Balita

Paano Pinananatili ng Super Meat Boy 3D ang Pagiging Madugo Nito

G
George Yang
Mar 13, 2026

Mukhang natural lang ang lumipat sa 3D mula sa 2D para sa mga platforming game, lalo na kung gusto mong magpaulit-ulit at magbigay ng mga bagong karanasan para sa mga player. Ganito rin ang ginawa ng pinakamalalaking platform mascot ng gaming: sina Mario, Sonic the Hedgehog, at Pac-Man. Sinusundan ng Super Meat Boy ang mga yapak na iyon.

Nagsimula bilang 2D platformer ang Super Meat Boy na nakilala dahil sa mga kakaiba nitong visual at madugong effect—hindi sa paraang nakakatakot tulad ng Resident Evil, kundi sa mas nakakatawa at masochistic na paraan. Sa sequel nito na Super Meat Boy Forever, ginamit ang 2D formula ng nauna rito at naging auto-runner, na naghatid ng mas wild na gameplay experience kaysa dati.

Sumusunod na ngayon ang Super Meat Boy 3D sa mga yapak ng mahuhusay sa gaming nang maging ganap na 3D platformer ito. Kinausap namin ang art director ng co-developer na Sluggerfly na si Dominik Plassmann, at ang co-founder ng Team Meat na si Tommy Refenes tungkol sa kung bakit ang Sluggerfly ang perfect fit para sa Super Meat Boy 3D, sa pinakamalalaking challenge sa pagdisenyo ng mga level, at sa kahalagahan ng art at special effects.n

Bago gawin ang Super Meat Boy 3D, pinakanakilala ang Sluggerfly sa 3D collectathon na Hell Pie. Sa game na ito, susundan mo ang isang cute na maliit na demon na nagngangalang Nate, na kailangang mangalap ng mga sangkap para gumawa ng birthday cake para kay Satan. Makikita kung bakit nilapitan ng Team Meat ang Sluggerfly para sa Super Meat Boy 3D. Parehong may pangkabataan pero nakakatuwang aesthetic ang Hell Pie at Super Meat Boy. Para itong isang match made in heaven (o impiyerno, para sa Hell Pie).

Sang-ayon si Plassmann,  “Nagtatrabaho na kami sa mga 3D platformer mula nang simulan namin ang studio. Ang iba pa naming game ay medyo kakaiba at kakatwa rin, kaya sa tingin ko, may saysay ang mga aspekto sa Super Meat Boy at ang humor nito.”

Super Meat Boy Swamp
“Napakagaling ng Sluggerfly. Nilaro ko ang Hell  Pie, at alam kong may sense of humor ang mga ito na maipahihiram sa bagong Meat Boy game,” paliwanag ni Refenes. “Alam kong masisiyahan sila rito, at dahil doon, alam kong mahusay ang gagawin nila para sa Super Meat Boy 3D.”

Agad na sumang-ayon ang Sluggerfly nang sabihin sa kanila ng publisher ng Hell Pie na Headup Games na iniisip ng Team Meat na gumawa ng bagong Super Meat Boy game. Pagkatapos, nagsimulang mag-prototype ang Sluggerfly para masigurong gagana ang Super Meat Boy sa 3D environment.

“Pagkatapos ng pag-prototype, dumiretso na kami sa produksiyon. Kaya naman, masaya ang lahat sa resulta at naisip namin na nagtagumpay ito,” sabi ni Plassmann, na nagpahayag na naging simple lang ang komunikasyon at proseso ng pagsisimula ng proyekto. “Lumapit sa amin ang mga tao!”

Ang artistic na proseso
Ang Hell Pie ay isang napakalaking proyekto para sa studio noong panahong iyon, na may humigit-kumulang limang tao at dalawang artist lang para gumawa ng mga asset.

Para sa Super Meat Boy 3D, gusto ng Sluggerfly na itaas ang kalidad ng mismong art. Pinalawak ng studio ang art team nito at pinasimple ang proseso ng produksiyon para maging mas organisado at makapagplano nang mas maayos.

“Maganda ang hitsura ng Hell Pie. May old school na hitsura ito na pang-PlayStation at Nintendo 64,at alam naming gusto naming maging mas moderno at mas pulido ang Super Meat Boy,” paliwanag ni Plassmann. “Kaya, sa tingin ko, malaking hakbang pasulong ang paglipat sa Super Meat Boy mula sa Hell Pie.”

Super Meat Boy Blood Trail
Hindi naging malaking hamon ang mismong paggawa sa Meat Boy sa 3D. Kung iisipin, isa lang itong pulang cube ng karne. Pero ang naging mas malaking balakid ay ang kapaligiran nito. Sa pagdisenyo ng mga 3D level ng Super Meat Boy, ang pinakamalaking hamon ay ang pagbalanse ng readability habang pinananatiling detalyado ang paligid, dahil kapag dinamihan ang resulta ng detalye, nababawasan ang legibility. "Ito ang dahilan kung bakit marami kaming sinubukan, lalo na sa lighting at mga kulay," sabi niya. "Natagalan kami bago mahanap ang balanseng ito at makabuo ng mga level na hindi lang magandang tingnan, kundi gumagana rin mula sa gameplay perspective."

Nag-iiwan si Meat Boy ng bakas ng dugo sa dinadaanan niya tuwing lumilipat-lipat siya sa mga level, na nagsisilbi rin bilang mahalagang gameplay function, na nagbibigay-daan sa mga player para balikan ang ginawa nilang mga hakbang. Gusto rin ng Sluggerfly na gawing mas madrama ang mga kamatayan. Kapag namamatay si Meat Boy sa mga nakaraang game, sumasabog lang siya. Pero sa Super Meat Boy 3D, gusto nilang magdagdag pa ng personalidad at lalim para mamatay siya sa mas nakakakilabot na paraan, tulad ng pagkalusaw sa asido o pagkakahiwa sa gitna.

“Sa tingin ko, kailangan nitong maging mas madugo at magkaroon ng mga nakakatawang pagkamatay,” paliwanag ni Plassmann. Gusto ng team na ilagay sa Super Meat Boy 3D ang nakasanayan na nilang sense of humor mula sa Hell Pie. “Sa Hell Pie, inilagay namin ang bawat kakaibang bagay na naisip namin,” sabi niya habang tumatawa. “Kaya naman, medyo binawasan namin ngayon, pero sa tingin ko, marami ka pa ring makikita at mahahanap na kakaibang bagay sa Super Meat Boy 3D.

Isang natural na transisyon
Sa ngayon, positibo ang reaksiyon sa pagiging 3D nito, at para sa fans, magandang ebolusyon ito ng series. Interesado silang makita kung paano nai-translate sa third dimension ang eksaktong galaw at estilo ng Super Meat Boy. "Basta parang ito ang tamang gawin. Ang paggawa ng 3D Meat Boy ay hindi na kailangang pag-isipan pa para sa fans,” paliwanag ni Refenes. “Walang pag-aalinlangan dito dahil nandoon pa rin ang pilosopiya sa likod ng bawat Meat Boy game: Gawing perpekto ang mga kontrol, at bumuo ng mga level para sa mga kontrol na iyon.”

Meat Boy
Sa paglipat sa 3D, nabigyan ang Sluggerfly ng creative freedom na wala sa 2D para makagawa ng mga bagong posibilidad pero pamilyar pa rin para sa fans ng mga nakaraang game. “Ang Meat Boy ay parang Meat Boy pa rin, kahit na 3D ito, at sa tingin ko, magiging interesado ang mga tao na makita kung ano ang magagawa nila sa bagong environment na ito,” sabi ni Plassmann. 

Magugustuhan ng mga nag-enjoy sa mga nakaraang game ang Super Meat Boy 3D dahil challenging at rewarding ito, gaya lang ng dapat nilang asahan mula sa series. Pero magandang lugar din ito para sa mga newcomer, lalo na kung gusto nila ng mga mapanghamong platformer.

Sabi ni Refenes, "Ang Meat Boy ay Meat Boy pa rin. Mas marami na itong platform ngayon, may mobile game, at ang 3D game naman ang sumunod nitong bersiyon, pero sa core nito, kagaya pa rin ito ng dati: Isa itong game na mahusay na idinisenyo, masayang laruin, at napaka-challenging na may napakaraming dugo."

Puwede nang i-wishlist ang Super Meat Boy 3D sa Epic Games Store.