Star Wars Zero Company hands-on: Umatake ng mga Astromech, permadeath, at delightfully fatal na Rube Goldberg tactics
Nakakalat sa isang maalikabok at pulang courtyard sa isang hindi pinangalanang liblib na lugar sa Anaxes, nagtatago ang apat kong kasama sa likod ng mga steel crate at pader na stucco na bumubuo sa maliit na baryo.
Si Trick, isang clone trooper sa team, ay kakaputok lang ng tatlong outlaw sa ere gamit ang kaniyang rocket launcher, na bahagyang nagpapantay sa laban, at bahagyang sumunog dito.
Dito na nagiging balisa ang ating Tognath Jedi Padawan na si Tel-Rea. Tumakbo siya sa paligid ng kaniyang cover at nag-flip, lumapag sa likod ng nagtatagong outlaw striker, at tinaga siya gamit ang nagliliwanag niyang red at blue lightsabers. Bumagsak siya sa lupa, buhay na buhay pa rin. Sa inis, itinulak niya siya gamit ang Force sa buong courtyard papunta sa apoy na mula sa naunang pag-atake ni Trick.
Sumulpot ang striker sa paningin ni Eran Luca, isang Neimoidian sharpshooter na naghihintay lang na may dumaan sa harap ng kaniyang scope. Nagpaputok siya mula sa kabilang dulo ng mapa, at napatay ang kalaban.
Isang napakagandang halimbawa ang kapana-panabik na misyon na ito ng mga Rube Goldberg death trap na taktikal mong mase-set up sa Star Wars Zero Company, at isa sa maraming dahilan kung bakit dapat mong abangan ang paglabas ng turn-based tactical game na ito.
Sa Star Wars Zero Company, gagampanan mo ang papel ni Hawks, isang dating kapitan ng Grand Army of the Republic na ngayo'y namumuno sa Zero Company, na ni-recruit para sa isang operasyon upang harapin ang isang bagong banta sa mga huling sandali ng Clone Wars.
Gusto ng Bit Reactor na mag-evolve ang turn-based tactics
Bilang matagal nang fan ng mga classic turn-based tactical game tulad ng X-COM at maging ng XCOM, natutuwa akong makita na binuo ng Bit Reactor ang larong ito para sa Electronic Arts, kasama ang Lucasfilm na lulan ng DC-20.
Itinatag ang Bit Reactor noong 2022 at binubuo ito ng mga staff mula sa Firaxis Games na nagtrabaho sa XCOM.
"May mayaman tayong kasaysayan ng strategy games at paniniwala na tactics genre ang may pinaka-potential na maging innovative," sabi ni Greg Foertsch, founder ng Bit Reactor at ang director ng laro. “Ito lang ang may pinakamalawak na espasyo para lumago. Posible itong magkaroon ng high presentation values, deep gameplay, at immersive na mga kuwento.
"Lahat ng mga bagay na 'to, kapag nagsama-sama, e, magpapaganda sa gameplay experience ng mga player."
"Talagang perfect pairing 'to." - Greg Foertsch, founder ng Bit Reactor
Sinabi ni Foertsch na nagmula ang Zero Company sa paniniwalang 'yon. Umalis siya sa Firaxis Games pagkatapos ng 22 taon, sabik na gumawa ng isang bagay na patuloy na magtutulak sa hangganan ng mga turn-based tactics na laro.
"Feeling ko, hindi pa natin sobrang nae-explore ang ilan sa mga dating trabaho natin," sabi niya.
Isang gabi, tumawag kay Foertsch si Vince Zampella, ang founder ng Respawn Entertainment na kalauna'y nasawi sa isang car crash noong 2025, para makipag-usap.
"Matagal kaming nag-usap tungkol sa ilang mga bagay saka sa potential ng genre na gustong-gusto ko. Eventually, tinanong niya, 'Puwede mo bang gawin 'tong Star Wars game?'"
"Kaya eto kami, pagkatapos ng ilang taon, sa Zero Company. Gumawa kami ng experience kung saan pinagsama ang malalim na kasaysayan ng Star Wars sa engaging na gameplay ng turn-based tactics, kung saan hindi ka lang maglalaro ng mga system, kundi pati na ng mga complete package.
"Talagang perfect pairing 'to."
Maligayang pagdating sa The Den
Bagaman nakasentro ang laro sa turn-based combat na kakaharapin ng iyong team sa bawat misyon, marami pa ring factor ang nakakaapekto sa mga misyong ito at mga pagkakataon mong magtagumpay.
Ang sentro ng Star Wars Zero Company ay ang Zero Company’s Den, isang napakalaking hangar sa The Ring of Kafrene na nagtatampok ng napakaraming istasyon, mga support team member, mga Operator mo, at maging ilang lugar para tumambay.
Kapag sinimulan mo ang laro, ang pinakanakapupukaw ng pansin mo ay ang The Den at ang paggalaw mo rito bilang Hawks ay ipinapakita sa third-person view. Pupunta ka sa opisina ni Hawks, madalas habang nakapatong ang mga paa niya sa kaniyang mesa.
Puwede kang pumunta sa anumang lokasyon sa The Den sa pamamagitan ng pagbukas ng mapa, pero enjoyable ba 'yon? Magbibigay-daan ang paglalakad-lakad sa mga pasilyo ng hangar na gumawa ng mga bagay tulad ng pagsubok ng isang lute pagkatapos nitong matagpuan sa 'yong opisina, pakikipag-usap sa ibang miyembro ng team, at pag-admire sa lebel ng detalye na inilaan ng Bit Reactor sa naturang espasyo.
Simple lang ang recruitment. May isang istasyon na hahayaan kang tingnan ang ilang mga Operator para makita kung gusto mo silang kunin para sa 'yong team. Sa Armory, puwede mong i-modify ang mga weapon gamit ang mga mod na makukuha mo habang naglalaro o bibilhin mo sa black market. Dito ka rin pupunta para i-equip ang mga utility, tulad ng mga stim pack o granada, sa mga Operator.
"Huwag kang mag-alala, kung mahina ang loob mo, puwede mong i-off ang permadeath."
Sa Upgrades, puwede mong i-upgrade ang The Den, magdagdag ng mga bagong feature, palawakin ang iba't ibang istasyon, o pagandahin ang epekto ng mga ito sa 'yo at sa iba pang miyembro ng team. Sa Customization, puwede mong baguhin ang itsura ng iyong mga Operator at kanilang mga outfit. Personally, napansin kong talagang gumanda ang look ng Devaronian Hawks ko sa pagbibigay ko ng handlebar mustache sa kaniya.
Sa The Pit madalas magtambay ang marami sa mga Operator mo. Puwede kang pumunta roon para makibalita at kung minsa'y humanap ng mga hero mission. Papahintulutan ka ng Personnel na i-manage ang roster mo sa pamamagitan ng paggastos ng focus points para mapabuti at ma-unlock ang mga ability, at upang sama-samang magsanay ang mga Operator habang tumataas ang yumayabong ang kanilang pagsasama.
Katunayan, bonding ang pinakamalaking tweaks sa genre. Sa mga misyon, puwedeng tumindi o masira ang pagsasama ng team mo batay sa mga pagkilos mo at sa usad ng misyon. Mauuwi ang mga pagsasamang ito sa mga special unlock na puwedeng makaapekto sa lahat mula sa mga tactical ability sa misyon hanggang sa health ng Operator. Nagbibigay ito ng mas matinding kahalagahan sa pagkamatay ng isang Operator sa laro na naka-on ang permadeath by default. (Huwag kang mag-alala, kung medyo mahina ang loob mo, puwede mo itong i-off.)
Sa medbay, puwede mong pagalingin nang dahan-dahan o mabilis ang mga kasamahan mo, depende kung gaano ito na-upgrade. Siyempre, mayroon ding Memorial kung saan mo mahahanap mo ang lahat ng Operator na nawala sa 'yo sa buong laro.
Ang apat na pillar
Para mabuo ang laro, gumawa si Foertsch at ang team ng apat na game pillar.
Sa pamamagitan ng unang pillar, ang pananatiling tapat sa Star Wars franchise, napagdesisyunan nila ang setting ng laro sa malawak na Star Wars canon.
"Kahit na maraming magagandang option, saktong-sakto talaga para sa 'min 'yong Clone Wars era," sabi niya.
Makabuluhang desisyon naman ang susunod na pillar, ang pagsiguro na pag-iisipang mabuti ang mga desisyon na makakaapekto sa paglalaro.
"Series ng mga meaningful na desisyon ang pinakamagagandang laro," sabi niya. "'Yong mga desisyon na ginagawa mo, mga trabahong tinatanggap mo, sino ang ia-assign mo sa mga squad mo, paano ka lumaban sa field: Mga desisyon mo ang pinakamagtatakda sa lahat sa bawat mission at playthrough.
"Magkakaroon ng iba't ibang gameplay experience ang bawat player kasi nga iba't iba ang magiging desisyon nila. At home na at home ang desisyon na may consequence sa Star Wars."
Ang pangatlong pillar naman na ginamit para mabuo ang Zero Company ay bagay na, ayon kay Foertsch, ay kung saan posible talagang maging "maganda" ang genre. "At kahit ngayon, simula pa lang 'to.”
Naniniwala siyang hindi pa lubos na naaabot ng mga naunang turn-based game ang pagiging cinematic.
"Dapat mas magawang magkuwento ng magagandang istorya ng mga turn-based tactics game. Dapat may mas magagandang visual, at siyempre, mas malalalim na mga gameplay loop," sabi niya. “Ang pinaninindigan namin, e, hindi dapat makompromiso ng lalim ng laro ang ganda o elegance nito. Hindi magkasalungat ang lalim at immersion at sa Zero Company, asahan na ng mga player ang dalawang ito.
"Cinematic ang tactical gameplay namin. May specific na personality ang lahat sa battlefield, at mai-immerse ka ng dialogue at usapan habang naglalaban sa tactical gameplay experience."
Sa simula, parang bagay na dapat lang nasa lahat ng laro ng genre na ito ang ikaapat at huling pillar: strategy at combat.
"Ang ibig kong sabihin, karamihan sa mga laro sa genre, e, may dalawang magkahiwalay pero equal halves: strategy at combat," sabi niya. "Sa Zero Company, layunin naming gumawa ng laro na nagbibigay ng parehong strategic layer at combat layer kung saan magsasama ang dalawang ito bilang cohesive experience.
“Kapag pinagsama-sama mo ang lahat ng bagay na diniscuss ko, kung gagawin mo 'to nang tama—at sa tingin ko, nagawa nama namin 'yon nang maayos dito—magreresulta 'to sa isang core loop ng engaging na gameplay na may meaningful decision-making at kahanga-hangang original Star Wars story. Hindi dapat 'yon makasira sa elegance sa paglalaro."
Magtipon sa The Holotable
Madalas, nauuwi ang lahat ng design work na ito sa central Holotable ng The Den, ang pinakamalaki at pinaka-interactive na mapa ng galaxy na ngayon lang makikita sa isang Star Wars na laro.
Sa Holotable, hindi mo lang ima-map out ang mga misyon mo kundi titingnan mo rin ang impluwensiya mo sa mga zone at haharapin ang mga posibleng operasyon na lilitaw.
Nagbabago ang impluwensiya ng Zone habang kinukumpleto mo ang mga Operation at Tactical mission sa laro. Kapag mas mataas ang nakukuha mo, mas marami kang reward na maa-unlock. Karaniwang maiikling assignment ang mga Operation na hindi nangangailangan ng combat. Magtatalaga ka ng mga Operator sa mga ito, at pagkatapos, lalabas ito at babalik para ipaalam sa 'yo kung ano ang nangyari. Kadalasan, nagtatapos ang mga Operation sa mga reward na magagamit sa The Den, bagaman minsa'y maaaring magkaroon ng mga di-inaasahang pangyayari.
Ang mga taktikal na misyon ang ground combat na sabik mong sasalihan kapag na-master mo na ang art of prepping at pag-upgrade ng mga Operator mo. Posibleng direktang konektado sa kuwento ang mga misyon na ito, o maging mga side mission na hindi nagpapausad sa mas malaking campaign, ngunit hinahayaan kang makaipon ng mga reward, kung magtatagumpay ka.
"Puwede mong bisitahin ang mga yumao sa Memorial wall."
Kapag sumabak ka sa isang misyon, automatic kang magpapatuloy sa susunod na Cycle, na paraan ng laro para masubaybayan ang oras.
Ayokong mang-spoil, pero tingin ko, okay lang naman sigurong sabihin na haharapin mo ang isang paramilitary cult na tinatawag na The Infinite Coil na pinamumunuan ng Kundri Fathom. Maraming hamon ang haharapin mo dahil sa kaniya at sa mga kampon niya, pero magkakahalong masasamang kalaban ang kakaharapin mo tulad ng mga outlaw, droid, at Separatist.
Pagkatapos mabigyan ng briefing, kailangan mong italaga ang team mo (madalas apat, pero may mga misyon na isa lang). Habang nagdedesisyon kung sino ang isasama, gugustuhin mong tingnan ang mga weapon at utility nila, pero pati na rin ang ilan pang bagay. May pangunahing armas ang bawat operator na nagtatakda sa kanilang papel sa battlefield. Mabibilis pero mababang damage na mga weapon ang Blaster Pistols. Mas malalaki at mabigat na mga weapon naman ang Repeaters. Magandang mid-range weapon ang Blaster Rifles at importanteng sniper rifles naman ang Longarm Blaster. May talent at specialization din ang bawat Operator. Kasama sa mga talent ang mga bagay tulad ng pagbibigay sa isang Operator ng damage bonuses, taunt, mas maraming health at defense o maging ang pagkakataong magnakaw ng credits sa isang misyon. Parang character class ang mga specialization. Kaya mayroon kang mga bagay tulad ng Assault, Gunslinger, Heavy, Medic, Sharpshooter at Scout.
Kapag nabuo na ang grupo mo, dadalhin ka sa planetside para sa misyon. Minsan, didiretso ka agad sa laban, kung saan magpapalit ang view sa maganda at detalyadong isometric view. Sa ibang pagkakataon naman, kokontrolin mo ang lead Operator mo sa third-person perspective sa lugar hanggang sa makita mo ang combat zone at doon pa lang magpapalit ang view. Kapag pinayagan kang maglakad-lakad nang kaunti bago ang laban, karaniwan, makakahanap ka ng pira-pirasong impormasyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga tao.
Ngunit kapag nagsimula na ang labanan, papasok ka sa isang mala-tightly developed turn-based tactical game na may iba't ibang magagandang bagong ideya at talagang punong-puno ng Star Wars.
Nagbibigay ang laro sa bawat Operator ng tatlong action point na maaaring gamitin para gumalaw, umatake, at gumamit ng mga ability sa bawat turn.
Habang nasa misyon, malamang ay gugustuhin mong manatili sa likod ng anumang uri ng panangga para mabawasan ang tsansa na matamaan ng mga kalaban. Ito rin ang gagawin nila. Puwede mo ring gamitin ang iyong AP para mag-set up ng Overwatch sa isang designated area, na nangangahulugang kung may papasok dito, automatic mo silang babarilin.
Bukod sa basic gameplay na ito, puwede ka ring tumawag ng backup mula sa ibang mga Operator, na magbibigay-daan sa iyong magawa ang mga bagay tulad ng sabay na pagpapaputok ng dalawang Operator sa iisang target. Pinapataas din nito ang ugnayan sa pagitan ng mga Operator. Habang naglalaro sa misyon, makakakuha ka ng Advantage points, isa para sa bawat kalabang natamaan. Magagamit ng sinuman sa iyong team ang Advantage Points para gumamit ng Ultimate Ability. Halimbawa, kapag nakakuha ka ng sampung Advantage points, mapapaputok mo si Trick ng rocket launcher sa isang grupo ng mga kalaban. May sariling Ultimate ang bawat Specialization. Kahanga-hanga ang lahat ng ito.
Hindi maiiwasan na mapapatumba ang isa sa mga Operator mo. Ang ilan, babagsak ang health sa zero. Kung mapapagalaw mo ang isang teammate papunta sa kanila, puwede silang gumamit ng AP para i-rally ang napatumbang Operator. Puwede mo itong gawin nang dalawang beses sa iisang Operator, pero kung matutumba sila sa pangatlong beses, killed in action na sila.
Huwag kang mag-alala, mabibisita mo pa rin sila sa magarbong Memorial wall na 'yon.
Ang digmaang nakakubli sa isang digmaan
Pagkatapos gumugol ng mahigit 30 oras sa laro, at siguradong gusto ko pa, pakiramdam ko, marami pa akong puwedeng ma-explore. Natutuwa ako na imposibleng matapos nang 100 percent ang larong 'to sa isang playthrough.
Excited akong gumawa ng mga strike team na puro may weaponized astromechs (oo, puwede 'yon), makipag-ping pong sa malayong kalaban gamit ang mga Force power ng isang Operator, at makipaglaban nang mano-mano kasama ang isang team na ginagabayan ng robotic fist ni Kabb Uppercut (totoong pangalan).
Kaya talagang excited na akong malaman kung ano ang mangyayari sa kuwento, kuwento na ine-explore ang tinatawag ni Orion Kellogg, executive producer sa Lucasfilm, na "digmaan na nagkukubli sa isang digmaan."
"Hinubog 'to ng magkakasalungat na loyalty, marurupok na mga alyansa," sabi ni Kellogg. "Habang tumatagal, ie-explore ng kuwento 'yong mga bahagi ng Clone Wars timeline na di pa natin nakita noob, at magpapakilala ng bagong cast ng mga character na unang lalabas sa Zero Company."
Kahit puwede mong i-off ang permadeath sa laro, tingin ni Kellogg, angkop lamang ito.
"Naniniwala kaming lahat na bahagi 'yon [permadeath] ng Star Wars storytelling," sabi niya. "Desisyon na may consequence, pagpapatuloy sa kabila ng emotional loss. At gaya ng lagi nating sinasabi sa Star Wars, walang sinuman ang tuluyang nawawala.
"Kaya alam kong ie-encourage ko ang mga player na harapin ang mga consequence."
