Balita

Paano binago at hindi binago ng Vampire Crawlers ang deckbuilder wheel

D
Diego Nicolás Argüello
Abr 30, 2026

Bihirang magbigay-buhay ang isang game studio sa isang bagong genre. Iyan ang nangyari sa hinahangaan at absorbing na Vampire Survivors ng Poncle noong 2022. Nagbunga ang "reverse bullet-hell" ng maraming iteration mula sa ibang studio sa mga nakaraang taon simula nang ilabas ito, at nakakuha rin ng kritikal na pagkilala. Ngayon, nasa ibang landscape na ang Vampire Crawlers: The Turbo Wildcard from Vampire Survivors , na may misyong mag-iwan ng marka sa pinaghalong mga genre na ilang taon nang oversaturated.

Magpapakilala ang Vampire Crawlers bilang isang turn-based, card-driven blobber na may mga roguelite element. Ginagaya nito ang mga old-school na dungeon-crawling game, pero sa sentro nito, isa itong tunay na tactical deckbuilder. Gamit ang diwa ng nakatatandang kapatid nito, nakatuon ang spin-off na ito sa pagbuo ng pinaka-overpowered na kombinasyon ng mga card na maiisip mo at madaliang pagbura sa anumang nilalang na makakasagupa mo.

Nakakaintriga ang premise, kung tutuusin, lalo na kung iisipin na ang Poncle, pati na rin ang co-developer na Nosebleed Interactive (na kilala sa Vostok Inc. at Arcade Paradise ), ay humarap sa isang audience na may mataas na pamantayan na hindi nagkukulang sa mga title na pwedeng laruin, lalo na nitong mga nakaraang taon. Gayunman, ginawang oportunidad ng mga studio ang suliraning ito. Sa pag-ayon sa kung ano ang nagpa-stand out sa Vampire Survivors at sa maingat na pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon ng deckbuilder at roguelite, nauunawaan ng Vampire Crawlers kung kailan mag-iimbento ng bagong paraan at kung kailan mas mainam na manatili sa kung ano ang pamilyar.

20260427221847 1
Ipinagpapatuloy ang legacy

Seryosong isinaalang-alang ni Luca Galante, ang pangunahing developer ng Vampire Survivors, ang tagumpay ng laro nang pag-isipan niya ang pangalan at aesthetic ng Vampire Crawlers. Sa kanyang pakikipag-usap sa GameSpot, mabilis na nagdesisyon ang developer na ipagpatuloy ang pagbuo batay sa IP at idea kaysa magsimula mula sa simula.

"Kung gusto kong gumawa ng larong kagaya nito, at gumawa ng bagong IP para dito, magiging isa lang ito sa daan-daang pang deckbuilder na nandiyan," sabi ni Galante sa GameSpot. "'Yong pangalang Vampire Survivors ang nagbibigay sa amin ng lakas at kakayahang sabihin sa mga tao na 'Vampire Survivors deckbuilder 'to'. Sa larong ito, makakakita ka ng mga elementong pamilyar ka na, at makukuha nito ang feeling ng orihinal."

Nagbigay-pagkakataon din ang approach na ito sa mga team para hindi na nila kailanganin pang mag-isip ng mga bagong setting, karakter, at lore bago simulan ang pagbuo ng laro. Para kay Galante, ang mechanics ang pangunahing focus. Gayunman, kahit na may maraming asset at idea silang pwedeng paghugutan at baguhin, inabot pa rin ang mga team ng halos apat na taon para mabuo ang spin-off. Gaya ng ipinaliwanag sa Xbox Wire, ang Vampire Crawlers ay bahagi ng tinatawag ng Poncle na "mga eksperimento" sa loob, kung saan nakikipag-ugnayan si Galante at ang kanyang crew sa iba pang independent studio para gumawa ng mga spin-off. Nakitaan ng potensyal ang Crawlers mula sa prototype phase nito, at mabilis na umusad kaysa sa iba, kaya naman una itong lumabas nang may opisyal na paglulunsad.

I-boot up ang laro, at magbubunga ang lahat ng nabanggit na desisyon. Gaano man karaming oras ang ginugol mo sa Vampire Survivors, agad kang magiging komportable dito. Mula sa mga karakter, texture, at tunog, pinakikinabangan ng lahat ng ito ang isang existing na universe, at walang elementong hindi akma. Nagbabalik din ang mga feature tulad ng malawak na unlock list ng Vampire Survivors na sasalubungin ka ng 128 task na maaari mong subaybayan sa paglipas ng panahon—numero na siguradong dadami pa habang patuloy na nagdaragdag ang Poncle at ang mga kasama nito sa laro. Bukod pa rito, ang mga pamilyar na mapa, tulad ng Mad Forest, ay ginawang mga rehiyon na maaaring i-explore mula sa first-person perspective.

Ang huli ay isang mahalagang pagbabago. Sa Vampire Survivors, kinokontrol mo ang mga karakter mula sa top-down view, karaniwang gumagalaw pakaliwa o pakanan habang sinusubukan kang pigilan ng hindi mabilang na mga kalaban. Sa spin-off, mas magiging methodical ang iyong pamamaraan dahil nagpapakita ang laro ng minimap na eksaktong nagpapakita kung nasaan ang mga engkuwentro sa kalaban, pati na rin ang mga question mark icon para sa mga lihim at treasure chest, at iba pang artifact. Siyempre, asahan mo ang maraming sorpresa habang tumatagal, ngunit simula pa lamang ay malinaw na ang pinakamahalagang impormasyon, at maaari mong dahan-dahanin ang bawat palapag ng rehiyon.

Ang classic RPG approach na ito, kung saan gumagalaw ka ng isang tile sa bawat pagkakataon at kailangan mong mano-manong paikutin ang iyong camera sa alinman sa apat na direksiyon sa paligid mo, ay hindi lang pagbabago ng aesthetic. Nagsisilbi ito bilang matinding pagkakakilanlan. Kung nalaro mo na ang Legend of Grimrock o Darkest Dungeon, binabalanse ng Vampire Crawlers ang dalawang ito, binibigyang-pugay ang mga classic habang gumagawa ng mga kinakailangang modernong pagbabago para mapanatiling buo ang diwa ng Survivors .

"Ang nag-udyok sa idea, e, 'yong fact na sa maraming roguelike game ngayon, ang makukuha mo, e, medyo bare-bones choice-tree na hindi na masyadong interesting," sinabi ni Galante sa Xbox Wire. “Praktikal 'yon, pero gusto kong gumawa ng medyo mas kumplikado para magbigay ng higit pang kahulugan sa exploraton (basta huwag lang sobra kundi sakop na siya ng RPG). Naging hamon 'yong pagsiguro na hindi gano'n kasobra ang exploration sa laro! Nandiyan lang 'yong mga dungeon para mag-offer ng mga interesting na choice sa kung ano'ng gagawin mo sa pagitan ng mga laban at para makatulong sa pagbibigay ng feeling na nasa mundo ka na maraming bagay ang posibleng mangyari, imbes na nagna-navigate ka lang sa mga menu."

Nang matiyak ng team kung ano ang gusto nilang gawin sa konsepto ng blobber, nagpatuloy ito at bumuo ng sapat na mga bagong idea para iangkop ang napakabilis na ritmo ng Vampire Survivors sa taktikal na bersyong ito. Makakahanap ka pa rin ng mga item tulad ng King Bible at ng ever-mighty na Garlic, ngunit kailangan mo nang isaalang-alang ang pagpoposisyon at pagbuo ng deck, dahil gumagalaw ang mga kalaban ng isang tile pasulong patungo sa iyo pagkatapos ng bawat turn, na siyang magbibigay-pagkakataon sa kanila na umatake. Ang mga property na tulad ng pagdulot ng knockback o sabay-sabay na pagpuntirya sa maraming kalaban ay madaling makakapagpabago sa takbo ng laban kung gagamitin nang tama.

Maaari ding malimitahan ng dami ng mana na available sa iyo ang iyong mga aksyon. Nagiging isa itong mahalagang trade-off mechanic dahil maaari kang gumamit ng mana para makakuha ng mga bonus, tulad ng paggamit ng Spinach card na nagbibigay ng 10 porsiyentong karagdagang damage, halimbawa. Isa itong desisyon na kailangan mong gawin sa bawat turn, at desisyong posibleng katukso-tukso sa magkabilaang direksyon—ang mga bonus na ito ay maaaring i-stack, ngunit gagamitin mo rin ang mana na sa halip ay magagamit para sa mga card na nagbibigay sa iyo ng shield, health, o kaya ay talagang nagdudulot ng damage sa iyong mga kalaban.

Gayunman, may mga pamilyar na elemento mula sa Vampire Survivors na satisfying pa rin gaya ng dati. Nakakatuwa pa rin ang pagbukas ng chest gaya ng dati, na may naglalabasang ilaw at musikang pang-disco na sumasabay sa moment. Ang mga sandaling tulad nito ang nagpapatunay sa kung ano ang nagpa-standout sa Survivors , at isa itong interesanteng pag-aaral para busisiin kung ano mismo ang napagdesisyunan ng mga developer na panatilihin sa spin-off.

20260427203817 1
Huwag mag-isip, damhin mo

"Gusto kong patuloy na dalhin 'yong mga core principle, mga core idea ng Vampire Survivors, sa iba pang genre," sinabi ni Galante sa GameSpot. "Sinimulan ko 'yong Vampire Survivors for fun. Ginagawa ko lang 'yon para sa sarili ko. At para sa 'kin, 'yong pinakadiwa talaga ng Vampire Survivors, e, kung ga'no 'to kadaling laruin, kung gaano ito kasaya, at kung paano nito iniiwasan 'yong frustration. Gusto kong i-transfer ang lahat ng 'yon sa larong 'to."

Isinapuso ni Galante ang prinsipyong ito. Pag-boot up mo pa lang sa laro, agad kang isinasabak sa aksyon. Walang tutorial, ngunit ang kawalan ng hindi nakakatakot ang kawalan ng paggabay. Isa itong larong madaling maunawaan na, sa simula, ay kailangan mo lang mag-explore at maglaro ng mga baraha. May hamon din, siyempre, lalo na habang paunti-unti kang nakakapasok sa mga rehiyon na may mas matitinding kalaban. Gayunman, may halos arcade-inspired na sensation sa paglalaro ng Vampire Crawlers na agad na makakaagaw ng pansin. Inalis na ang mga hindi kailangang sagabal—madalas, hindi mo alam kung ilan na lamang ang natitirang health ng kalaban—at kakaunti na lamang ang natitira, ngunit mas pinag-isipang mechanics na nagpapadali para agad itong laruin.

Nagbibigay rin ng natatanging karanasan ang itsura nito at sound design. Sa Vampire Survivors, ang mga aksyon tulad ng pag-level up at ang nabanggit na chest sequence ay lumilikha ng dopamine-driven na sandali na kailanma'y hindi nakakasawa. Nananatili ang elementong iyon sa Crawlers, kung saan ang mga simpleng aksyon na ito ay halos pagdiriwang ng iyong mga pagsisikap, na gumagamit ng matitingkad na kulay at kapansin-pansing mga animation tulad ng pag-ulan ng mga gem na bumabagsak sa screen.

Kahit ang mga bagong aksyon, gaya ng paghugot at paglalaro ng mga card, ay may nakakaengganyong feedback. Pwede kang gumamit ng mga baraha nang mabilis, na nakakatulong para mas maging kaakit-akit ito. Kung mas kampante ka sa kasalukuyan mong deck, mas mabilis mong matatapos ang mga labanan, na nagpapahirap na bitawan ang laro kapag sunod-sunod ang panalo mo. At mas mahirap pa na hindi magsimula ng bagong run sakaling mabigo ka.

Ang Vampire Survivors ay may malinaw na impluwensya sa marami sa mga sikat na roguelite na kinagiliwan natin sa nakalipas na ilang taon. Imposibleng tingnan ang mga larong tulad ng Balatro at Ball x Pit, na may magagarbong presentasyon at dopamine-driven mechanics na nagpapaalala sa mga real-life casino game, at hindi maisip ang sayang dulot ng pagbubukas ng chest sa Vampire Survivors. Maaaring itaas ang antas ng simple at well-designed na mechanics sa pamamagitan ng pagpukaw ng iyong pandama, na lubos na nauunawaan ng Vampire Crawlers.

Ss 10b3a5d9c7f4a4a58c37a730b6d3992f7f806d42 1920x1080
Pag-ukit ng bagong landas

Katulad ng lahat ng magagandang roguelite, mabilis na magiging laro ng mga numero ang Vampire Crawlers. Sabi nga nila, hindi nakakasawa na makitang tumataas ang mga numero. Pinaganda pa ang deck-building aspect para sa layuning ito, na may iba't ibang karakter na may kanya-kanyang passive ability, mga bonus, at mga panimulang deck para mapanatili ang pagkakaiba-iba.

Ang pagtaas ng level ay nagbibigay-daan sa iyong pumili mula sa maraming card, na idaragdag sa iyong deck. Ngunit mayroon ding mga mechanic, tulad ng opsyon na makakuha ng mga evolution tulad ng Vampire Survivors sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng iba't ibang card o paglagay ng mga passive ability sa mga ito, na lalong nagdaragdag sa aspekto ng pag-customize. Bukod pa dito, may isang bayan na nagsisilbing hub, na may mga pasilidad din kung saan maaari mong gastusin ang pinaghirapan mong ginto sa mga permanenteng upgrade, mga bagong karakter, at marami pang iba.

Nakakagulat, kung gayon, na ang Vampire Crawlers ay sagana sa mechanics, ngunit hindi ganoon kabigat sa pakiramdam. Sa kanyang pakikipag-usap sa Xbox Wire, sinabi ni Galante na ang layunin niya ay kumuha ng isang existing na genre—isang sikat na sikat—at subukang alisin ang lahat ng bagay na madalas nakakainis dito.

"Gustong-gusto ko talaga ang mga card game, lalo na ang mga deckbuilder, kaya naman in-approach ko 'yong larong ito mula sa ibang perspective," pagbabahagi niya sa Xbox Wire. "Sinubukan kong kunin 'yong lahat ng nagustuhan ko sa mga deck builder na nalaro ko na dati, mag-focus lang sa mga aspektong 'yon, at alisin 'yong lahat ng mga frustrating para sa 'kin. Doon nag-umpisa 'yong idea na maglaro nang mas mabilis hangga't maaari: noong naging magaling na ako sa paglalaro ng card game, kadalasan, ayoko nang hintayin na matapos 'yong mga animation o mga artificial pause para maubos ko 'yong mga baraha ko at matapos 'yong turn ko."

Ang Vampire Crawlers, na inilunsad noong Abril 21, ay nakakuha ng isang milyong user sa unang linggo nito, ayon sa Poncle. Bukod sa mga numero, kapag sinuri ang laro nang mas malapitan, malinaw ang hatak nito. Marami nang mga deckbuilder at roguelite, ngunit nag-iisa lamang ang Vampire Survivors. Sa paggamit ng mga kalakasan at natatanging katangian ng universe na ito, pati na rin sa maingat na pag-alis ng mga hadlang nang hindi isinasakripisyo ang pagiging kumplikado nito, punong-puno ng kumpiyansa ang spin-off. Kapag ipinares mo ang attitude na ito sa isa ring nakakaakit na presentasyon, hindi mo na kailangang muling i-reinvent ang wheel.

Available na ang Vampire Crawlers: The Turbo Wildcard from Vampire Survivors sa Epic Games Store.