglalaro ng ilang libong milya mula sa kanyang pamilya, sasabihan mo ba silang tanggapin na lang ito, o kaya’y magpasok ng isa pang player mula sa parehong lugar para mapadali ang transisyon? O tatapusin mo ba ang gulo at ililipat sila sa kahit na anong halagang makukuha mo? May mga kaganapang puwedeng maayos sa isang laro habang ang iba naman ay kailangan ng maraming season para maresolba. Nasa sa iyo iyon kung paano mo haharapin, at kadalasang walang simpleng tamang sagot.

“Kung nagbigay ang sikat na player ng exit interview at sinabing gusto na nilang umalis sa club, ano ang magiging reaksyon mo roon?” tanong ni Wilsdorf. “Magiging malupit ka ba at ihihinto ang kontrata? Ano ang magagawa niyon sa morale ng mga natitira sa team? Kung ilalagay mo siya sa transfer list at hayaan siyang umalis, ano ang magiging reaksyon ng board mo kapag narinig nilang nagdesisyon kang ibenta ang player nila?”

Malaki ang nakataya sa buhay ng manager, at maaaring umangat o bumagsak ang kanilang karera depende sa katayuan ng team. Iyan ang bibigyang-diin sa taong ito. Maaaring sapat na ang manalo ng ilang laro sa mas maliit na lokal na club, pero higit pa roon ang kakailanganin para hindi ka gipitin ng board ng powerhouse gaya ng Chelsea. Maaari mong silipin ang mga rating sa seguridad sa trabaho sa mundo ng sport, at kung may makita kang nakakaintrigang oportunidad, puwede mo itong habulin para sa sarili mo. Gayon man, gaya sa mga totoong club, bawat team ay may sariling taktikal na pananaw, kaya hindi sila basta kukuha ng eksperto sa sobrang depensibong gaya ng Park the Bus, lalo na kung nakasentro ang sistema nila sa mabilis at agresibong estilo ng Tiki Taka.

At hindi lang ikaw ang apektado ng mga konsekwensiyang iyon. Tulad ng soccer sa buong mundo, ang mga manager ay maaaring ma-hire, masisante, lumipat, magretiro, o mapalitan ng mga pansamantalang manager na maaaring maging permanente. Ang pagtanggal sa isang manager ay maaaring magdulot ng domino effect, na nagbubunga ng mas maraming opening at pagbabago habang pinupunan ang mga posisyon, na nauuwi sa mga panibagong challenge habang nagbabago ang mga team sa iyong liga, kahit na manatili ka pa sa iyong club.
 

Mga Archetype na Binigyang-inspirasyon ng Icon


Para sa mga mas gustong tumutok sa pagkontrol ng isahang player, malaki ang inayos sa development sa Player Career at Clubs. Ngayon, kapag gumawa ka na ng iyong footballer, pipiliin mo ang kanilang grupo ng posisyon at magtatalaga ng Archetype para sa kanila. May labintatlong Archetype na pagpipilian, binigyang-inspirasyon ang bawat isa sa isang Icon ng soccer. Ang Target na Zlatan-inspired, halimbawa, ang nagsisilbing sentro ng atake, gamit ang kanilang katawan para mangibabaw sa sentro ng aksyon. Ang Creator, na ginaya kay Xavi, ay kayang inisin ang depensa gamit ang eksaktong mga pasa na nakakalikha ng pagkakataon para makaiskor mula sa kung saan.
Ea Sports Fc 26 Jude
Ayon pa kay Pete O’Donnell, Game Design Director para sa EA SPORTS FC 26, ang mga player ay magkakaroon ng kalayaan na bumuo sa paraang gusto nila—pero may framework na tutulong sa kanilang maglaro gaya ng mga paborito nilang player.

“Puwede mong piliin kung sino ang gusto mong maging,” sabi ni O’Donnell, “at makakatulong sa iyo ang pag-uugnay ng ideyang iyon sa icon para mailarawan iyon. At magbibigay sa iyo ng ownership ang pagkakaroon ng specialization at personalidad habang nagpapatuloy ka.”°

May tatlong kakaibang specialization ang bawat Archetype na maaaring i-unlock habang umuusad ka at maaaring i-personalize pa ang kanilang playstyle. Ang Magician Archetype, halimbawa, ay puwedeng maging Hotshot, nagpapakawala ng malalakas na tira matapos pumasok sa box, o maging Invader, nagbibigay ng mga boost sa mga teammate kapag ipinasa mo sa kanila ang bola sa tamang sitwasyon ng pag-atake. 

Ang pagsulong ay naimpluwensiyahan na ngayon ng iyong pagsasanay at performance sa laban, at napalitan na ang upgrade tree ng abilidad na malayang mamahagi ng puntos sa mga katangiang pinakamahalaga sa iyong Archetype. Puwede kang maglaan ng mga puntos saan mo man gusto, pero kakailanganin mong paghusayin ang iyong mahahalagang katangian para tumaas ang iyong rating sa loob ng Archetype mo.

“Gusto naming linawin sa mga player kung anong ruta ang pinili nila, kaya bibigyang-diin namin ang mahahalagang katangian, pero may 20 hanggang 30 pa rin na puwede mong baguhin, kaya bahala ka sa ruta mo,” sabi ni O’Donnell.
 

Ang laro ng daigdig


Ang pagtutok ng EA SPORTS FC 26 sa pangunahing gameplay imbes na sa mga magagarang bagong feature ay alanganing diskarte pagdating sa marketing, pero sapat na ang isang laro para mapatunayang tama ang ginawa nila. Mahusay ang bilis at tugon. Kapanapanabik ang pagdagdag ng mas diinamikong mga opsyon para mas maging masaya ang Manager Career, pati na rin ang ideyang puwede mong gawing Icon ang player, gaya ng mga naitampok sa laro. Minsan baka kasingsimple lang iyon ng pakikinig sa mga player at pagbibigay ng hinihingi nila.

I-pre-purchase ang EA SPORTS FC 26 o ang EA SPORTS FC 26 Ultimate Edition bago ang release nito sa Setyembre 2025 sa Epic Games Store.