Balita

SILENT HILL f Hands-On: Ang may kumpiyansang pagbabalik sa iconic na serye ng horror

C
Charlie Wacholz
Set 8, 2025

Malapit nang ilabas ang SILENT HILL f, at inanyayahan ng Konami ang piling miyembro ng media na subukan ang unang ilang oras ng pre-release build sa Gamescom. Kahit matatakutin ako, at ako iyong tipo ng player na sumisilip nang nanginginig ang mga daliri, natutulog nang bukas ang ilaw matapos maglaro ng nakakatakot na laro, nasasabik pa rin akong makita ang higit pa—hindi lang dahil sa nakakaengganyong kuwento ng SILENT HILL f (at sa nakakagulat na kapani-paniwala at mahusay na pagkakasulat ng teenage cast), kundi dahil din sa astig nitong atake sa survival horror na genre. Pinaghalo nito ang tensyon sa pamamahala ng resource na gusto natin sa genre at ang matalinong lock-and-dodge combat.

Dapat tatlong oras at kalahati lang ang appointment ko, pero umabot ako ng apat na oras sa umpisa ng SILENT HILL f. At kahit pakiramdam ko’y hindi ko pa naabot ang tatlong oras na progreso—dahil ilang beses kong nadala sa madugong kamatayan si Hinako, ang bida, habang ginagalugad ko ang mahamog at mahiwagang paligid—umalis pa rin akong may baong maraming bagay na pagninilayan.
Silent Hill F 1
Nagsisimula ang SILENT HILL f kay Hinako na nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay matapos ang pagtatalo nila ng kanyang mga magulang, na nagtapos sa paghahambing sa kanya sa “perpektong” nakatatandang kapatid na wala roon (bagama’t hindi ko naiisip na patay na siya). Habang pababa siyang tumatakbo patungo sa pangunahing kalye ng Ebisugaoka, ang maliit nilang bayan sa bundok, para makipagkita sa mga kaibigan, biglang bumalot ang makapal na hamog. Misteryoso, halos lahat ng tao sa bayan, maliban kay Hinako at ilang kaibigan niya, ay naglaho sa ulap ng hamog.

Dahil nasa probinsya ang lokasyon ng SILENT HILL f at sa panahon ng dekada ‘60, pakiramdam ko’y may mas malalim pang dahilan dito kaysa simpleng narrative device lang para mapaghiwalay ang mga karakter at ugnayan nila.

Tingnan mo, tulad ng maraming makapangyarihang bansang nasangkot sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naranasan din ng Japan ang mabilis na muling pag-usbong na sa kalauna’y nagdala ng napakalaking pag-unlad sa ekonomiya. Kung ikukumpara sa ibang bansang nakaranas din ng parehong pinsala at pagkawasak, napakalaki ng pag-usad ng ekonomiya ng Japan pagkatapos ng digmaan kaya madalas itong tawaging himala ng mga ekonomista at sosyolohista. Bilang ikatlong pinakamalaking ekonomiya sa mundo at mahalagang katuwang ng US noong Cold War, maaaring mukhang hindi inaasahang magandang setting ang Japan noong dekada ‘60 para maging lokasyon ng horror game, kung titingnan mula sa labas.

Ngunit ang muling pag-abot at kalaunan ay pagsapaw sa prewar GDP per capita—ngayon na wala nang kolonyal na imperyo—ay may mabigat na kapalit. Naging industriyalisado ang bansang isla. Nang mabilis. Kinailangan ng mga kompanyang sinusuportahan ng gobyerno ng mga manggagawa para punan ang mga pabrika. At dumagsa nga sila, naakit ng mas mataas na sahod, proteksyon sa paggawa, at mas magandang kalidad ng buhay, salamat sa pagtatatag ng gobyerno ng mga panlipunang safety net at pamumuhunan sa mga urban amenity tulad ng pampublikong transportasyon.
Silent Hill F 3
Pinahusay ng mga hakbanging ito ang pribadong kita at kalakalan, habang nagdulot naman ng mabilis na urbanisasyon sa lipunang Japanese, kung saan halos dumoble ang populasyon ng mga pangunahing lungsod at mga pagawaan mula 37 tungo sa 72 porsyento sa pagitan ng 1950 at 1970. Ang umuunlad na teknolohiya ang tumulong upang mabawasan ang negatibong epekto ng bumababang populasyon sa kanayunan sa mga industriya gaya ng pagsasaka, na nagpapanatili ng sapat na mataas na produksyon ng agrikultura para masuportahan ang populasyon ng manggagawa. Ngunit hindi nailigtas ng mga teknolohikal na pagsulong ang maliliit na bayan (tulad ng kathang-isip na Ebisugaoka) mula sa mabilis na pagliit, na nag-iiwan sa mga probinsyang lugar na kulang sa serbisyo at nanganganib.

Sa pagbubukod sa maliit na grupo ng apat na estudyante ng high school, inilalatag ng SILENT HILL f ang lahat ng kailangan para makapagpahayag ng matalinong komentaryo tungkol sa mga hindi nakikitang takot ng makabagong mundo. Kinokontra ng laro ang kumpiyansang paglaban ng mga karakter sa mga demonyong kalaban laban sa lugar na nakatakda sa kapahamakan, kahit sino pa ang makaligtas sa mga mala-scarecrow na halimaw na gumagapang sa maliliit na sapa, palayan, at mga botika ng Ebisugaoka.

Nakita ko kung paanong itinulak ng pangamba ang mga karakter ng SILENT HILL f sa iba’t ibang direksyon. Si Hinako ang nagsisilbing salungat sa mga suliranin ng nagbabagong panahon. Hindi siya umaayon sa nakasanayang pamantayan ng pagiging ideyal na anak para sa mga magulang sa maliit na bayan, at napakalalim ng pagkakahubog ng kanyang karakter dito. Malinaw na dala niya ang trauma ng pagkawala ng kanyang “perpektong” nakatatandang kapatid, at pasan niya ang bigat ng mga inaasahan nang may matatag na kumpiyansang sumasalamin sa ikalawang alon ng kilusang peminista, na nagsimulang umusbong sa buong mundo noong dekada ‘60. Hindi siya magiging—at marahil ay hindi talaga kayang maging—katulad ng kapatid na nakapag-iiwan ng napakalaking anino kahit malayo.

Pero huwag isiping ang kumpiyansa ni Hinako ay kagaya ng kumpiyansa ng isang ganap na nasa hustong gulang. Napakabata pa rin ng mga ugnayan niya, at ito ang nag-uugat sa kanyang karakter sa realidad (at minsan, sa mga takot) ng pagiging tinedyer na babae. Dahil dito, naging kapani-paniwala ang samahan niya sa mga kaibigan niyang sina Shu, Sakuko, at Rinko, ang natitira pang mga tao sa Ebisugaoka.
Silent Hill F 4
Hindi ko nasaksihan ang buong kuwento, pero sa mga bahaging nakita ko, malinaw na naitatag ang masalimuot na ugnayan nina Hinako, Shu, at Rinko. Ito ang nagbigay-daan para makapasok ang paboritong estilo ng SILENT HILL ang cerebral, at isinusulong ng karakter na horror na parang makapal na hamog na dahan-dahang bumabalot. Dahil galing sila sa maliit (at marahil ay lumiliit) na bayan, matagal nang magkakakilala ang tatlong ito. Si Rinko ay nakakaramdam ng pagkakulong, palaging hindi pinapansin ng walang interes na si Shu, na tila mas nakatuon kay Hinako. Gusto niyang makaalis. Tulad ng mga manggagawang lumipat sa lungsod, sinubukan niyang gawin ito, na sa huli’y humantong sa pagtataksil sa kanyang kapitbahay kapalit ng ilusyong hindi naman kayang panindigan.

Samantala, si Shu ay may hindi mabasa’t—minsan ay kahina-hinalang—presensya. Kaibigan siya ni Hinako mula pagkabata, at tila abala siya sa paghahabol ng nostalhiya. Wala talaga siyang pakialam na interesado sa kanya si Rinko, at sa unang tingi’y parang may gusto siya kay Hinako, pero ang totoo, gusto lang niyang maibalik ang mga panahong naglalaro sila ni Hinako sa batis noong sila ay bata pa. Angkop lang na ang lalaking kaibigang hindi sinasadyang nagiging dahilan ng tensyon sa pagitan ng dalawang dalaga ay abala sa mga alaala ng nakaraan, nagsisilbi itong sabay na pagpuna sa trope at paglalarawan sa kontra-pemininistang pananaw bilang maling bunga ng nostalhiya.

Hindi naman ibig sabihin nito na si Shu ay masama o laban sa pagiging malaya ni Hinako. Medyo walang muwang lang siya, isang binatilyong nadamay lang sa maling oras at maling lugar…kahit sa ngayon. Isinulat at ipinakita siya sa paraang nag-iiwan ng kutob na hindi dapat pagkatiwalaan ni Hinako, bagama’t maayos pa rin ang kanyang karakter hanggang sa puntong kinailangan ko nang tapusin ang demo.

Nagdadagdag pa ng kakaibang kaba sa Ebisugaoka ang mga cutscene kung saan nakikita ang mga dinamikong ito. Ang nakakatindig-balahibong soundtrack na pinaghalong tradisyonal na musikang Japanese at matitinding ingay ay nagpapatayo ng mga balahibo ko at nagpapahigpit ng panga, kahit pa nasa gitna ako ng maingay na convention hall na puno ng iba’t ibang wika.
Silent Hill F 5
Nakagawa rin ng nakakakilabot na epekto ang camera work ng demo. Sa mga cutscene, iniiwasan ng camera ang sobrang pagtutok na karaniwan sa mga makabagong laro at pumipili ng mas malayang pananaw. Una nitong ipinapakita ang lugar o bagay bago lumabas ang mga karakter sa eksena—parang paggamit ng convex rearview mirror para lumikha ng nakakabagabag na fisheye view kay Hinako habang tinatahak niya ang hamog.

Kahit ang ilang scripted na sandali ng gameplay ay nakatulong ding magdagdag ng tensyon, gaya ng sandali kung saan ang crevice-crawler (ang ginagamit ng ilang laro para itago ang loading habang dahan-dahang dumadaan ang karakter mo sa masikip na espasyo) ay biglang naputol at napunta si Hinako sa ibang direksyon, na sumira sa inaasahan mo at lalo pang nagpataas ng pressure.

Karamihan sa demo ko ng SILENT HILL f ay ipinakita si Hinako na nag-iisa kasama lang ang kanyang mga iniisip. Nagulat ako kung gaano kalaki ang naging pokus ng demo sa paglalakad sa makakapal na hamog sa kalye ng Ebisugaoka, hawak ang lead pipe at binabasag ang mga nakakatakot na parang manikin na kaaway hanggang sa tuluyan silang bumagsak at mamatay.

May kakaibang Souls-like na dating ang labanan. Bagama’t hindi talaga masasabi na isang Soulslike ang SILENT HILL f —hindi ka magle-level up gamit ang parehong currency na nawawala kapag namatay ka—mayroon itong parehong mabagal at metodikal na galaw, na pinipilit kang mag-lock sa kalaban, umiwas sa kanilang mga atake, at subukang makasingit ng isa o dalawang hampas habang binabantayan ang iyong stamina gauge.

Magaling na naipasok ng Focus mechanic ang mga ideyang ito, na pinagsasama ang tradisyonal na pamamahala sa resource ng isang klasikong survival horror game. Kapag pinindot mo nang matagal ang button, papasok ka sa Focus, na nagpapadali para makita kung kailan aatake ang kalaban para makontra mo ito, nauubos nito ang limitadong Sanity meter.
Silent Hill F 6
Ang Sanity ay (ang angkop na) limitadong resource sa SILENT HILL f, na halos katulad ng bala sa mga mas tradisyonal na survival-horror game. May ilang healing item na nakakapagbalik ng Sanity, o sa pamamagitan ng mga altar na nakakalat sa laro. Ang mga altar na ito, na nagsisilbing save point ni Hinako, ay maaari ding lumikha ng Faith, ang resource na nakukuha sa pag-aalay ng mga bagay na nakikita sa Ebisugaoka, at magagamit para sa mga upgrade.

Nakabuo ang kombinasyong ito ng lock-and-dodge combat at survival-horror metagame ng potensyal na kawili-wiling sistema, bagaman hindi ito masyadong umunlad sa demo. Bukod sa pagpapalit ng armas, ang tanging pagkakataon na medyo naging kakaiba ang labanan mula sa karaniwang “paluin ang kalaban nang paulit-ulit” ay ang uri ng miniboss—o ganoon ang pakiramdam, na kinailangan kong ubusin ang lahat ng healing at Sanity-restoring item ko para manalo. Kailangan kong paikutin ang pang-ikot ng balon habang umiilag sa nakakalasong pagbuga at mabibigat na hampas ng halimaw. Sa huli, nakuha ko ang timba mula sa ilalim ng balon (kasama ang susi sa loob) at natalo ang malaking halimaw.

Sa pagtakbo sa Ebisugaoka, pagpasok sa mga bahay at eskinita para makahanap ng gamit at makaiwas sa mga demonyo, talagang makikita kung gaano kalaki ang atensyon na ibinigay ng NeoBards Entertainment at Konami sa pagbuo ng kanayunan sa Japan mula sa panahong iyon. Maaaring walang tao, pero buhay ang Ebisugaoka. Umiingit ang mga sahig, kumakatas ang putik sa bawat hakbang, at sumasayaw ang tela at mga halaman sa hangin. Lahat ng disenyo ay nasa makatotohanang antas, at nagiging nakakatakot na maze ang bayan kapag bumaba ang hamog.

Habang karamihan sa demo ay naganap sa Ebisugaoka at mga karatig nitong altar at bukirin, may bahagi ring ipinakita si Hinako na gumagala sa espirituwal na mundong nakaugat sa alamat ng Japan. Sa paglalakad sa mga hardin at nakalimutang altar na nababalot sa mapulang liwanag, dito ipinakita ng SILENT HILL f ang karamihan sa cerebral horror na inaasahan mo sa serye. Sa pamamagitan ng mga bisyong nagpapakita kay Hinako at sa kanyang pamilya sa nakakakilabot ngunit nakakaengganyong paraan, matagumpay nitong naitayo ang tensyon at mga palaisipan na susubok sa katinuan ng batang bida.
Silent Hill F 7
Dahil may bahagyang pagkakahawig sa totoong mundo, nagiging tulay ang mala-panaginip na lugar na ito sa mahahalagang pangyayari, kung saan puwedeng pagnilayan ni Hinako ang tapos na o ihanda ang susunod. Hindi ko gaanong nasilayan ang alternatibong realidad na ito, pero pakiramdam ko, ito ang susi sa pagtakas ni Hinako mula sa mga nangyari sa Ebisugaoka.

Sa unang ilang oras pa lang, nailalagay na ng SILENT HILL f ang mga bahagi sa tamang lugar, at sa tingin ko’y magtutuloy-tuloy ito hanggang matapos ang laro. Umalis akong humahanga at nasasabik makita kung paano ilalapat ng SILENT HILL f ang salamin sa partikular na panahong ito sa kasaysayan ng Japan at ng mundo, at kung paano uusbong ang dinamika ng mga karakter. Bagaman simple lang ang mga labang nag-uugnay sa matitibay na bahagi ng kuwento, nag-iiwan pa rin ng malawak na espasyo ang mga ideyang ito para sa mas malikhaing pagbabago.

Ilulunsad ang SILENT HILL f sa Setyembre 25 sa Epic Games Store, at maaari na itong i-prepurchase ngayon.