
15 pinakamahuhusay na underrated at hindi gaano kilalang mga laro sa PC na maaari mong laruin ngayon

Kada taon, may tuloy-tuloy na paglabas ng mga larong nag-uunahang makuha ang iyong atensyon, parang mga side quest sa RPG—at sa kasamaang-palad, may ilang magagandang larong hindi nabibigyang-pansin. Maging indie game man ito o AAA na laro, ang mga underrated at hindi masyadong kilalang video game ay mga nakatagong yamang puno ng kasiyahang naghihintay lang na matuklasan.
Dahil diyan, gumawa kami ng listahan ng mga pinakamagagandang underrated at hindi masyadong kilalang laro sa PC na makikita sa Epic Games Store.
Magical Bakery
Isipin mo ang baking store management sim na hinaluan ng kaunting Harry Potter, at maiintindihan mo kung tungkol saan ang ginawa ng developer na SUPERLUMEN sa Magical Bakery. Tulad ng karamihan sa mga management sim, ikaw ang nagpapatakbo ng araw-araw na operasyon ng tindahan, gumagawa ng mga recipe at sinisiguradong masaya ang mga customer. Ang kakaiba rito, mahiwaga ang bawat na-bake na pagkain, at ang mga customer mo ay mga nakamamanghang nilalang tulad ng mga ogre at taong dragon.
Mula nang ilabas ito noong huling bahagi ng 2024, unti-unting nakilala ang Magical Bakery sa natural na paraan, habang ikinakalat ng mga player ang balita tungkol sa nakakakalmang gameplay at mahiwagang tema nito.
Bear and Breakfast
Ang Bear and Breakfast mula sa developer na Gummy Cat ay isang underrated na cozy sim na naging paborito ng komunidad ng indie matapos itong ilabas noong 2022. Gagampanan mo ang papel ni Hank, isang osong mas interesado sa pagpapatakbo ng bed and breakfast kaysa sa panghuhuli ng salmon o pagkuha ng mga picnic basket. Si Hank at ang mga kaibigan niyang hayop ay nagtayo ng B&B para sa mga bisitang tao. Habang nagpapatuloy ang kuwento, kino-customize niya ang kanyang inn, tinatapos ang mga quest, pinapasaya ang mga customer, at tinutuklas ang misteryosong kuwento.
Ang kaakit-akit na atmospera at casual na takbo ng Bear and Breakfast ang dahilan kung bakit isa ito sa mga magaganda (kahit hindi gaanong pinapansin) na laro. Kung mahilig ka sa mga cozy na laro na may masayang vibe, subukan mo ito.
Tchia
Gawa ng developer na Awaceb, dinadala ng Tchia ang mga player sa open-world sandbox adventure kung saan tutuklasin mo ang mga tropikal na isla, kokontrolin ang mga hayop at bagay, at tutugtog ng ukulele.
Sa kanyang misyong iligtas ang kanyang ama, kinokontrol ni Tchia ang mga nilalang tulad ng ibon, alimango, isda—mahigit 30 uri ng hayop, at daan-daang bagay. Ang Tchia ay magandang laro kung gusto mong maglibot sa tropiko, pumunta sa lupa, dagat, at himpapawid habang sinisiyasat mo ang mundong hango sa New Caledonia, isang maliit na isla sa Karagatang Pasipiko.
Bugsnax
Ang Bugsnax na ginagawa ng developer na Young Horses ay umiikot sa mga nilalang na kalahating insekto at kalahating masasarap na meryenda.
Nagaganap ang laro sa Snaktooth Island. Ikaw, ang Journalist, ay dumating sa paanyaya ng kilalang manlalakbay na si Elizabert Megafig—pero pagdating mo sa destinasyon, natuklasan mong nawawala at magkakahiwalay sa isla sina Megafig at ang kanyang mga tagasunod. Tungkulin mong hanapin sila.
Habang naglalakbay, kailangan mong hulihin at ipakain ang mahigit 100 klase ng Bugsnax sa Grumps na mga naninirahan sa Snaktooth Island. Isa sa mga magagandang bahagi ng Bugsnax ay ang kakayahan ng mga Grumps na magbago ng anyo base sa kinain nilang Bugsnax. Isipin mo ang puppet na may hotdog na mga binti at strawberry na mga braso—magagawa mong totoo 'yan sa Bugsnax, habang tinutulungan mong muling pagsamahin ang mga naninirahan sa Snaxburg.
Cookie Cutter
Ang Cookie Cutter ay isang guhit-kamay na Metroidvania na may matinding katapangan, isa sa mga pinaka-underrated na laro nitong mga nakaraang taon.
Namumukod-tangi ang Cookie Cutter dahil sa mundo nitong napakadetalyado at cel-shaded na sining, na nagbibigay ng pakiramdam na para kang naglalaro ng napakarahas na cartoon. Gagampanan mo rito si Cherry, isang android na may kaluluwang tao na nakikipaglaban gamit ang mga chainsaw, motorsiklo, at iba pang kakaibang sandata. Nag-aalok ito ng lahat ng inaasahan mo mula sa genre—ibig sabihin, maraming eksplorasyon at mga sikreto—pero ang biswal nito, punk rock na estilo, at madugong aksyong may pangmatandang tema ang siyang nagpapaangat sa Cookie Cutter.
Terror of Hemasaurus
Isang retro-inspired na karanasan, ang Terror of Hemasauraus ay karapat-dapat makatanggap ng mas maraming pagkilala.
Ang larong ito mula sa developer na si Loren Lemcke ay nagbibigay-pugay sa klasikong arcade game na Rampage. Hanggang apat na player ang maaaring gumanap bilang higanteng mga halimaw—Hemasaurus, Clocksloth, Salamandrah, at Autonomous Hemasaurus—na sumisipa, sumusuntok, at nagsusunog ng mga lungsod sa buong mundo sa 8-bit na estilo.
Ang kapaligiran at gameplay ng Terror of Hemasaurus ay simple at direkta—sirain ang lahat at kainin ang mga tao para mailigtas ang mundo mula sa sakunang dulot ng pagbabago ng klima—pero maaari itong maghatid ng ilang oras na nakakatuwang kaguluhan.
Cursed to Golf
Ang Cursed to Golf ay isa sa pinaka-underrated na mga sports arcade game na nagawa. Sa retro-style indie na larong ito, kailangan mong mag-golf para makatakas mula sa Golf Purgatory. Susuungin mo ang ilang mapanghamong daan na procedurally generated at puno ng mga hadlang tulad ng bitag sa tubig at hukay na may pako, at lalabanan mo ang mga supernatural na boss. Habang naglalaro, makakakuha ka rin ng mga Ace Card na nagbibigay ng kakaibang twist, gaya ng kakayahang hatiin ang bola sa tatlo o patigasin ang tubig sa mga bitag.
Dahil sa random na kurso at kaunting elemento ng roguelike, ang Cursed to Golf ay isang mahusay at madalas hindi napapansing larong palaging inuulit.
Tinykin
Ang kaakit-akit na bida na mula sa developer ng Splashteam na Tinykin ay maaaring maliit lang, pero malaki ang kasiyahan sa underrated indie game na ito.
Ginagampanan mo si Milodane (o "Milo"), isang intergalactic archaeologist na nagsisiyasat sa isang misteryosong planeta, pero matutuklasan niyang walang tao rito, sobrang liit niya (kasing-laki ng insekto), at ang planeta ay… ang Earth, noong taong 1991. Sa kanyang paglalakbay pabalik sa sariling mundo at normal na laki, kinokolekta ni Milo ang daan-daang nilalang na tinatawag na Tinykin. Ginagamit niya ang kanilang mga kapangyarihan para lutasin ang mga environmental puzzle, marating ang mga bagong lugar, at magsiyasat, inuutusan ang mga Tinykin na gumawa ng mga tulay at hagdan, magkarga ng mga kable ng kuryente, pasabugin ang mga hadlang, at marami pang iba.
Ang cute at estilo ng cartoon na sining ng Tinykin at ang casual na takbo ng gameplay nito ang dahilan kung bakit isa itong underrated na isahang player na laro sa PC na sulit subukan.
Slay the Princess
Bagama’t ang mga visual novel na adventure game ay hindi kadalasang bestseller, pero nakagawa ng natatanging obra ang maliit na indie team na Black Tabby Games ng Slay the Princess.
Binabaligtad ng horror game na ito ang trope ng “damsel in distress” habang unti-unting nabubunyag ng mga player ang isang mahiwagang kuwentong may masamang layuning malinaw na makikita na sa pamagat pa lang ng laro. Gumagawa ang mga player sa Slay the Princess ng mga desisyong nagpapabago sa takbo ng kuwento, na nagreresulta sa nakakabighaning kuwentong may iba’t ibang sangay, lalo pang pinaganda ng voice cast at guhit-kamay na sining.
Ang napakahusay na kuwento at sining sa Slay the Princess ang nag-alis dito sa pagiging underrated patungong modernong indie classic—at dahil sa dami ng posibleng wakas, may magandang dahilan ka para balikan at laruin ito nang paulit-ulit.
Rhythm Sprout
Ang Rhythm Sprout mula sa developer na SURT ay pinaghalong klasikong rhythm game mechanics—tamaan ang mga nota sa tamang tiyempo—na may kasamang kuwento kung saan si Sprout the Chosen Onion ay haharap sa iba’t ibang Sweet Villains, na may mga nakatagong Easter eggs habang naglalakbay.
Pinagmamayabang ng Rhythm Sprout ang soundtrack nitong puno ng nakakahumaling at orihinal na musika na hango sa iba't ibang genre tulad ng disco, EDM, K-POP, lo-fi hip-hop, at metal. Isa itong underrated na laro na nagbibigay ng kakaibang kuwento sa hindi karaniwang kilalang genre.
Eastward
Ang mga role-playing na laro ay paboritong genre ng maraming indie developer, pero may magagandang laro tulad ng Eastward na minsa’y hindi nabibigyang-pansin. Ang tono at biswal na estilo ng Eastward ay nagpapaalala sa mga klasikong 16-bit RPG gaya ng Secret of Mana at The Legend of Zelda: A Link to the Past.
Gagampanan ng mga player ang dalawang role ng magkaibigan, sina John at Sam, na may kanya-kanyang kakayahan—kaya nagiging mahalagang bahagi ng gameplay ang pagpapalit sa pagitan nila tuwing labanan at paglutas ng mga puzzle. Tampok din sa Eastward ang malalim na kuwento tungkol sa unti-unting gumuguhong mundo, na binuhay sa pamamagitan ng mga karakter mula sa iba’t ibang bayan sa laro. Kung naghahanap ka ng solidong RPG adventure na may seryosong mga mechanic sa pagluluto, subukan ang Eastward.
Norco
Hango sa mga klasikong point-and-click adventure game noong dekada '80 at '90, maaaring medyo hindi kilala ang indie game na Norco mula sa developer na Geography of Robots, pero tiyak na isa talaga itong nakakabighaning laro.
Gagampanan ng player si Kay, isang dalagang taga-Norco, Louisiana, na nag-iimbestiga sa pagkawala ng kanyang kapatid na lalaki at sa pagkamatay ng kanilang ina. Habang umuusad ang kuwento, unti-unting nabubunyag ang mas malalim na misteryo sa likod ng pagkamatay ng kaniyang ina. Ang Mind Map mechanic ng Norco ang tumutulong sa mga player na subaybayan ang mga impormasyong nakuha at pagdugtung-dugtungin ang mga pahiwatig, ang biswal nito ay modernong bersyon ng napakadetalyado at de-estilong pixel art, at sinamahan pa ng kahanga-hangang cyberpunk synthwave soundtrack—lahat ng ito ang dahilan kaya ang Norco ay underrated gem na sulit tuklasin.
Celeste
Ang mga retro 2D platformer ang paboritong genre ng maraming indie developer, kahit na ang ilan ay hindi masyadong kilala. Pasok sa kategoryang ito ang Celeste mula sa Maddy Makes Games, nakilala ito dahil sa mapanghamong platforming, nakakaantig na kuwento, at kahanga-hangang soundtrack.
Sa Celeste, tumatalon, kumakaripas, at umaakyat ang mga player sa bundok habang hinaharap ang pahirap nang pahirap na mga platforming puzzle. Handa ka na bang akyatin ang bundok?
Subnautica
Tulad ng karamihan sa mga survival game, ang Subnautica mula sa developer na Unknown Worlds Entertainment ay hinahamon ang mga player na mangolekta ng mga resource at panatilihing busog at malusog ang kanilang sarili. Ang kakaibang twist ng Subnautica: Ikaw ay nasa isang aquatic alien na planeta, at kailangan mong gawin ang lahat ng pangangalap at pagbuo ng base sa ilalim ng dagat.
Puno ng kakaibang mga halaman at hayop ang mundo ng Subnautica na maaari mong tuklasin at kolektahin. Malayang tumuklas ang mga player, hangga’t may sapat silang oxygen. Kung naghahanap ka ng underrated survival game na may kakaibang karanasan sa ilalim ng dagat, maganda ang Subnautica.
Disco Elysium
Ang Disco Elysium mula sa developer na ZA/UM ay maaaring magmukhang simpleng whodunit murder mystery, pero ito ay nagsisilbing balangkas lang para sa malalim at existential na paglalakbay na puno ng mga hindi inaasahang twist.
Puno ng sangay-sangay na kuwento ang Disco Elysium na nagbabago batay sa kung paano mo ito piniling laruin. Halimbawa, susubukang takutin ng agresibong karakter ang suspek habang maaaring makuha ng mas matalinong player ang kailangan nila sa pamamagitan ng tusong pakikipag-usap. Ang kahanga-hangang kaibahan ng Disco Elysium ay hindi mo lubos na mararanasan sa isang playthrough lang, kaya isa itong hindi kilala pero magandang karanasan.
Bagama’t ito na ang ilan sa pinakamagagandang underrated at hindi masyadong kilalang mga laro sa PC na available sa Epic Games Store, marami pang iba ang naghihintay na matuklasan. Tiyaking bisitahin ang aming Discover page para sa mga pinakabagong release at patok na laro, o i-click ang Browse para tingnan ang iba’t ibang kategorya at makadiskubre ka ng sarili mong yaman. At tiyaking tingnan ang page ng balita ng Epic Games Store para malaman ang pinakabago mula sa lahat ng paborito mong developer tungkol sa lahat ng paborito mong laro.