Paano pinagkasya ng Mad Mimic ang pirate soulslike na Mark of the Deep sa phone
Inilabas sa mga mobile phone ngayong linggo sa pamamagitan ng Epic Games Store ang Metroidvania na may temang Soulslike pirate adventure game na Mark of the Deep, halos dalawang taon matapos ang PC debut nito.
Ang pamagat, na isang Epic Games Store limited-time exclusive sa Android at iOS, ay kinabibilangan ng parehong main game at The Cursed Trials DLC. Kung gusto mo itong laruin sa PC, libre ito hanggang 11:00 AM. ET sa Nob. 26 sa Epic Games Store.
Bagaman kumukuha lang ito ng 1.5 GB sa mobile (5 GB naman ang kinakailangan sa PC na bersyon), kumpletong laro ito, kung saan kasama ang lahat ng biome, boss, ending, cutscene, dialogue, voice acting, at music.
"'Yong pagkakaiba sa laki ng file ay mainly galing sa mga ginawa naming optimization para i-adapt 'yong laro sa mga mobile device," sabi ni Luis Gustavo Marte de Arruda Sampaio, Game Director at Lead Designer sa Mark of the Deep.
Pagtakda ng patutunguhan
Sinabi ni Sampaio na gustong gumawa ng team ng isang action-adventure na laro, “pero gusto naming magdagdag ng sarili naming twist sa pamamagitan ng pagpasok ng mga Metroidvania element.
“Gusto naming higit pa sa combat 'yong mga ability tulad ng hookshot, para ma-unlock ng mga player ang mga bagong path at ma-explore ang mga dating hindi mapuntahang lugar, para maging core part ang karanasan sa pag-explore.
"Kasabay nito, gusto naming bumuo ng isang mundong puno ng misteryo, mga interesting na character, at mga NPC na makakasalamuha ng mga player sa daan, para makabuo ng sense of companionship sa buong adventure.
"'Yon ang dahilan kung paano namin naisip ang idea ng paglalaro bilang piratang napadpad sa isang misteryosong isla, kung saan ang mga iniwan ng isang sinaunang sibilisasyon ay may mga sikretong naghihintay na matuklasan. 'Yong kombinasyon na 'yon ng action, exploration, mystery, at character-driven storytelling ang naging pundasyon ng Mark of the Deep."
Pumasok sa development ang developer na Mad Mimic, bitbit ang ideya na mas tutukan ang Metroidvania na bahagi ng laro, ngunit mabilis nilang napagtanto na nalilimitahan ng 3D isometric, top-down perspective kung gaano kalawak ang maaari nilang i-explore sa mga movement-based mechanic, bagay na nakita nilang mahalaga sa Metroidvania experience.
Kaya sa halip, nanghiram ang team ng mga elemento ng genre kaysa sa bumuo ng buong Metroidvania.
Isa sa mga naging biktima ng scope ng proyekto ang isang hub na dapat sana'y lalago kasabay ng progress ng player.
“Ang idea doon, habang ine-explore ni [Marcus “Rookie” Ramsey] ang isla at nakakahanap ng mas marami pang miyembro ng nawawala niyang pirate crew, unti-unting muling bubuoin at papalawakin ang kanilang barko, na sasalamin sa progress ng player hanggang sa dulo ng laro,” sabi ni Sampaio. "Sa huli, kinailangan naming bigyan ng priyoridad 'yong scope ng project at ituon ang resources namin sa core gameplay, exploration, at narrative. Iyon ang mga elemento na, sa tingin namin, pinakamahalagang mapaganda nang husto.”
Inilabas ang PC version ng laro noong Enero 2025 na karamihan ay mga positibong review, at patuloy na nagtrabaho rito ang mga developer pagkatapos ng release.
“Isa sa mga magagandang bagay tungkol sa PC launch ay binigyan kami nito ng pagkakataong mangalap ng feedback at gumawa ng maraming improvement,” aniya. "Naging mabilis para sa amin na mapaganda 'yong ilang aspeto ng experience mula noong ilabas ito, at napakasayang makita kung gaano kapositibo ang response ng community sa mga pagbabagong 'yon.
“Sa totoo lang, malaki ang naging papel ng positibong pagtanggap sa desisyon naming i-develop ang The Cursed Trials DLC. Napansin namin na partikular na nagustuhan ng mga player ang mga boss fight, kaya ninais naming palawigin ang feedback na 'yon at mag-alok ng bago sa pamamagitan ng Boss Rush mode. Magandang pagkakataon ito para mapalawak ang karanasan base sa kung ano ang pinakanagustuhan ng aming community sa laro.”
Ginawa para sa mga hinlalaki
Sa pagdala sa laro sa mobile, kinailangan ng team na muling idisenyo ang mga control para sa mga touchscreen. Ginawa nila iyon sa pamamagitan ng paggawa sa movement, attack, at dodge bilang pinakamalaki at pinakamadaling ma-access na mga input.
"Ang tatlong action na iyon ang pundasyon ng core combat loop ng laro: gumalaw, umatake, umiwas, at ulitin," sabi ni Sampaio. “Dahil sobrang umaasa ang combat sa tumpak na timing ng pag-dodge at mabilis na reaction, ninais naming maging natural at responsive ang aksiyong 'yon hangga't maaari.”
Para sa mga secondary action ng laro — ang mga bagay tulad ng mga ranged weapon, healing, at hookshot — ipinosisyon ng mga developer ang mga button sa paligid ng mga pangunahing control.
“Maingat naming isinaalang-alang ang puwesto at abot ng hinlalaki, lalo na't nilalaro ang laro sa landscape mode,” sabi niya. "Layunin naming mapanatiling madaling maabot ang bawat action nang hindi nakakahadlang sa kakayahan ng player na umatake, umiwas, o gumalaw. At oo, puwede ring i-customize ng mga player ang mga control, kung saan puwedeng i-adjust ang laki at posisyon ng mga button para gumawa ng layout na pinakabagay sa kanilang estilo ng paglalaro at mga kagustuhan.”
At kung hindi mo naman gusto ang mga touch control, sinusuportahan rin ang mga controller ang mobile version.
Bukod sa pag-tweak sa mga control para sa touchscreen, gumawa rin ang mga developer ng ilang balance adjustment para mas maging accessible ang ilang seksiyon gamit ang mga control na iyon.
“Halimbawa, inayos namin 'yong timing ng ilang puzzle para mas maging komportable ang pagkumpleto sa mga ito sa mobile,” sabi ni Sampaio. “Binalikan din namin ang ilang labanan na naging partikular na mahirap dahil sa mga ranged na kalaban, at pinalitan ang ilan sa kanila ng mga melee na kalaban para mas madaling kayanin ang mga engkuwentrong iyon.”
Nagdagdag din ang mobile version ng mga health bar sa mga boss, na nagbibigay sa mga player ng mas malinaw na feedback sa kanilang progress sa laban.
“Nakakatulong ito para mas maintindihan nila kung gaano na nila kalapit matalo ang boss,” sabi niya.
Bagaman ang mapa, na mahirap umanong gamitin sa PC ayon sa mga player, ay inayos noong Marso para malagyan ng biome-level view, hindi pa ito nababago para sa mobile.
“Sa kasamaang palad, wala kaming mga plano na gumawa ng higit pang improvements sa mapa ng laro,” sabi ni Sampaio. "Sinasadya naming idisenyo ito nang mas minimalistic, dahil naniniwala kami na bahagi ng hamon ang mahanap ng mga player ang sarili nilang daan sa mundo.
“Sinadya ang design choice na ito na hango sa mga Metroidvania element ng laro, kung saan bahagi ng karanasan ang pag-explore, pag-navigate, at pag-alam sa layout ng mundo.
Sa ilalim ng hood
Idinisenyo ang mobile version gamit ang Samsung Galaxy A15 bilang reference device, na may target na 30 FPS sa Low graphics settings.
Minimum na requirement ang MediaTek Helio G99 o katumbas na processor, 4 GB ng RAM, Mali-G57 MC2 o katumbas na GPU, at Android 8.1 o mas bago. Kinakailangan sa bersiyon ng iOS ang phone na gumagamit ng iOS 15 o mas bago.
Bagaman walang limitasyon ang laro bilang default, maaaring gamitin ng mga player ang isang in-game option para limitahan ang laro sa 30 FPS para mapahaba ang buhay ng baterya.
“Pinasimple rin namin ang graphics settings kumpara sa bersiyon sa PC,” sabi ni Sampaio. "Bilang default, gumagana ang laro sa Low settings para mabawasan ang mga demand sa hardware at pagkonsumo ng baterya, habang pinapayagan pa rin ang mga player na i-adjust ang mga setting base sa mga kakayahan ng device at kagustuhan nila."
Hindi lumilipat ang save data at progression sa pagitan ng PC, mobile, at console.
Walang plano ang Mad Mimic na gumawa ng higit pang content para sa Mark of the Deep, pero patuloy na makakatanggap ang laro ng suporta para sa mga bug fix, maliliit na update, at mga pagpapahusay.
“Susundin ng mobile version ang parehong mga update at patch gaya ng PC version,” sabi ni Sampaio. "At oo, sabay na makakatanggap ng mga update ang parehong version. Patuloy naming susuportahan at pagbubutihin ang mobile version kasabay ng PC version, at papanatilihing updated ang dalawa.”
Hindi ito ang unang laro na dinala ng Mad Mimic sa mobile (available na ang roguelike na Dandy Ace), at hindi ito ang huli.
Sinabi ni Sampaio, “Plano naming patuloy na dalhin ang mga susunod na laro sa mobile tuwing nararamdaman naming angkop ang mga ito para sa platform.”


