
Balita
Hango ang See Through My Eyes sa kakulangan ng accessibility sa istasyon ng tren
N
Nicole Carpenter
Ang early access na karanasan na inilabas sa Epic Games Store noong Mayo ay isang simulation tool ng kompanyang Polish na Urban Vision Solutions’ na idinisenyo upang tulungan ang mga propesyonal tulad ng mga inhinyero at arkitekto na maunawaan kung paano nararanasan ng mga taong may kapansanan sa paningin ang mundo. Ang layunin nito ay na sa pamamagitan ng pag-unawa at—aktwal—na pagdanas ng perspektibo ng ibang tao, ay matutulungan ang mga designer na lumikha ng mga espasyong mas accessible para sa lahat.
Ayon kay Adam Kurdel ng Urban Vision Solutions, ang ideya para sa tool na ito, na kalaunan ay naging isang karanasan sa laro, ay nagsimula sa mga alalahanin ng kanyang katuwang na si Michał Makulski tungkol sa kanyang trabaho sa industriya ng riles. Nag-aalala si Makulski tungkol sa contrast ng mga platform ng riles. Maaaring mukhang “accessible” ang isang bagay sa paningin ng isang taong walang kapansanan, pero hindi ito palaging ganoon; madali kasing hindi mapansin ang mga problema kung hindi mo sadyang iniisip ang epekto nito. Halimbawa, karaniwang gumagamit ang mga designer ng kulay para ipagbigay-alam ang impormasyon, mensaheng hindi palaging naipaparating sa mga taong colorblind. Oo, may mga regulasyon sa accessibility sa Poland, pero may mga pagkakamali pa rin, sabi ni Kurdel. Ang tool ay idinisenyo upang makatulong na mailarawan at maipakita kung ano ang epektibo at kung ano ang hindi kapag nagdidisenyo nang may konsiderasyon sa accessibility.
May ilang tool at app na ginagawa na ito, tulad ng VisionSim mula sa Braille Institute, na naglalapat ng effect sa smartphone camera mo para maipakita kung ano ang nakikita ng taong may karamdaman sa mata, na kagaya ng augmented reality game. Ipinapakita ng ColorDeBlind, mula sa elektron software, kung paanong nakikita ng mga taong colorblind ang mundo. Ang Versant Health, na isang korporasyon sa pangangalaga ng paningin, ay may sarili nitong visual simulation, na naghahatid ng 360-degree view na nabuo ng computer-generated na eksena para maipakita ang ilang antas ng kapansanan sa mata. Ayon kay Kurdel, ang natatangi sa tool at laro ng Urban Vision Solutions ay ang kakayanang makapaglakad sa 3D na karanasan na nagbibigay-daan sa player na makita ang buong representasyon ng mga hamon, na naghahatid ng mas mainam na pag-unawa sa kung ano ang nararanasan ng iba.
See Through My Eyes ay nasa early access, at napakasimple nito sa ngayon. (Ayon kay Kurdel, inaasahan niyang palawigin ang laro sa mga darating na buwan.) May dalawang mode: una kung saan makakapaglakad ka at makakapag-explore, at mode ng kuwento tungkol sa babaeng pinangalanang Marta, na may karamdamang Stargardt, na inilarawan ng National Eye Institute na “bihirang namamanang sakit sa mata” na nakakaapekto sa retina. Puwedeng makita ng mga taong may karamdamang Stargardt ang madidilim, malalabong mga bahagi sa sentro ng paningin nila, na karaniwang dahan-dahang nararanasan habang tumatanda ang isang tao. Ang isa sa kada 10,000 tao ay may ganitong sakit, ayon sa optometrist sa Baton Rouge na si Dr. Wendy Waguespack. Walang gamot para dito.
Ipinapakit sa See Through My Eyes ang karamdamang ito sa pamamagitan ng pagpapadilim sa ilang bahagi ng pansentrong bahagi ng paningin at paglalapat ng pangkalahatang panlalabo. Nagsisimula ang kuwento sa pagsakay ni Marta sa tren mula sa kanyang bayan papunta sa nanay niya—isang kinakailangang pagbisita dahil may sakit ang nanay niya. Ang pinakaunang dapat gawin ay ang pag-navigate ng pagbili ng tiket ng tren.

Pinapahintulutan ng free exploration mode ang player na galugarin ang kapaligiran nang walang itinakdang layunin at i-on o i-off ang iba't ibang kondisyon sa paningin, kabilang na ang colorblindness.
Pinag-iisipan ito ni Makulski sa maraming taon, pero naging seryoso lang sila rito mga dalawang taon na ang nakakaraan, sabi ni Kurdel. Hindi mga designer ng laro ang dalawa; mga inhinyero ang propesyon nila na nagkakilala sa kolehiyo sa University of Technology sa Warsaw, Poland. Gamit ang Unreal Engine, natutunan nila gamit ang mga YouTube video na pagsama-samahin ang iba’t ibang elemento para lumikha ng mga panimula ng tool, at kalaunan ay ng laro. Napagpasyahan nilang gamitin ang Unreal Engine dahil paraan ito para buhayin ang visualization ng karanasan sa loob ng ilang “minuto, hindi oras o araw,” nagpapahintulot sa mga partner na makagawa agad ng prototype at maipakita ito sa mga propesyonal para sa feedback. Ngunit mas mahirap ang paggawa ng simulator sa isang kumpletong karanasan sa laro na may kuwento.
“Inabot kami ng ilang oras para gumawa ng bagong mechanics,” ayon kay Kurdel. Wala sa orihinal naming simulator ang tren na dumarating at umaalis patungo sa ibang lokasyon. Kinakailangan sa bawat bagong mechanic ng maraming oras para matutunan namin kung paano magpatupad.”
Naging mahirap ang accessibility sa mga istasyon ng tren sa Poland: Noong 2021, anim na porsyento lang ng mga istasyon ng tren sa Poland ang “ganap na naisaayos para sa mga user na may kapansanan,” ayon sa independenteng Polish na website na Notes from Poland.. May mga elemento ang mga istasyon ng tren na dinisenyo para tulungan ang mga taong may kapansanan tulad ng kapansanan sa paningin, pero nagkaroon ng mga problema sa disenyo roon; halimbawa, ipinapakita sa nakaugnay na piece na iyon sa itaas ang taong sumusunod sa tactile na daanan na dinisenyo para tulungan ang mga taong may kapansanan sa paningin. Gumagamit ang tao ng mobility cane upang hanapin at sundan ang dilaw na baku-bakong daan na partikular na ginawa para sa layuning iyon. Sinusundan niya ang daanan paakyat ng hagdan, ayon sa pagkakagawa, at nauwi siya sa pader na gawa sa semento. Para makapasok sa gusali, kailangan niyang bumaba muli sa hagdan, saka pataas uli—walang available na tulong sa daan.

Binigyang-diin ni Kurdel na ang See Through My Eyes ay ang maagang bersyon ng simulation, pero ipinapamalas nito ang mga hamon sa pag-navigate sa istasyon ng tren. Hindi masi-simulate ng kasalukuyang bersyon ang mga tactile na daanan na karaniwan sa mga espasyong tulad nito, kaya dapat umasa ang player sa mga biswal na palatandaan para mag-navigate. Madilim at malabo sa paningin ang espasyo, at tila mahirap makita ang mahahalagang bahagi ng istasyon ng tren, lalo na ang bilihan ng tiket. Ayon kay Kurdel, ang layunin ay maiba ang ganitong klaseng tool mula sa mga pahina ng nakasulat na regulasyon ng pamahalaan ng Poland tungkol sa accessibility sa mga pampublikong espasyo. Mahalaga at kinakailangan ang mga regulasyong iyon, sabi niya, ngunit sa kabuuan ay “ipinapakita lang nito ang resulta ng mga ideya ng mga eksperto” kung paano lumikha ng isang accessible na espasyo.
Ang simulation tool ay isang hakbang na higit pa sa mga regulasyon dahil ipinapakita nito at pinapayagan ang mga nagdidisenyo ng mga espasyong ito na subukan ang mga ipinatutupad na disenyo at lubusang maunawaan ang epekto ng kanilang mga desisyon. “Kahit na may malinaw at maayos na gabay sa ganitong mga regulasyon, hindi pa rin ito lubusang naiintindihan ng mga tao,” sabi ni Kurdel. “Nagkakamali sila. Gumagamit sila ng mga materyal na tingin nila ay nagkokontrahan sa isa’t isa, pero nasa isip lang nila iyon.”
Isa sa mga napakalaking hamon ng mga developer ang pagtitiyak na wasto nilang nasi-simulate ang mga karamdamang ito sa mata. Sinabi rin ni Kurdel na nakipag-ugnayan na sila sa ilang ahensiya ng gobyerno na tumututok sa accessibility, ngunit marami pa raw ang kailangang gawin sa larangang iyon. “Ito ay isang mahalagang kondisyon para sa amin na makipagkita [sa mga taong may ganitong uri ng kapansanan],” sabi ni Kurdel. Binabalk niyang magsama ng mga doktor sa mata na may kaalaman sa mga mekanikal na paggana ng mata. Ang ganitong pananaliksik ay magiging mahalaga sa pagtugon sa ilan sa pinakamahihirap na hamon. Ayon kay Kurdel, mas madaling ipatupad ang kondisyon ng colorblindness sa simulator dahil naaapektuhan nito ang “buong larangan ng paningin,” ibig sabihin, nakikita ang lahat sa pamamagitan ng lente ng colorblindness kahit saan pa tumingin ang mata. Pero may mga sakit gaya ng karamdamang Stargardt na sumisira sa sentrong bahagi ng paningin. Mahirap i-simulate ang kapansanag ito dahil puwedeng igalaw ng mga taong walang kondisyon ang kanilang mata palayo sa naapektuhang bahagi.
Ang layunin, ani Kurdel, ay ang magtipon ng feedback mula sa mga taong sumusubok sa See Through My Eyes at tugunan ang feedback sa mga susunod nitong update. Sa kasalukuyan, nakatuon ang Urban Vision Solutions sa merkado ng Poland. Gayunpaman, nais niyang palawakin ito at masaklaw ang mas maraming uri ng karanasan. “Hindi namin gustong gawing mga bayani ang mga taong ito [na nilikha namin sa aming laro], o ipakitang nakakaawa ang sitwasyon nila. Gusto lang naming ipakita ang buhay nila, ang bawat buhay, na mas mahirap, pero normal sila. Puwedeng nahihirapan sila dahil sa kondisyong mayroon sila, pero gayundin sa karaniwang mga bagay na nakapalibot sa iyo.”
Dagdag pa niya: “Sa ngayon, isa pa lang itong munting halamang unti-unting tumutubo.”
Available ang See Through My Eyes sa Epic Games Store.