
GTA Online: Ang mga pinakamahusay na paraan para kumita ng pera

Naging palaruan ang GTA Online mula sa Rockstar Games para sa mga taong sabik na magsimula ng sarili nilang kriminal na imperyo—pero kailangan mo ng perang panggastos sa Los Santos. May ilang tip ang aming gabay tungkol sa pinakamabubuting paraan para magkapera sa GTA Online. Nagsama rin kami ng ilang impormasyon hinggil sa mga pangkalahatang panuntunan para sa mga bago sa laro, pati na rin mga halimbawa ng mga raket ng negosyo na walang tigil na nagbibigay ng pera sa iyo.

Isaalang-alang ang mga lokasyon ng property at mga pag-upgrade
Pamilyar tayong lahat sa kasabihang “pera ang oras,” at totoo ito sa GTA Online. Dahil sa likas na katangian ng mga misyon, mahalagang isaalang-alang kung saan matatagpuan ang mga negosyo mo. May dalawang bagay na dapat isaalang-alang:
- Mga lugar ng misyon: Sa pangkalahatan, pinakamabuting magkaroon ng mga negosyo sa mga lugar kung saan nangyayari ang karamihan sa mga misyon, gaya ng downtown Los Santos o sa mga pantalan.
- Malapit sa iba pang negosyo: Nakakatulong din ang pagkakaroon ng mga negosyong malapit sa isa't isa na mabawasan ang oras ng paglalakbay.
Makakagawa ka rin ng magagastos na pag-upgrade sa mga negosyo kapalit ng iba't ibang benepisyo. Halimbawa, napapataas ng mga pag-upgrade sa pasilidad at produksyon ang dami ng supply para sa pagmamanupaktura. Samantala, ang mga pag-upgrade sa seguridad ay nakakabawas sa posibilidad na ma-raid ang iyong mga lugar.

Magsimula sa mga trabahong mababa ang suweldo, saka harapin ang mga Heist
Maraming aktibidad ang makakatulong sa iyo para magkapera pa sa GTA Online. Maaaring kasing-simple ito ng mga misyon/paghanap ng NPC, pagnanakaw sa tindahan,pagkapanalo sa mga karera, o araw-araw na pag-spin mo ng ruleta sa The Diamond Casino & Resort. Iminumungkahi rin naming tingnan ang aming gabay para sa nagsisimula sa GTA Online para sa ilang karagdagang tip kung bago ka sa sandbox na mundong ito.
Sa kalaunan, hinihikayat ka naming subukan ang mga Heist. Maraming yugto ang mga aktibidad na ito na nagtatapos sa finale na punong-puno ng aksyon. Sa lahat ng Heist sa laro, partikular naming inirerekomenda ang:
- Cluckin’ Bell Farm Raid: Masisimulan mo ito sa pamamagitan ng pakikipagkita sa pulis na nagngangalang Vincent, na may icon na “V” sa iyong mapa.
- Cayo Perico Heist: Ang Heist na ito ay para sa mga nakaipon ng sapat na pera para makabili ng Kosatka submarine (na nagkakahalaga ng $2.2 milyon).
May posibilidad na maging mapanghamon ang mga Heist, kaya makipaggrupo sa mga kaibigan at iba pang player hanggang sa ganap mong makabisado ang mga pasikot-sikot. Sa kalaunan, puwede mong piliing mag-isang harapin ang mga aktibidad na ito.

Salvage Yard at Auto Shop: Pagnanakaw ng mga sasakyan at ang kontrata ng Union Depository
Madali lang magkapera sa GTA Online kung may Salvage Yard o Auto Shop ka (o posibleng pareho, kung abot-kaya mo ang mga ito).
Kabilang sa mga aktibidad sa Salvage Yard ang:
- Mga Nakawan sa Salvage Yard: Katulad ng mga Heist ang mga ito, bagama’t isang uri ng sasakyan ang pangunahing target mo. Kapag naihatid na sa iyong Salvage Yard, puwede mong ibenta ang sasakyan sa malaking halaga.
- Tow Truck Service at Salvage Yard Safe: Hinihingi nito sa iyong magmaneho ng tow truck at maghatid ng sasakyan sa isang destinasyon. Mas maraming gawain ang nakukumpleto mo, mas tumataas ang reputasyon ng iyong Salvage Yard—at mas maraming pera ang kikitain mo mula sa iyong personal na safe.
Maaari mong asahan ang sumusunod mula sa Auto Shop:
- Pag-customize ng Sasakyan: Makakatanggap ka ng order para ayusin at/o i-customize ang isang kotse. Maaari mo itong ihatid sa may-ari para kumita.
- Mga Exotic na Export: Kailangan mong magnakaw ng isang partikular na mamahaling sasakyan at ihatid ito sa pantalan.
- Mga Kontrata: Katulad din sa mga Heist ang mga ito dahil may ilang misyon sa paghahanda at finale. Ang talagang iminumungkahi namin ay ang kontrata ng Union Depository dahil mabilis at madali itong (o kahit paano ay mas madali) kumpletuhin.

Acid Lab: Ang First Dose na chain ng misyon at pagbebenta ng iyong mga supply
Ang isa sa pinakamahuhusay na paraan para magkapera sa GTA Online ay sa pamamagitan ng Acid Lab, na naka-unlock kapag nakumpleto ang First Dose na chain ng misyon. Narito ang maikling buod:
- Mula kay Ron Jakowski ang panimulang misyon, ang simbolong "R" sa lugar ng Sandy Shores sa mapa. Humahantong ito sa pakikipagkita sa karakter na nagngangalang Dax.
- Magbibigay sa iyo si Dax, na may icon na "D" sa mapa, ng lima pang misyong kailangang matapos nang magkakasunod. Kasama pa rito ang nakakagulat na pagkakasunod-sunod ng acid trip.
- Kapag natapos mo na ang buong First Dose mission chain, maaari kang magbayad ng $750,000 sa NPC na si Mutt para i-unlock at magamit ang Acid Lab.
Tandaang maaari mo ring bilhin ang kinakailangang sasakyan, ang Brickade 6x6, mula sa website ng Warstock Cache & Carry. Gayunpaman, nagkakahalaga ito ng $1,450,000—hindi namin inirerekomenda ang pamamaraang ito dahil mas mainam na gamitin ang iyong pera para sa iba pang aktibidad.
Kapag na-unlock na ang Acid Lab, kailangan mong maghanap ng mga kagamitan. Inirerekomenda naming kumpletuhin ang 10 Fooligan na trabaho mula kay Dax sa puntong ito, dahil magbibigay ito sa iyo ng pagkakataong bilhin ang upgrade sa kagamitan ng Acid Lab. Sa ganitong paraan, maaari mong bilhin ang buong gauge para sa mga supply mo, na magbibigay-daan sa iyong magmanupaktura at magpadala ng tapos nang produkto nang halos walang kahirap-hirap.

Ang Bunker: Maging negosyante ng armas
Nag-aalok din ang Bunker ng ilang interesante at magandang paraan para kumita ng pera sa GTA Online. Kapag nakapag-set up ka na ng isa, kailangan mong kumuha ng mga supply para mapuno ang gauge. Pagkatapos, sa terminal, bibigyan ka ng tatlong opsyon para sa mga gawain ng kawani:
- Pananaliksik: Ginagamit ang mga supply para magsagawa ng pananaliksik para sa random na modipikasyon o cosmetic.
- Pagmanupaktura: Ginagamit ang mga supply para gumawa ng mga armas na maaaring ibenta.
- Parehong Pananaliksik at Pagmanupaktura: Susubukan ng kawaning gawin ang parehong gawain nang sabay, pero napapabagal din nito ang progreso.
Kapag nakapag-ipon ka na ng sapat na armas sa iyong imbentaryo, piliing ibenta ito sa Los Santos para sa mas mataas na kita. Pagkatapos nito, imaneho mo ang iyong sasakyan papunta sa mga itinakdang lokasyon para ihatid ang iyong mga produkto—pero mag-ingat sa mga kaaway na gang na maaaring umatake sa iyo sa daan!

CEO: Mga bodega para sa kargamento at mga sasakyan
Nagbibigay-daan sa iyo ang pagmamay-ari ng Executive Office na magsimula ng mga operasyon bilang CEO at bumili ng tatlong uri ng bodega:
- Bodega ng Kargamento
- Bodega ng Espesyal na Kargamento
- Bodega ng Sasakyan
Sa pangkalahatan, pare-pareho ang mga gawain: Kailangan mong kumuha at mangalap ng iyong mga supply sa pamamagitan ng pagdadala ng mga ito sa iyong mga bodega. Kapag sapat na ang iyong supply, maaari mong piliing ibenta ito sa tamang mga mamimili sa pamamagitan ng pagmamaneho ng sasakyan papunta sa target na lokasyon.

Presidente ng Motorcycle Club: Higit pang mga ilegal na negosyo
Kapag nagmay-ari ka ng Clubhouse, maaari kang mag-set up ng mga hindi legal na negosyo para sa iyong Motorcycle Club, kabilang ang pagmanupaktura ng droga, pekeng pera, at pekeng dokumento.
Ang proseso ay katulad ng iba pang operasyon ng negosyo. Una, kailangan mong maghanap at kumuha ng mas maraming supply, bagama’t maaari mo itong bilhin nang direkta sa terminal. Pagkatapos, kapag may sapat ka nang stock, piliin mong ibenta at ihatid ang iyong mga produkto.
Maaari kang magpalipat-lipat sa pagiging CEO para sa mga negosyong nabanggit gaya ng Executive Office at Bunker, at sa pagiging Presidente ng Motorcycle Club. Gayunpaman, tandaang may ilang trabaho sa Motorcycle Club na hindi maaaring gawin nang mag-isa. Kailangan mong mag-imbita ng ibang player para sumali sa iyong gang para makumpleto ang mga layunin.

Nightclub: Pasibong kita, kasikatan, at pag-iipon ng mga produkto
Panghuli, isa sa mga pinakamahusay na paraan para kumita ng pera sa GTA Online ay ang Nightclub, salamat sa pasibong kitang maaari mong kitain habang naglalaro.
Pagkatapos mong bumili ng ari-arian at kumpletuhin ang mga misyon sa pag-setup, kailangan mong panatilihing mataas ang kasikatan ng iyong Nightclub. Ginagawa ito sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
- Mga random na pagkakataon kung saan kailangan mong paalisin ang isang nakakainis na bisita o ihatid ang isang VIP sa isang lokasyon.
- Ang misyong "Promotion" na nagaganap sa lungsod.
- Muling pagkuha ng mga DJ para aliwin ang mga tao.
Tinutukoy ng kasikatan ng Nightclub kung magkano ang kikitain mo kada araw sa laro, o halos 48 minuto sa tunay na oras basta online ka. Maaaring umabot ito hanggang $50,000 nang halos walang kahirap-hirap.
Bukod pa rito, maaari kang kumuha ng hanggang limang teknisyan sa Nightclub na itatalaga sa mga negosyo basta’t operasyonal ang mga ito:
- CEO/Executive Office - Bodega ng Kargamento: Kargo at Mga Pagpapadala
- Bunker - Nagbebenta ng Mga Baril/Armas: Kagamitan para sa Sports
- Motorcycle Clubhouse - Mga Hindi Legal na Negosyo: Mga Import mula sa South America (droga), Pananaliksik sa Gamot (droga), Inaning Tanim (droga), Pag-print at Pagkopya (pekeng dokumento), at Paggawa ng Salapi (pekeng pera).
Kumukuha ang mga teknisyan ng mas maraming produkto sa paglipas ng panahon, at hindi makakaapekto ang kanilang mga gawain sa stock ng mga kasalukuyang negosyo. Kapag may sapat ka nang mga produkto, maaari mong piliing ibenta at ipadala ang mga ito.
Iyan ang kabuuan ng aming gabay para kumita ng pera sa GTA Online. Sana makatulong ang artikulong ito sa pagpapalago ng iyong kriminal na imperyo at pagkolekta ng milyong dolyar.
Dapat kumuha ang mga nais makilahok sa madilim na mundo ng Los Santos at magsagawa ng mga hamon kasama ang ibang player ng Grand Theft Auto V: Premium Edition, na kasama ang base game, GTA Online, at ang Starter Pack ng Hindi Legal na Negosyo. Gayundin, hinihikayat namin kayong tingnan ang aming Gabay para sa mga baguhan sa GTA Online para sa higit pang tip habang nagsisimula kayong tuklasin ang Los Santos.