
Balita
Ang The Greenening ay nakaka-relax pero radikal na pagtuklas kung paano tayo maglaro ng mga incremental game
R
Rachel Watts
Pero may isang incremental game na gumagawa ng mas introspective na pananaw sa genre, at ito ay ang The Greenening ng Erkberg Games. Nandito ang lahat ng pamilyar na sistema sa paglalaro ng mga clicker at idle game, pero talagang naiiba ang mga tema, atmosphere, at ang ultimate goal ng player.
Mula sa binhi hanggang sa bunga
Ang The Greenening ay isang nakaka-relax na incremental game kung saan inaatasan kang ibalik sa dati ang isang namamatay nang planeta, at gawing makulay na bagong mundo ang wasteland nito na natatakpan na ng abo. Gamit ang mga patak ng tubig mula sa ulap, kailangan mong tanggalin ang makakapal na abo mula sa surface ng planeta para makatuklas ng mga resource, na makakatulong sa iyo para mag-unlock ng mga bagong ability at upgrade para makapaglinis pa ng maraming abo. Kapag naubos na ang mga patak mo ng tubig, tapos na ang araw na iyon, at sa pagsisimula ng bagong ataw, may na-restore ka nang bagong plot ng lupa.
Para sa solo developer na si Erik Schulze, nagsimulang mabuo ang konsepto ng The Greenening humigit-kumulang dalawang taon na ang nakakalipas. “Sinimulan kong buuin ang konsepto ng game noong huling bahagi ng 2024 at nagsimula ako sa isang prototype noong unang bahagi ng 2025,” sabi ni Schulze. “Mula rito, tuloy-tuloy at maayos kong nagawa ang buong game simula noon.”

Paliwanag ni Schulze na kahit kamakailan lang nagsimula ang proyektong ito, ideya na niya ito sa loob ng mahigit isang dekada. Ang pinakaunang bersiyon ng ideya ay isang game na ginawa niya sa loob ng 48 oras para sa isang game jam noong 2016. Ang game jam na iyon ay Ludum Dare 31, at ang tema ay "nasa isang screen ang buong game." Ang maagang bersiyong ito ng game ay mas nakatuon sa aksiyon, kung saan pinagsama-sama ang mga elemento ng tower defense at strategy. Malayo ito sa kung ano ang kalalabasan ng game kalaunan, pero nagbigay ito ng batayang puno ng ideya kung saan yumabong ang The Greenening.
“Isa rin itong incremental game, at nasa isip ko na sa loob ng maraming taon ang pagtupad sa pangunahing ideyang ito ng pagdidilig sa tigang na lupain at muling pagpapasigla nito,” sabi ni Schulze. “Paminsan-minsan kong sinubukang gumawa ng mga prototype na may iba't ibang mechanics para dito, pero wala talagang gumana sa huli. Hanggang ngayon.”
Si Schulze ay isang self-described na hobby game dev na gumagawa na ng mga game sa loob ng mahigit dalawampung taon. Noong teenager pa siya, gumawa siya ng mga game gamit ang RPG Maker, at lumipat sa Flash at Construct 2. Nang matapos niya ang pag-aaral niya, sumali siya sa indie developer na Studio Fizbin noong unang bahagi ng 2017 bilang Unity developer, at naging solo developer noong 2021. “Ang pangunahing background ko ay sa programming, pero sa paglipas ng mga taon ng paggawa ng napakaraming maliliit at halos tapos nang game, na ang karamihan ay sa game jams, marami rin akong natutuhan tungkol sa iba pang aspekto ng game development.”
Pagkatapos ng panahon niya sa Fizbin at mga taon ng paggawa ng mga personal na proyekto, inilabas ni Schulze ang una niyang game na Recollection, noong Abril 2023. Ang Recollection ay isang maikling walking sim kung saan kumokonekta ang player sa mga aspekto ng kalikasan sa pamamagitan ng mga mini-game. Tulad lang ng The Greenening, isa sa mga pangunahing tema ng una niyang laro ang pagpapahalaga sa natural na mundo, na isang paksang balak ni Schulze na patuloy na tuklasin sa trabaho niya.
"Mahal na mahal ko talaga ang kalikasan. Ang paglalakad sa mga kagubatan at kabundukan ay ang pinakamagandang bagay sa lahat. Parang naging tema ko na ito bilang game dev, sa pangkalahatan,” sabi ni Schulze. "Sa tingin ko, hindi kailanman magiging sapat ang mga paalalang kailangan nating maging maingat at mapagmalasakit sa kalikasan. Sa pamamagitan ng mga game ko, gusto kong dagdagan ang pagpapahalaga at kamalayan para sa kalikasan, at lahat ng saklaw nito.”
Kung ang Recollection ay isang pagmumuni-muni tungkol sa pagpapahalaga sa kalikasan, sa The Greenening, aktibo itong pinalalago ng player. Isa itong incremental game na nakatuon sa produksiyon, pero sa ability mo lang na tulungan ang planeta. Ginagaya nito ang parehong ginhawa at saya na nakikita ng genre sa pag-uulit-ulit, pero walang malaking numero na kailangan mong bantayang lumaki nang lumaki pa. Nakukuha mo ang parehong dopamine hits sa pag-upgrade at pag-unlock ng mga ability, pero hindi ito para sa produksiyon ng kapital—talagang iba itong klase ng paglago.

Kahit ang mga naa-unlock na ability ay hindi ganoon ka-intrusive tulad ng mga kapareho nito ng genre. Sa demo, kabilang dito ang pagpaparami ng tubig sa ulap mo, pagpapalaki sa mga patak mo ng tubig, at ang ability na mag-regenerate ng tubig sa paglipas ng panahon. Walang bagay ang ginagawa nang mas mabilis; wala talagang nagbago sa pace ng game. Pagkatapos laruin ang demo sa loob ng isang oras, parang walang kahit anong upgrade na nakakasira sa kalmadong vibe ng game. Kahit na ma-unlock mo ang karamihan ng ability tree, palagi ka pa ring magdidilig ng landscape.
Ang resulta ng mga desisyong ito sa pag-develop ay isang incremental game na may mas mabagal na pace. Para itong isang game na hindi gaanong nakatuon sa pagkuha ng atensiyon mo kaysa sa iba sa genre. Kapag dinidiligan mo ang landscape, puwede kang mag-click para mano-manong mahulog ang mga patak, o hindi mag-click at hayaan silang malayang mahulog sa natural na ritmo. Ang pagpapabagsak ng mga patak nang natural, kasabay ng nakaka-relax na lo-fi synth ng game, ay nagsisilbing parang medidation.
Katahimikan kaysa kalakalan
Kahit pa ang nakaka-relax ang vibe ng The Greenening na kayang magpakalma ng pinakamatinding migraine, binigyang-diin ni Schulze kung gaano kahalaga na maging tama ang progression system ng laro. “Ang pagbibigay ng maganda at nakaka-motivate na daloy sa buong karanasan ang sentro ng gene,” sabi ni Schulze. “Pumapangalawa lang dito ang lahat ng iba pang aspekto.”
Ang "core" na ito ng genre ay isang bagay na natutuhan ni Schulze sa paglalaro ng ibang mga game, isang kombinasyon ng mga genre classic at contemporary release. “Ang Nodebuster at Digseum ang dalawang game na siguradong nagpasimula ng kasalukuyang wave ng ‘short active incrementals,’" sabi niya. “Pero ang sarili kong kuwento sa mga incremental game ay nagsimula pa noong mga unang araw ng genre. Ang unang nakapukaw ng interes ay ang A Dark Room at Candy Box, na parehong nakakamanghang mga game noon. Ang ilan sa mga mas kamakailang paborito ay ang Astro Prospector, Tower Wizard, at Far Fishing.”
Nakakatuwa na kung paano nakakamit ng The Greenening ang balanse ng pagiging relaxed habang sinusundan din ang mga yapak ng mga naunang game sa genre na may tuloy-tuloy na progression para maging motibasyon ng player. Ang mga sentiment ito ay maaaring mukhang kabaligtaran sa simula, pero dito sila nagsasama-sama dahil sa mga tema ng game tungkol sa paghahardin at kalikasan.

Bukod sa pagpapanumbalik ng planeta at pag-unlock ng mga upgrade, mayroon ka ring hardin kung saan ka puwedeng magtanim ng mga halaman at bulaklak. Isang malaking bahagi ng progression sa The Greenening ang pagmamasid sa paglago nang paglago ng hardin mo. Ang mga halamang ito ang "idle" na bahagi ng game, dahil nangongolekta ang mga ito ng resources na puwede mo ring gamitin sa mga upgrade at ability. Pero, may bagong kahulugan dito ang pag-iipon at pagpapaunlad ng resources. Nagtatanim ka para magpalago ulit. Puwede mo ring i-customize ang layout ng hardin mo, ilipat ang nakolekta mong halaman, at baguhin ang kulay ng mga bulaklak para matutuhan ang mga mas aesthetic na element ng paghahardin, o puwede mong hayaan na lang na lumago nang random ang lahat para yakapin ang mas mapaghimagsik na bahagi ng kalikasan.
Ang The Greenening ay isang nakaka-relax na incremental game, pero ang gardening mechanics nito ay humahamon sa ating pagkaunawa sa genre sa kabuuan. Ito ay isang game na ganap na nagpapabago sa pagtingin natin sa diskarte natin sa mga proseso ng trabaho at produksiyon sa paraang banayad at radikal.
Paparating na ang The Greenening sa Epic Games Store.