
Artikulo
Ang Cronos: The New Dawn Gamescom hands-on ay isang love letter To The Thing, Dead Space
A
Alyssa Mercante
Sa Cronos, isang babaeng walang mukha at pangalan, na kilala lang bilang Manlalakbay, ang gumagala sa natatabunan ng abong bersyon ng Poland para hanapin ang mga taong kailangan niyang iligtas para sa misteryosong amo. “Wala ka talagang masyadong alam kung ano ang manlalakbay na iyon,” sabi sa akin ni Wojciech Piejko, ang co-game director. “Alam mo lang na mailap siya’t seryoso, na halos parang militar at robot, pero habang tumatagal ay nagbabago nang husto ang pananaw mo sa kanya.”
Pero sa simula’y isa lang siyang Manlalakbay, at hindi malinaw sa iyo kung ano ang ginagawa niya at bakit. Ang walang siglang simula ng Cronos ay humihikayat sa iyong gumawa ng mga desisyong tila mahalaga, pero hindi malinaw kung paano ito makaaapekto.
“Pakinggan mo ang kagustuhan ng mga hindi nagsasalita,” sabi ng isang boses sa simula ng laro. Pagkatapos nito, sunod-sunod ang mga itim at puting newsreel—mga pagsabog, gas mask, kamatayan, na hinaluan ng tunog ng spaceship na bumabagsak sa mundo. “Lazarus protocol engaged,” sabi ng robotic na boses, bago ipaalam sa aking patay na ang nauna sa akin (kung sinuman siya) at na ako ang kailangang pumalit. Isang serye ng mga Rorschach test ang lumalabas sa monitor sa harap ng Manlalakbay, na may dalawang pagpipilian lang ang bawat isa. Pagkatapos, may ilang simpleng tanong tulad ng “ano ang layunin mo,” at ang mga tugon mula sa laro ay malabo at pilosopikal lang gaya ng “buksan ang landas” o “ibalik sila.” Pinag-iisipan ko ang bawat isa, pilit iniintindi kung paano kaya makaaapekto ang mga pagpiling ito sa larong ni hindi ko pa lubos naiintindihan ang kuwento.
“Sa tingin ko’y iyan ang panganib na tinanggap namin sa paggawa ng walang siglang simula ng laro,” sabi ni Piejko. At maganda ang kinalabasan nito.
Pagkatapos ng mga tanong na ito (ang huli ay isang mabilisang pagtutugma ng mga salita), sabik na akong makalabas at tuklasin ang madilim at maabong mundong ito ng Poland. May dala kang baril na kayang magbago ng anyo, na parang kay Jesse Faden sa Control, lumalabas ka sa tigang na lupaing ito upang hanapin ang mga naiwan ng nauna sa iyo. Sa simula, para itong Resident Evil o Dead Space na laro habang dumadaan ka sa makikipot na siwang, naggagalugad ng abandonadong bahay para sa gamit, at pinamamahalaan ang iyong kaunting imbentaryo, pero kapag nagsimula ka nang lumaban, lubhang lumilihis ang Cronos sa mga inspirasyon nito.
Ang mga kalaban sa Cronos ay kilala bilang mga Orphan. Madudulas na humanoid na halimaw ang mga itong may kadiring mga tendril na maaaring pamilyar, pero hindi. Hindi ka dahan-dahang magpapasabog ng mga necromorph dito, at sa simula’y tila simple lang pabagsakin ang Orphan—napatumba ko ang isang pumasok sa pinto at sumugod sa akin (na mabilis ding nagbukas ng landas na kailangan ko) sa ilang putok lang. Pero kalaunan, mapapansin mong gaya ng halimaw sa The Thing ni John Carpenter, kaya nilang magsanib at bumuo ng dambuhalang nilalang na nakakakilabot. Kapag hindi mo winasak ang bangkay ng mga Orphan, puwedeng lapain ito ng buhay na kalaban at kunin ang kakayahan nito.

“Ginawa namin itong mas taktikal, kaya hindi mo kailangan ng sobrang katumpakan sa laro; kailangan mong mag-isip,” paliwanag ni Piejko. “Sa huling bahagi ng laro, iba’t ibang uri ng kalaban ang lalabas, at sino ang una mong patutumbahin? Siguro iniisip mo, ‘Sige, papatayin ko ang shooter,’ ngunit maaaring i-absorb ng nakabaluting tao ang katawan, at makukuha niya rin ang kakayahan, at kailangan mo nang labanan ang nakabaluting shooter. Doon malilikha ang mga mas taktikal na desisyon.”
At dahil limitado ang pinagkukunan mo, hindi lang bala ang kailangang tipirin, kailangan mo ring pag-isipan kung paano ka gagawa ng gamit. Ang paggawa ng health pack ay gumagamit ng parehong resource na kailangan sa paggawa ng bala, kaya binibigyan ang mga player ng mahalagang pagpipilian: susugod ka ba sa kuwartong may sapat na metal para sa mga halimaw na ito, o titiyakin mong makakaraos ka pa rin sa laban?
“Ang iba sa amin ay lumaki noong dekada ’80, kaya ito ay parang love letter na hindi lang para sa mga survival horror game (nakita mo ang Resident Evil na vibe, may Dead Space na vibe) pero sa dekadang iyon. Ang mga tema ng kuwento, ang mga aesthetic, ikinonekta namin ang lahat ng ito, na parang nasa shop ka ng alaala at sinasabing 'Gusto ko ito, ito, at ito'," sabi ni Piejko.
Ang Cronos: The New Dawn ay tila matalinong pagsasama-sama ng mga magagaling sa horror (sa mga laro, pelikula, at iba pa). Bagama’t maikli lang ang nalaro ko, nakikita ko na kung gaano kadaling lamunin ng kaguluhan ang mga player kapag nagsimula nang magsanib-sanib ang mga Orphan, at kung paanong nakakaaliw ang kaguluhang ito. Noong una, hindi ko alam ang pinapasok ko sa Cronos, pero ngayon, masasabi ko nang inaabangan ko ito.
Maaari nang i-pre-purchase ang laro sa Epic Games Store.
