
Artikulo
Sa Outbound kasama ang mga tunay na naniniwala sa vanlife, mga researcher, at ang cozy game dev na Square Glade
D
Dave Tach
Isang karagatan at kontinente ang layo niya mula sa kaniyang tinubuang lupa, dine-develop ang kaniyang hobby sa video game programming, nang makilala niya online si Tobi Schnackenberg. Nagsama ang dalawa para sabay na i-develop ang Above Snakes, mula sa Square Glade Games, at umalis si Volger sa U.S. at bumalik sa Groningen para gawing career ang kaniyang panghabambuhay gaming hobby.
Ngunit ito'y bago sila mag-five-week vacation ng kaniyang asawa sa isang camper van sa U.S., na siyang magbibigay-inspirasyon sa Outbound, isang cozy game na tungkol sa pag-explore ng payapa at near-future na mundo nang ikaw lang, fully customizable na electric camper van habang namumuhay nang sustainable sa lugar na malayo sa kabihasnan.

Hindi sinusubukan ng Outbound, darating sa Epic Games Store sa Abril 23, 2026, na maging isang accurate na vanlife simulator, ngunit malinaw na hango ito sa umuusbong na subculture kung saan ginagawang mga portable na tahanan ng mga naniniwala rito ang kanilang mga van at namumuhay sa kahabaan ng daan, madalas sa kalikasan. Tulad ng mga road trip at vanlifer na nagbigay-inspirasyon dito, walang naratibo ang Outbound , maliban sa naratibong nililikha ng bawat player habang nagmamaneho, nag-e-explore, at nagku-customize ng kanilang mobile home, mag-isa man o kasama ang mga kaibigan.
At pagdating sa huling punto, ayon sa mga akademiko, isang documentary filmmaker, mga vanlifer, at mga developer na aming nakausap, kumportableng nakapuwesto ang Outbound sa cultural intersection ng mga cozy game at vanlife phenomenon.
Ayon kay Dr. Rachel Kowert, isang author at researcher na nagse-specialize sa mga gamit at epekto ng games, may natural na pagtatagpo.
"Fundamentally, parehong tungkol sa intentional living ang vanlife games at cozy games—paggawa ng intentional na mga desisyon tungkol sa space mo, pace mo, at sa kung ano ang ipa-prioritize mo," sabi ni Kowert sa Epic Games Store. "Laging hindi nawawala sa mga cozy game 'yong pagtanggal ng excess, 'yong paghahanap ng richness sa simplicity. Di tungkol 'yong fantasy sa ikaw ba 'yong pinakamaraming pera o pinakamakapangyarihan. Tungkol 'to sa pagiging present sa kasalukuyan.

Mula sa mga ahas hanggang sa mga van
Nilikha ng Square Glade Games ang Above Snakes. Sila rin ang nagbigay ng pangalan dito.
"Isometric siyang laro kung saan puwede kang magplano na mag-place ng lupa, at square 'yong land tiles na 'yon," pagbabahagi ni Marc Volger sa Epic Games Store. "Isa sa mas magagandang tiles, e, glade na kung saan puwede kang maglakad at mangalap ng resources. Saka may sobrang gandang light na nagsha-shine doon. Ang ganda lang at tahimik ng glade na 'yon. So basically, ginamit namin 'yon bilang title ng studio namin, Square Glade. Kaya rin maliit na tile na may mga puno 'yong logo namin."
Matapos ang matagumpay na launch ng Above Snakes, oras na para alamin kung ano ang susunod na gagawin. Hindi lang basta inihayag nina Schnackenberg at Volger kung ano ang magiging susunod nilang laro. Nagbasa sila ng mga libro.
“Sa umpisa,” pagbabahagi ni Tobi Schnackenberg sa Epic Games Store, “kapag gumagawa kami ng mga prototype bilang studio, ang karaniwang ginagawa namin, e, tingnan 'yong market sa Steam, sa Epic, sa mga console, tapos titingnan namin 'yong mga laro: kung ano na 'yong nando'n, kung ano 'yong nagugustuhan ng mga tao, kung ano 'yong hindi nila nagugustuhan, anong klase ng mga laro 'yong madalas laruin, anong klase ng mga laro 'yong nakakakuha ng good scores, bad scores, ano 'yong kulang?"
Sa madaling salita, determinado silang gumawa ng educated guess, gamitin ang kanilang research at karanasan sa Above Snakes. Sa kada milya, itinulak sila nito tungo sa kalauna'y magiging Outbound.

Naging sandalan din nila ang kanilang komunidad, na sumulpot sa pamamagitan ng crowdfunding platform na Kickstarter, kung saan pinondohan ng mga developer ang Above Snakes, pati na rin ang kanilang Patreon community.
"May crowd kami na sanay na sa survival genre (mula sa Above Snakes), at nakikita namin na kailangan ng mga survival game na less survival-like," sabi ni Schnackenberg, "Survival games na less 'yong pressure, mas laid back at relaxed kasi parang gusto ng mga tao na alagaan 'yong sarili nila, gumawa ng mga bagay sa mundo at mag-interact dito, magluto at mga bagay na katulad no'n. Mas nando'n sa life simulation side ng survival, masasabi ko.”
In part hango sa natutunan nila, sinimulan ng mga co-founder na mag-prototype ng mga laro at ibahagi ang mga ito sa komunidad na nabuo sa Above Snakes. Isang ideya ang namukod-tangi.
“Parang ano 'to, ewan, mga 50 na tao o gano'n [o] 30 na tao 'yong tumitingin,” sabi ni Volger. "Iba't ibang klase 'yong sinubukan namin, talagang mula sa parang shooter na may mga bala na symbiotic sa isa't isa, hanggang sa mala-pirate game na may mga square tile, hanggang sa sobrang tahimik na 'tara, labas tayo' adventure sa isang camper van. Lahat 'yon, sinubukan namin sa community, at sobra silang na-excite sa isang idea na 'to.”
Nang ma-validate na ang proof of concept internally at externally sa pamamagitan ng komunidad, nagdesisyon silang subukan ang ideya sa publiko.
"So pagkatapos, nag-tweet kami, basically, ng diorama ng posibleng kakalabasan ng larong 'to," sabi ni Volger. “Literal na van na nasa tabi ng lake. May mga solar panel, may mga lumilipad na saranggola, so malinaw na electric kasi may mga fuel cell na nakatiwangtiwang sa tabi, at maliliit na bagay na hinahangin. Tapos nag-viral 'yong isang tweet na 'yon. So alam na namin, ‘OK, mukhang magandang idea 'to.’”
Ang layunin mula sa market research, ayon kay Volger, ay tulungan silang “gumawa ng laro na hinihintay ng mga player, na wala pa sa mga player.” At patuloy silang nakakahanap ng interes sa isang larong tungkol sa deliberate na pamumuhay sa isang van, konsepto na maraming pagkakatulad sa vanlife.

Patungo sa vanlife
Sa Freakonomics, nagkuwento ang mamamahayag na si Stephen Dubner at ekonomistang si Steven Levitt tungkol sa dalawang magkapatid mula sa New York na pinangalanan ng kanilang mga magulang na Winner at Loser.
Ang kanilang kongklusyon: ang nominative determinism, ang teorya na maaaring magkaroon ng nasusukat na impluwensiya ang mga pangalan sa mga buhay ng tao — na maaaring maging tadhana ang mga ito — ay hindi gaanong matibay. Lumalabas na mas naging talunan si Winner, at mas naging matagumpay naman si Loser sa pamilyang iyon.
Ngunit isang YouTuber na kilala sa handle na HumanInterfaceTV ay may kakaibang karanasan sa kaniyang totoong pangalan.
Ipinanganak sa American West noong dekada '70, kabilang sa kaniyang iba't ibang negosyo ang paglilinis ng bintana, paggawa ng website, pag-optimize ng SEO, internet marketing, at pagpapatakbo ng head shop kasama ang isang kaibigan na nagmamay-ari ng mga dispensary sa Colorado.
Ilang taon na ang nakalipas, ipinakilala siya ng kaibigang iyon sa konsepto ng vanlife, at gumugol siya ng “daan-daang oras sa panonood ng mga vanlife video,” isang subculture na pumutok sa social media at YouTube sa nagdaang dekada o higit pa. Agad na mababatid ang pangunahing ideya sa likod ng vanlife sa pangalan pa lamang nito: Gugugulin ng mga naniniwala rito ang mga buhay nila sa isang van na kanilang iko-customize at gagawing tahanan.
Sa madaling salita, ginagawa nila ang marami sa ginagawa ng mga player sa Outbound.
Payak ang kanilang pamumuhay. Bumibiyahe sila. Pumaparada. Nagka-camp. Nagkikita. At sa panahon ng malawakang internet availability, ibinabahagi nila ang kanilang buhay at maging ang kanilang mga hobby, tulad ng gaming. Ang mga follower at viewer nila ang tagapagbigay ng income, gaya ng kalakaran sa gig economy.

“Pagkatapos, bumaba ako mula sa mga bundok noong COVID at nag-DoorDash, Uber Eats, at kung ano-ano pang trabaho para kumita. Sinusubukan ko lang alamin kung ano ba talaga 'yong gusto kong gawin. Tapos nagdesisyon ako, ‘Alam mo? Siguro magagawa ko 'to habang bumibiyahe ako at nagva-vanlife.’”
Nakakuha siya ng medyo marami-raming pagtutol nang magdesisyon siyang yakapin ang vanlife at i-stream ang kaniyang mga adventure, ngunit noon pa man ay mahilig na siyang sumubok. At direkta niyang iniuugnay ang nakahiligang iyon sa kaniyang pangalan.
“Iniisip ng lahat na tanga ako dahil ginawa ko 'yong alinman sa dalawang 'yon, pag-stream o pag-vanlife,” sabi niya. “So ako, personally, dahil sa pangalang binigay sa 'kin no'ng ipanganak ako, para bang pakiramdam ko na obligado ako. At 'yon 'yong dahilan kaya hindi gano'n ka-traditional ang buhay ko, sa kabuuan, maliban sa ginawa kong 'to… dahil sa pangalan kong Freedom at sa naririnig kong description ng lahat ng freedom buong buhay ko."
Mula sa pinakaunang prototype at teaser nito, naging inspirasyon ng mga developer ng Outbound ang parehong klase ng interes. Kumuha pa nga sila ng inspirasyon mula sa mga vanlifer sa internet. At nagawa rin nilang iugnay ang umuusbong na laro sa mga vanlife-adjacent experience sa sarili nilang mga buhay.
“Buong North America na 'yong inikot ko gamit ang van noong time ko ro'n,” sabi ni Marc Volger. "Kaya talagang bagay 'yon na alam namin 'yong feeling. Si Tobi, kasama ng partner niya… dumaan din siya sa gano'ng klase ng mga road trip. Alam namin 'yong pakiramdam ng camper van bilang vanlife at gusto naming ipasok 'yon sa laro.”
Kakaunti lamang sa mga taong sumusubaybay sa mga vanlifer sa internet ang talagang gumagaya sa naturang pamumuhay, ngunit dahil sa malaking bilang ng kanilang mga follower, malinaw na may pagkahumaling sa alternatibong pamumuhay na ito at pagnanais na maranasan ang kanilang mga biyahe, kahit sa panonood lang.

The Meaning of Vanlife
Si Jim Lounsbury, isang filmmaker mula Sydney, Australia, na dumaan sa Seattle, Washington, ay labis na nahumaling sa vanlife kaya hindi lang siya gumawa ng dokumentaryo na pinamagatang The Meaning of Vanlife (Ang kahulugan ng vanlife), kundi sinubukan din niya ang vanlife sa loob ng ilang buwan habang idinudokumento niya ang buhay ng ilang vanlifer.
“Dati na 'kong nag-uumapaw sa wanderlust at dati na 'kong attracted sa mga kuwento ng mga taong sinusubukang hanapin 'yon,” pagbabahagi ni Lounsbury sa Epic Games Store. “Kaya tingin ko, 'yon 'yong humahatak sa 'min sa The Meaning of Vanlife at sa interes na suriin 'yon bilang kultura, na talakayin kung ano'ng ibig sabihin no'n? Ano'ng ibig sabihin ng pagtira ng mga tao sa mga van, o ano'ng dahilan para mangyari 'yon? “Nagsimula akong tanungin ang lahat ng 'to, at 'yon 'yong nagtulak sa 'kin na gawin 'yong documentary.”
Walang iisang naratibo na makakapagpaliwanag kung bakit pinipili ng isang tao ang isang di-tradisyonal na pamumuhay sa kalsada sakay ng van, ngunit nakita ni Lounsbury ang isang paulit-ulit na kuwento, at inusisa niya ito sa kaniyang dokumentaryo.
“So 'yong karaniwang kuwento na narinig ko sa mga taong pinili kong gawan ng film, e, 'Well, nakatira kami noon sa city. Gumagastos kami ng $40,000, $50,000 sa upa taon-taon tapos kumikita bilang mag-asawa ng siguro, e,$120,000 taon-taon o $150,000. Iniisip namin, bakit? Ba't kami nasa rat race na 'to para lang ibuhos 'yong pera sa renta?' Mararamdaman nila 'yong hollow idea na 'Para saan ba 'to?'"
Alam ni Cody Rodriguez ang pakiramdam na ito. Isa siyang lifelong gamer at learner na nanirahan at nag-aral sa iba't ibang dako ng mundo mula Hawaii hanggang Japan at England at, ngayon, sa Australia, kung saan isa siyang Assistant Professor sa Sociology at Anthropology at tinatapos ang kaniyang PhD sa Sociology sa University of Melbourne, Australia. Sinusulat niya ang kaniyang thesis na sa ngayo'y tinatawag niyang “Liminal Lifestyle Mobilities: Betwixt and Between 'Living the Dream' of Vanlife and' Surviving the Nightmare'of Vehicular Homelessness.”

Hindi lamang niya pinag-aaralan ang vanlife, tulad nina Freedom at Lounsbury, naranasan niya rin ito.
“Sinubukan ng thesis research ko na ihiwalay 'yong totoong vanlife experience sa pang-araw-araw sa vanlife sa romanticized aesthetical fantasy ng vanlife online,” sabi ni Rodriguez sa Epic Games Store. “Para magawa 'to, nagsagawa ako ng mobile hybrid ethnography kung saan tumira ako sa four-door Mini Cooper at dumalo sa iba't ibang vanlife gathering sa loob ng maikling panahon sa buong Oregon at American Southwest. Pagkatapos, nagpatuloy ako sa pag-engage sa mga vanlife community member na nakilala ko nang personal sa Instagram sa loob ng dalawang taon."
Malinaw na may cultural appeal ang vanlife, bagaman hindi laging umaayon ang payapa nitong imahe sa social media sa realidad.
“Sa proseso ng paggawa ng fieldwork,” sabi ni Rodriguez. "Na-realize ko na marami sa mga full-time vanlife nomad pagkatapos ng pandemya, e, hindi mahahati sa pagitan ng fully "living the dream" ng vanlife o pinipilit lampasan 'yong bangungot ng tinatawag na vehicular homelessness. Sa halip, sakop nila 'yong space sa pagitan ng dalawa. Kaya ang hamon sa 'kin bilang isang academic researcher, e, gumawa ng mas nuanced na paglalarawan ng liminal middle space na 'yon.”
Sa liminal space na ito nananahan ang Outbound . At sa mundo ng gaming, tamang-tama ito para sa ecosystem ng mga cozy game.

Vanlife, meet cozy gaming
Technically, isang literary scholar si Dr. Agata Waszkiewicz sa John Paul II Catholic University of Lublin, Poland. Practically, dahil sa kaniyang pinagtutuunan at mga interes, isa siyang scholar ng video game.
Karamihan sa kaniyang research ay nakasentro sa mga cozy game, isang phrase na sinubukan niyang ipakilala sa akademikong panatikian sa kaniyang 2020 paper na “Towards the aesthetics of cozy video games.”
"Defined sila bilang mga laro na pumupukaw ng fantasy ng safety, softness, at abundance," pagbabahagi ni Waszkiewicz sa Epic Games Store. “Pero para sa 'kin, predominantly na tungkol sa safety ang mga cozy game. So safe ang lahat, di ba? O maraming bagay ang safe. Safe 'yong gameplay, o safe 'yong narrative, o kaya safe 'yong aesthetics. So aesthetic lang din 'yong softness. Ang safety at abundance, tungkol lang din sila sa safety.”
Dati nang may mga cozy game bago pa mangyari ang pandemya, ngunit nakikita niya ang panahong 'yon bilang catalyst ng genre dahil sa pagpapaunawa nito sa mga tao na baguhin ang kanilang pag-iisip sa posibilidad ng mga video game.
“Dahil sa [2020] Animal Crossing[: New Horizons],” aniya, “nagsimulang pumasok sa awareness ng mga tao na puwede palang maging iba ang mga laro, na puwede silang maging soft, mas slow, at kung ano-ano pa.”
Iyon mismo ang ginagawa ng Outbound , sa isang post-pandemic na mundo.
"Sinusubukan naming maging malinaw hangga't posible sa pakikipag-usap namin," sabi ni Marc Volger, "na relaxed na laro ito, na walang hunting, na hindi talaga siya survival-crafting gaming in the original sense, dahil wala talagang pressure na gumawa ng napakaraming bagay. Kahit na magutom ka nang sobra, mawalan ka ng malay, makakabalik ka sa sasakyan mo, at puwede kang magpatuloy ulit. So hindi siya harsh environment o ano. At 'yon 'yong nagpaparamdam na para siyang bakasyon, road trip."

Inspirasyon, hindi simulation
Iba ang tatahaking landas ng Outbound kumpara sa isang larong tulad ng Power Wash Simulator 2. Sa halip na direktang simulation, inspired ito sa vanlife at mga road trip, at sa sarili nitong paraan, taglay nito ang ilan sa mga pleasing na aspect nito para sa mga player sa pamamagitan ng cozy na experience.
“Hindi simulator ang Outbound ,” sabi ni Tobi Schnackenberg. “Ayaw naming i-simulate 'yong vanlife experience nang 100 percent gaya sa totoong buhay. Ang gusto naming gawin, kunin 'yong romanticized na image mo ng vanlife — kung ano 'yon sa tingin mo— ipasok 'yon sa isang laro, at iparanas 'yon sa paraang gusto mo."
Iyon ang pangunahing prinsipyo ng maraming cozy game, ayon kay Dr. Waszkiewicz. Nagbibigay-daan ang mga ito sa kaunting role-playing at fantasy, na walang stress na likas sa maraming ibang laro.
“Nagsulat ako ng libro tungkol sa mga pagkain sa mga laro,” aniya, “pero hindi ako magaling na cook. Hindi ako nagluluto. Pero alam ko na pag in-open ko 'yong larong 'yon, at susundin ko 'yong mga instruction, makakagawa ako ng magandang dish, di ba? At sobrang satisfying niya. Sobrang ganda. Kaya laging balanse 'yong effort at reward, na sa totoong buhay, e, hindi mo makukuha.”

Ang mga cozy na laro na tulad ng Outbound ay kadalasang may sense of soft predictability. May direktang ugnayan sa pagitan ng iyong effort at iyong mga resulta.
“Sa isang cozy game, alam mong maaasahan 'to,” sabi ni Waszkiewicz. “Alam mo na pag pumunta ka sa Animal Crossing, makukuha mo 'yong sinadya mo sa Animal Crossing, di ba?”
Nakita ni Dr. Rachel Kowert umusbong ang ganito sa mga video game at sa sarili niyang buhay.
“Sa tingin ko, nire-reflect nito 'yong isang bagay na uniquely na magagawa ng mga laro: magbigay-pagkakataon sa mga tao na subukan ang paraan ng pamumuhay nang hindi binabago 'yong buong buhay nila,” aniya. “Sa ganitong sense, aspirational ang vanlife, na may exploratory quality na madaling ilipat sa interactive form. At mukhang ginagawa 'to nang mabuti sa Outbound sa pamamagitan ng paghugot mula sa ethos imbes na sa aesthetics lang — 'yong sustainable na van, 'yong open world movement, 'yong pakiramdam na gagawin mong tahanan ang isang lugar. Kapag ine-engage ng mga laro ang mga subculture nang may paggalang, talagang mapapalalim nila 'yong interes sa tunay na movement at maipapakilala nila sa mga tao 'yong values na posibleng di nila ma-encounter.
"Para sa iba pang halimbawa, dahil lumaki ako sa maliit na bayan sa Texas na may matibay na local skateboarding culture, masa-suggest ko na may ginawang kamukha nito ang Tony Hawk games. Parang mga love letter sa subculture 'yong magagandang entry sa series na 'yon, hindi exploitations.”

Isang naililipat na base
Habang nagpapatuloy ang pagbuo sa Outbound , humugot ang mga developer ng Square Glade Games ng inspirasyon mula sa mga survival game, na madalas ay likas na stressful habang nakikipaglaban ka para sa iyong ikabubuhay at kaligtasan, ngunit may dagdag na cozy twist. At ang malaking bahagi ng coziness na ito ay direktang nakasentro sa pag-customize ng iyong van.
“Ang idea: kung may sasakyan sa mundong 'to, ang puwede nating gawin, e, hayaan kang magtayo ng base sa sasakyan o malapit sa sasakyan,” sabi ni Tobi Schnackenberg. “At puwede mong dalhin palagi 'to dahil, sa maraming laro, pag nagtayo ka ng base sa kung saan, at wala ka nang kailangan sa lugar na 'yon, lumilipat ka na. No'ng makita namin na kailangan 'yon ng mga survival gamer. Sabi nila, ‘OK, medyo matrabaho. Kailangan kong palaging magpabalik-balik, o kailangan kong gumawa ng pangalawang base, o kailangan kong sirain 'yong una kong base at gumawa ng pangalawa sa ibang lugar.’ May ibang mga laro na gusto 'yong teleportation systems at mga kagaya no'n. Maraming problema pagdating do'n."
Ang kanilang solusyon: Panatilihin ang basic idea ng base, ngunit gawin itong mobile.
“Nakita namin 'yong opportunity na, ‘Uy, ang astig kung madadala mo 'yong base mo. At doon, basically, nagmula 'yong idea para sa Outbound . Pagkatapos, isinama na namin kaagad 'yong vanlife fantasy. Pero 'yong idea, una, gusto namin ng isang klase ng moving vehicle sa mundo. At gusto namin, chill at relaxed 'yon dahil mukhang na-e-enjoy talaga ng mga tao 'yon. At pagkatapos, inihalo namin 'yon sa vanlife dahil talaga namang sensible 'yon.”

Tumutugma ang ito sa mga karanasan sa totoong buhay ng mga nakausap namin.
“Mula sa sarili kong personal experience,” sabi ni Cody Rodriguez, “Nagulat akong malaman na gustong-gusto ko palang tumira sa minivan nang minimalistic as much as possible. Marami na akong napakagagandang experience sa mga international travel ko, pero at home na at home ako, at feeling ko, kontrolado ko 'yong buhay ko habang nasa van.
Damang-dama ni Freedom ang sense of control. "No'ng unang beses akong umalis," sabi niya, "Literal na $50 lang ang meron ako at full tank." Nagkaroon ng mga pagsubok sa daan. Hindi palaging, sabi niya, gaya ng nakikita mo sa Instagram. At nang masilip niya ang Outbound, nakita niya ang ilang interesanteng pagkakahawig sa kaniyang experience.
"'Yong pinakamalaking connector sa lahat, e, 'yong kalayaan na meron ka para maisip 'yong 'Pare, ano kaya 'yong pakiramdam na nando'n ka.' Puwede ka lang magmaneho papunta doon, at sa totoo lang, oo, pareho lang ng idea. May sarili kang munting setup. Isa sa mga paborito ko, bilang galing ako sa mga bundok buong buhay ko (Idaho at Colorado), e, 'yong umatras lang sa isang beach puwede kang magmaneho, buksan 'yong likod ng van ko … buksan 'yong double doors, o buksan 'yong hatchback ng minivan, at nandoon na 'yong tahanan mo. So kakaiba 'yong pakiramdam ko sa laro, doon sa konseptong 'yon sila humuhugot. Uulitin ko, unrealistic, cartoon cozy na klase siya ng laro, so mas bongga, sabihin na natin, pero pareho ng concept, at ang astig no'n dahil tungkol nga naman talaga 'yon doon. Seryoso.”

Pamunuan ang sarili mong adventure
Habang nakikipag-usap sa mga developer ng cozy game, lumilitaw ang isang tema. Maraming video game ang may nakapaloob na motibasyon na “Kung hindi mo ililigtas ang mundo mula sa masasamang alien invader, sino ang gagawa?”. Maraming cozy game ang hayagang tinatanggihan ang formula na ito, na siyang salungat sa bahaging 'cozy' nito. Kaya naman, ang tanong: Paano ka gagawa ng compelling gameplay na kung saan hindi likas ang stress?
“Mula sa mechanical standpoint,” sabi ni Schnackenberg, “para magawa 'yon, sa umpisa, magsisimula ka lang sa sobrang-sobrang basic na camper van. Katulad lang ng lahat ng ibang camper van, basically. Wala nga lang laman. May kama, may workstation, at 'yon na. Sa simula, puwede mong lagyan ng mga gamit 'yong loob, ng ilang counter kung saan mo puwede mong ilagay 'yong workstations mo, mga production unit mo, mga garden mo, at lahat ng puwede mong ilagay. At darating sa punto na, siyempre, puwede ka nang magmaneho nang mas malayo saan mo man gusto, at pagkatapos, puwede ka nang magtayo ng camp. Gumagana 'yong pagse-set ng camp at Outbound sa pamamagitan ng pagbukas ng side door ng sasakyan."
“Ayokong tawaging problema 'yon (dahil hindi naman problema), pero interesting na topic 'yon sa game design dahil tama ka, hindi 'yon gano'n kasinsimple ng 'sige, barilin mo siya' o 'sige, hanapin mo siya.' Ayaw rin namin siyang maging narrative game. Kaya kinailangan naming gumamit ng iba't ibang tool na puwede mong maisip sa isang cozy game, na sa simula, e, 'yong tutorial talaga, at hindi lang 'to basta paggabay at pagsasabi sa player na ‘OK, pumunta ka ngayon sa signal tower na 'to dahil may interesting na kung ano do'n. I-download mo 'yon para may magawa kang extra para sa van mo,’ na literally, e, counter, at pagkatapos ‘OK, gumawa ka ng recycler, na nagpapakitang may mga workstation ka na kayang gumawa ng mga bagay para sa 'yo.
“At habang mas umuusad ka sa ‘tutorial,’ sa intro, mas hinahayaan naming mga player na ang bahala sa gusto nilang gawin, at makakakuha sila, basically, ng unang area na puwede nilang i-explore, at magagawa nila 'yon sa sarili nilang pace at sarili nilang desisyon. Kakanan ba sila, o kakaliwa? At pagkatapos, sa simula, sinisikap naming panatilihin nasa top right 'yong task kung saan may goal pa rin 'yong mga tao na puwede nilang sundin kung gusto nila pero 'yong mga goal na 'yon, e, parang 'Uy, bumisita ka sa isang landmark,' at 'yong mga landmark na 'yon, e, nakalagay sa mundo na makikita mo mula sa malayo. Kahit sa unang dalawang minuto ng pagda-drive, makikita mo na 'yong mga landmark na 'yon.”
Vanlife at komunidadGinawa ang Outbound bilang isang single-player na laro, ngunit lumawak pa ito habang sumasailalim sa development at naging higit pa, na sadyang natural, kapwa para sa mga developer at sa mas malawak na vanlife ethos.
Maaaring mukhang solitary pursuit ang vanlife, ngunit hindi palagi. Madalas magkita ang mga vanlifer at magdaos ng mga event, gaya ng nasaksihan mismo ng dokumentarista na si Jim Lounsbury sa kaniyang pagdalo at pagdokumento sa tinatawag niyang “vanlife gatherings.”
“Sa tingin ko, 'yong mga festival na 'yon… ang nagbibigay ng pagkakataon na kumonekta sa ibang mga tao na pare-parehong mag-isip — mga taong pareho ang pang-unawa sa mga bagay gaya mo,” sabi niya. “Pinagdadaanan din nila 'yong mga pinagdadaanan mo. Naglalakad 'yong mga tao sa mga event na 'yon, tumitingin sa van setups ng isa't isa tapos, 'Pare, kailangan kong mag-reverse cycle battery! Di puwedeng pumalya lagi 'yong mga fuse ko!' May mga gano'n lang silang mga usapan, at tinitingnan nila 'yong mga van ng isa't isa, sine-celebrate 'yong ginagawa nila, nagdadamayan at nakiki-connect sa isa't isa."
Marami sa mga event na ito ay may atmosphere ng mga festival, tulad din ng nakita ni Cody Rodriguez sa kaniyang pananaliksik.
“Generally, binubuo 'yong mga event ng music, pagkain, sayawan, at outdoor activities na may kinalaman sa camping. Tumatagal 'to nang tatlo hanggang limang araw," sabi niya. "Pine-perform 'yong music sa stage na binubuo ng acoustic folk at alternative country sa araw, electric rock o reggae sa gabi, at electronic dance music naman kapag late na ng gabi. Pagkatapos ng ilang araw ng shared feeling of excitement at euphoria, aalis na 'yong mga vanlifer at magkakaniya-kaniya ng direksiyon na parang dalawang steamship sa gabi. Sa mga unang beses na mangyari 'to, posibleng masakit sa feeling, pero oras na makita mo mismo 'yong posibilidad na magkita sila ulit sa kung saan sa biyahe, mas nagiging madali 'yong pagpapaalam."
Ang expansion ng Outbound mula sa pagiging single-player patungong multiplayer ay nagmula sa karanasan at hindi inaasahang magandang pagkakataon.
"Sobrang saya ko tuwing nagro-road trip kami ng mga kaibigan ko," sabi ni Marc Volger.
"So talagang ginagawa mo 'yong sarili mong adventure, at kapag gusto mong maglaro ng multiplayer, oo, mayayaya mo 'yong mga kaibigan mo sa adventure mo, siyempre."

Habang ginagawa ito, isang programmer na nagtatrabaho sa parehong coworking space ng Square Glade Games ang nag-alok ng kaniyang mga serbisyo para mag-implement ng multiplayer sa laro. At lubhang nagbago ang laro dahil dito.
"Ang nakikita namin, kapag naglalaro 'yong mga player kasama ang mga kaibigan nila, sobrang laki ng pagbabago sa tone ng laro. Sa single player, sobrang laid back lang, relaxed, na parang grounding, down-to-earth 'yong experience," sabi ni Tobi Schnackenberg. "Masasabi kong halos spiritual. Tapos kapag naglaro sila kasama ng mga kaibigan nila, bigla na lang siyang nagiging road trip, gaya ng party kung saan magiging wild at magkakatuwaan sila. Malaki 'yong nagbabago sa tone, pero 'yong mga task at point of interest—pareho pa rin lahat."
Ang welcome change sa tone ang siya mismong kumumbinsi sa mga developer na i-limit ang multiplayer sa pag-share sa isang van. Kapag naglalaro ka ng Outbound, maaari kang mag-generate ng code at i-share ito sa mga kaibigan para maimbitahan sila. Lumilikha ito ng klase ng experience na dati nang nasa diwa ng Outbound mula pa noong umpisa, tulad ng paliwanag ni Marc Volger.
“Isang tanong na madalas itanong, ‘Puwede bang magkaro'n ng sariling van lahat?’ At siyempre, pinag-isipan namin ito at nagdesisyon na isang van lang para sa buong grupo, nang magkakasama ninyong ma-experience ang lahat. Sama-sama kayong may binubuo tungo sa iisang goal, imbes na kaniya-kaniyang sasakyan na sinusubukan ng lahat na pagbanggain, na parang nagkukumahog sa resources."

Pagbalanse sa authenticity
Hindi didactic ang Outbound . Hindi nito pinapangaralan ang mga player o nangangaral ng mensahe. Pero hindi mo na kailangang tingnan pa nang malalim ang nakakubling kahulugan para makahanap ng ilang pasimpleng mensahe.
Mula nang lumabas ito sa Kickstarter, inilarawan ng mga developer nito ang Outbound bilang "isang open-world exploration game na naka-set sa isang utopian near future.” Ang mga van sa partikular na bersiyon na ito ng vanlife ay electric. Gagamitin ng mga player ang araw para lumikha ng kuryente at mabibigyan sila ng reward sa pagpulot ng basura. At ang tanging mga puno na puwede mong putulin ay patay na at nakahiga sa lupa. Sa Outbound, gaya sa totoong buhay, makabubuting panatilihing maganda ang magandang mundo.
"Conscious decision 'yon kung saan sinabi naming 'OK, di naman sa paparusahan natin 'yong mga tao," sabi ni Schnackenberg. “Para 'tong subtle undertone na nagse-set sa tone ng laro, basically.”
Gayunman, marami rin namang quality-of-life na inaalok sa Outbound. Madali ang pag-pack up sa 'yong mobile home. Gayon din ang pag-unpack nito.
“Medyo tinatago namin 'yong lahat ng mga di maganda,” sabi ni Schnackenberg. “Halimbawa, walang mga camping toilet, walang maruruming shower na kailangan mong gamitin sa ilang parking space o kung saan man. Lahat ng marurumi, tinatanggal namin. Inilalagay lang namin 'yong romanticized na site na makikita mo online, at alam naming hindi ito 'yong reality.”

Maingat na ibinabalanse ng team ng Outbound sa Square Glade Games, na sa kasagsagan nito ay may humigit-kumulang walo o siyam na simultaneous freelancer, ang pagiging totoo, realistic, at paggalang nito sa vanlife subculture mula pa sa mga pinakaunang araw ng development nito.
Ayon kay Dr. Rachel Kowert, karaniwang challenge ito at potential opportunity para sa mga video game.
“Tingin ko, authenticity siguro 'yong pinakamalaking challenge,” aniya. "Bilang subculture, may totoong values sa Vanlife— sustainability, anti-consumerism, community—at puwedeng maging hollow 'yon kung aesthetic na paandar lang siya sa standard na progression loop. May tension din sa pagitan ng freedom at unpredictability na mag-uudyok sa 'yo sa vanlife sa totoong buhay, at puwede 'yong makipagkumpetensiya sa pangangailangan ng (well-designed) games na nag-o-offer ng structure at satisfying na feedback. Kapag sumobra sa structure, mawawalan 'yong spirit; kapag sobrang kaunti naman, maguguluhan 'yong mga player. Ang design challenge dito, e, bumuo ng makabuluhang freedom (mag-tap sa realidad ng van life) imbes na sa illusion lang nito.
"Tingin ko rin na 'yong appetite ngayon sa mga cozy game 'yong mismong nagsasabi sa 'ting may interesting sa cultural moment na kinalalagyan natin. Kapag feeling mo na di-matapos-tapos 'yong gulo (politically, socially, environmentally) sa outside world, may genuinely meaningful sa pagpili na ilaan 'yong libreng oras mo sa pag-asikaso ng garden, pagbuo ng community, o pag-drive ng van sa tahimik at open na mundo sa sarili mong pace. Di 'yon escapism na negative 'yong kahulugan. Mga tao 'yon na kusang hinahanap 'yong mga experience na nag-o-offer ng agency, kalmadong pakiramdam, at sense na may natatapos sila.”

At bilang naranasaan na ang vanlife, tila umaakma nang husto ang karanasan ni Freedom sa Outbound, lalo na ang open-ended call nito sa exploration.
"Ang talagang nagtulak sa 'kin na gawin 'yon, lalo na noong COVID, simula no'n, e, dahil gusto ko talagang malaman kung ano ba talaga 'yong freedom. Ano 'yong konseptong 'yon? May gano'n ba? Magagawa mo ba 'yon? Ano'ng kailangan para mapasa'yo 'yon o maramdaman mo 'yon? Tapos idagdag mo pa 'yong gusto kong pumunta sa mga lugar na di ko pa napupuntahan noon sa South at East Coast at maintindihan 'yong bansa na tinitirhan ko at mga taong nakakasama ko. At may mas maganda pa bang paraan kesa sa mismong pumunta do'n at magtrabaho do'n at maging part ng mga lugar na pinuntahan at tinuluyan ko nang ilang linggo? Pakiramdam ko, tumira ako do'n dahil nagtrabaho ako do'n. Nag-stream ako do'n. Ginawa ko lahat ng 'yon.”
Tingnan ang Outboundsa Epic Games Store bago ilabas ito sa Abril 23, 2026.