Balita

Paano i-update ang mga driver sa iyong PC

E
Epic Games
Hul 13, 2025

Kung nakabuo ka na ng bagong PC o nakapag-upgrade ng ilan sa mga hardware nito, malamang na kinailangan mo ring mag-install ng angkop na mga driver para manatiling gumagana nang maayos ang makina. Ang mga driver ay mahahalagang bahagi ng software na nagpapanatili sa operating system at hardware nito na gumana. Sa kasamaang-palad, nangangahulugan din na puwedeng magdulot ang mga ito ng problema kapag hindi na sila updated o hindi tugma sa ilan sa mga piyesa o software ng iyong PC.

Sa gabay na ito para sa mga driver ng PC, ituturo namin sa iyo ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa mga driver. Magsisimula kami sa pagpapaliwanag kung ano ang mga driver at ipapakita ang maraming paraan para mapanatiling updated ang sa iyo. Ipapaliwanag din namin ang ilang pangkaraniwang problemang puwede mong maranasan kapag sinusubukan mong panatilihing updated ang mga driver at gumagana nang maayos ang PC, at tutulungan ka naming i-troubleshoot ito.
 

Ano ang mga driver sa PC?


Ang mga driver ay software para sa hardware ng PC mo. Nagsisilbing tagapamagitan ang mga ito sa pagitan ng mga pisikal na device gaya ng mga GPU at mga operating system gaya ng Windows. Isinasalin ng mga driver ang mga utos at tinitiyak na maayos na gumagana ang lahat. Kung wala ka ng mga tamang driver, maaaring hindi gumana nang maayos ang hardware mo (o hindi na talaga) dahil hindi alam ng operating system kung paano makipag-ugnayan dito. 
 

Para saan ang mga driver at bakit mahalaga ang mga ito?


Makakatulong ang pagpapanatiling updated ang mga driver mo para gumana nang maayos ang PC mo sa pamamagitan ng pagpapabuti ng compatibility, performance, at stability. 

Kung ang iyong operating system ang boss ng iyong PC, mga empleyado nito ang mga driver mo. Ang magagaling na empleyado ay nakakapagtrabaho mag-isa, na nakakapagpaluwag sa iskedyul ng boss. Halimbawa, kapag nag-print ka, ipinapasa ng operating system ang gawain sa driver ng printer, na isinasalin ang mga dokumento mo sa mga utos na nauunawaan ng printer. Itinatalaga ng boss ang gagawin, nagtitiwalang gagawin ng mga empleyado ang mabigat na trabaho. Hindi na kailangang mag-micromanage. 

Sa pagpapanatiling updated ang mga driver, napapabuti nito ang performance, naaayos ang mga bug, pag-code ng mga error, at iba pang teknikal na problema na karaniwang naaayos sa pag-update ng driver. Sa pag-update ng mga driver ng PC, maaaring gumana nang maayos ang mga bagay-bagay at sa ilang pagkakataon, nagpapabuti pa ng compatibility at performance ng hardware at software. 
 

Mga senyales na kailangan mo ng mga upgrade ng driver


Kung nagkakaroon ka ng mga teknikal na problema sa PC, maaaring magandang simula ang pag-update sa mga driver mo para masimulan ang iyong pag-troubleshoot. Narito ang ilang malinaw na palatandaan na maaaring hindi na updated ang iyong driver.

  • Kapag hindi na gumagana ang hardware mo
  • Kapag nakakaranas ka ng pagbagal ng system
  • Kapag nagpi-freeze o nagka-crash ang PC mo
  • Kapag nagpi-freeze ang ilang programa kapag sinusubukan mong patakbuhin ang mga iyon
  • Kapag nagkaroon ka ng kinakatakutang "Blue Screen of Death" o BSOD ng Windows
  • Kapag nakakatanggap ka ng mga mensahe ng error sa system kapag gumagamit ng ilang hardware
  • Kapag nakakaranas ka ng ilang aberya sa grapiko

Mga Driver 1
 

Paano malalaman kung updated ang mga driver ng PC


Kung hindi ka sigurado na naka-install sa iyo ang pinakabagong mga driver, may ilang madaling paraan para alamin. 

Isa ay ang paggamit ng anumang proprietary software na maaaring na-install mo. Ang mga manufacturer ng mga component tulad ng mga GPU, keyboard, mouse, at motherboard ay kadalasang may sariling software na sumusuri sa mga update ng driver at tinitiyak na maayos ang takbo ng mga ito. Sa maraming paraan, maaatasan pa nga ang software na maghanap ng mga update at awtomatikong mag-install ng mga pinakabagong driver. 

Sa PC, puwede pa ring mahanap, ma-download, ma-install ng built-in na feature ng Windows Update ang ilang inirerekomendang driver. 

Puwede mo ring gamitin ang Device Manager ng Windows para makita ang kasalukuyang impormasyon ng driver para sa lahat ng konektadong device at hardware. I-right click ang device at pindutin ang Mga Katangian sa lalabas na menu. Ang tab ng Driver sa window na bumukas ay nagbibigay sa iyo ng access sa mga detalye nito. 
 

Paano mag-update ng mga driver sa PC


Para i-update ang iyong mga driver sa PC, maaari mong gamitin ang nabanggit na proprietary software. Halimbawa, ang mga manufacturer ng GPU na AMD at Nvidia ay parehong may software na partikular na idinisenyo para maghanap at mag-install ng mga driver para sa hardware ng iyong PC. 

Puwede ka ring mag-update ng mga driver gamit ang Device Manager ng Windows, sa parehong tab ng Driver na binanggit natin sa itaas. 

Isa pang opsyon ay ang pagtingin sa website ng manufacturer ng device, kung saan kadalasan nilang hinahayaan ang mga user na mag-download ng mga driver, parehong luma at bago. 
 

Mag-update ng mga driver gamit ang Windows


Kung gusto mong gumamit ng Windows para i-install ang iyong mga driver, may dalawang madaling paraan para gawin ito.

Paggamit ng Update ng Windows

  • Gamitin ang keyboard shortcut Win + I, o hanapin sa Start Menu ang Mga Setting at piliin ang resulta.
  • I-click ang Update at Seguridad.
  • I-click ang Update ng Windows.
  • I-click ang Tingnan ang mga update.
  • Pagkatapos masuri ng Windows ang mga update, i-click ang I-download at i-install.

 

I-update ang mga driver gamit ang Device Manager

 

  • Gamitin ang keyboard shortcut Win + X, o hanapin sa Start Menu ang Device Manager at piliin ang resulta.
  • Piliin ang kategorya ng device na naglalaman ng hardware mo (mga camera, keyboard, monitor, atbp).
  • Mag-right click sa device na gusto mong i-update, at i-click ang I-update ang driver sa lalabas na menu.
  • Sa bagong window na nagbukas, puwede mong atasan ang PC na hanapin ang mga update ng driver.

 

Mano-manong mag-update ng mga driver


Kung mas gusto mong mano-manong mag-download at mag-update ng mga driver mo, pareho pa rin ang proseso. 

Paggamit ng Update ng Windows

  • Gamitin ang keyboard shortcut Win + I, o hanapin sa Start Menu ang Update ng Windows at piliin ang resulta.
  • I-click ang Tingnan ang mga update.
  • Pagkatapos masuri ng Windows ang mga update, i-click ang Mga advanced na opsyon.
  • I-click ang Mga opsyonal na update.
  • Piliin ang mga driver na gusto mong i-install, at saka i-click ang button na I-download at i-install.

 

I-update ang mga driver gamit ang Device Manager

  • Gamitin ang keyboard shortcut Win + X, o hanapin sa Start Menu ang Device Manager at piliin ang resulta.
  • Piliin ang kategorya ng device na naglalaman ng hardware mo (mga camera, keyboard, monitor, atbp).
  • Mag-right click sa device na gusto mong i-update, at piliin ang I-update ang driver.
  • Kapag nakapag-download ka na ng bagong driver, piliin ang I-browse ang kompyuter ko para sa mga driver.
  • Hanapin ang file, saka piliin ito para i-install ang driver mo. 

 

I-download ang mga driver mula sa mga site ng manufacturer


Karaniwan ding makikita sa opisyal na website ng kompanya ng iyong device ang mga driver na maaaring i-download. Tiyaking nagda-download ka lang ng software mula sa mapagkakatiwalaang mga site. Tiyaking ito ang opisyal na site ng kompanya bago sumubok na mag-install ng anumang bagong driver. 

  • Tukuyin muna ang brand at modelo ng iyong device o ang pangalan ng software na nangangailangan ng driver o update. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagpindot sa Win + X, o paghahanap sa Start Menu para sa Device Manager at pag-click sa resulta. 
  • Sa Device Manager, piliin ang kategorya ng device na naglalaman ng hardware mo (mga camera, keyboard, monitor, atbp).
  • Mag-right click sa device na gusto mong i-update gamit ang bagong driver. 
  • Sa menu na nagbukas, piliin ang Mga Katangian.
  • Sa window na nagbukas, i-click ang Mga detalye na tab. 
  • Sa Katangian na drop down menu, itampok ang ID ng Hardware at pansinin iyon. 
  • Hanapin ang ID ng hardware online, o gamitin ang website ng kompanya para hanapin ang wastong driver.
  • I-download ang wastong driver. (Pinakamainam ang folder mo ng Mga download na pansamantalang paglagyan ng file na ito.) 
  • Hanapin ang na-download na driver sa kompyuter mo.
  • Mag-double click sa file ng driver para i-install o i-update ang iyong driver.

 

Gumamit ng awtomatikong tool sa pag-update ng driver


Makakatulong ang ilang third-party software tool sa pagpapanatiling updated ang system mo sa mga pinakabagong driver. Inii-scan ng mga programang ito ang system mo para sa mga driver at pinapangasiwaan ang lahat ng update para sa iyo. 

Tandaang hindi nauugnay ang mga ito sa mga manufacturer ng hardware. Laging may kaakibat na panganib na maari kang  makapag-download ng malware kapag pinili ang awtomatikong tool sa pag-update ng driver. Gumugol ng ilang minuto sa paghahanap sa internet para alamin kung lehitimo ang programa na kinokonsidera mo at ang site kung saan ka nagda-download. 

Maraming user ang masayang nagbabahagi ng kanilang karanasan, kaya makakagawa ka ng mas matalinong desisyon base sa mga impormasyong malayang makukuha online tungkol sa reputasyon ng software.

Drivers 2
 

Mga pangkaraniwang problema sa mga update sa driver


Paminsan-minsan, puwede kang magkaproblema kapag nag-i-install at nag-a-update ng mga driver. Iba’t iba ang dahilan, pero may ilang pangkaraniwang isyu na dapat mong alamin. Tutulungan ka naming maunawaan at i-troubleshoot ang mga iyon sa susunod na mga seksyon. 

Mga pagpalya sa installation at isyu sa pahintulot

Kabilang sa mga mas pangkaraniwang problema na maaaring mong harapin sa pag-i-install ng mga bagong driver ang mga sumusunod: 

  • Maaaring may na-corrupt kang mga download.
  • Mali ang na-download na driver.
  • Walang sapat na espasyo sa disc para mag-install ng driver.
  • May mga isyu sa pahintulot ang software.

Buti na lang, may ilang bagay na puwede mong subukan kapag humarap ka sa alinman sa mga problemang ito. Kapag napansin mong nag-aalala ka sa anumang bahagi sa ibaba, puwede kang dalhin ng simpleng paghahanap sa internet sa libreng online site para sa suporta ng Microsoft, na maghahatid sa iyo sa ilang kinakailangang hakbang para, halimbawa, magka-espasyo ang drive.

  • Siguruhing na-download mo ang mga wastong driver.
  • Muling i-download ang driver, kung sa tingin mong na-corrupt ang file. (Tingnan ang seksyon sa itaas na tinatawag na “I-download ang mga driver mula sa mga site ng manufacturer.”)
  • Magbakante ng espasyo sa iyong drive sa pamamagitan ng pag-delete sa mga luma o hindi na kinakailangang file. May mga built-in tool na makakatulong ang Windows, at ipapakita sa iyo sa site ng suporta ng Microsoft ang gamit ng mga ito.
  • Subukang mag-install ng mga driver bilang administrator
  • Subukang i-install ang mga driver sa Safe Mode. Ipapakita sa iyo ng site ng suporta ng Microsoft kung paano.
  • Suriin ang mga setting sa seguridad at proteksyon sa antivirus para tiyaking hindi nila hinahadlangan ang pag-install ng software.

 

Mga tunggalian sa umiiral na software at mga isyu sa compatibility

Minsan, kahit maayos ang pagpapatakbo mo ng PC at updated lahat ng mga driver, puwede ka pa ring makaranas ng mga isyu sa compatibility. Ang PC ay isang komplikadong makina, at maaaring lumikha ang bagong update at driver ng hindi inaasahang tunggalian sa iba pang bahagi. Narito ang ilang pangkaraniwang senaryo na dapat mong malaman.

  • Na-corrupt ang mga driver mo.
  • Hindi tugma sa isa’t isa ang dalawa o higit pang driver.
  • Na-override ng mga update sa Windows ang mga custom setting ng driver.
  • Lumilikha ng prblema ang third-party software.

Dapat mo palaging tiyaking tugma ang anumang hardware na binibili mo sa kasalukuyan mong PC. Halimbawa, tiyaking tugma ang bago mong graphics card (GPU) sa iyong motherboard.

Kung maranasan mo ang alinman sa mga ito o katulad nito, narito ang ilang hakbang sa pag-troubleshoot na muling aayos sa PC mo. Gaya ng isinulat namin sa itaas, puwede kang dalhin ng simpleng paghahanap sa internet sa libreng online site para sa suporta ng Microsoft, na maghahatid sa iyo sa ilang kinakailangang hakbang para, halimbawa, maghanap ng hindi tugmang software o simulan ang PC mo sa Clean Boot mode.

  • Tanggalin ang anumang luma o na-corrupt na driver.
  • Tanggalin ang anumang hindi tugmang software.
  • Subukang paganahin ang PC mo sa Clean Boot Mode.
  • Tiyaking tugma ang mga driver mo sa iyong operating system.
  • Suriing mabuti kung may mga update.
  • Tingnan kung may mga mensahe ng error, at alamin kung ano ang nahanap mo. 
  • Tiyaking naaabot ng PC mo ang mga minimum na kinakailangan ng system para sa software at hardware. 
  • Subukang paganahin ang software mo sa Compatibility Mode.
  • Tingnan ang mga online forum para sa tulong o mga gabay.
  • Kontakin ang manufacturer ng hardware para sa tulong.

 

Alamin ang higit pa sa Epic Games


Ngayon na nauunawaan mo na ang mga driver, kung paano sila gumagana, at kung ano ang magagawa mo para mapanatiling updated ang mga ito at maayos na gumagana ang PC mo, oras na para matuto pa kung paano pananatilihing maayos ang lagay nito. Maaari mong alamin pa ang tungkol sa pagmementena at pagpapanatiling maayos ng PC mo sa paglalaro dito mismo sa Epic Games Store. Mayroon kaming maraming artikulo na magbibigay sa iyo ng higit pang impormasyon at pananaw sa hardware at pagmementena ng PC, pati na rin mga larong malalaro sa iyong PC. Tiyaking tingnan ang mga ito.