
Balita
Huwag hayaang linlangin ka ng mga cute na karakter ng Escape from Duckov sa isang matinding looter-shooter
A
Ana Diaz
Ginawa ng Team Soda at inilathala ng Bilibili, ang Escape from Duckov ay isang matinding pang-isahang player at top-down na looter-shooter na laro. Nasilip ko ito sa Gamescom 2025 bilang bahagi ng private session kasama ang mga developer. Sa kabuuan, nagbigay sa akin ang preview ng pagkakataong malaro ang mahirap na larong siguradong magugustuhan ng mga taong naghahanap ng matindi pero nakakatawang looter-shooter.

Para sa mga pamilyar sa sikat na larong Escape from Tarkov, baka agad nilang maiugnay ito at ang Escape from Duckov dahil sa pangalan. Pero sa totoo lang, walang kinalaman ang pakikipagsapalaran ng patong ito sa sikat na laro. Isang kinatawan ng Team Soda ang nagsabing ang laro ay hindi lisensyadong spin-off, kundi hango mula rito.
“Ginawa namin ang larong ito dahil talagang mahal ng team ng developer ang [Escape from Tarkov],” sabi ng kinatawan ng laro.
Ang Escape from Tarkov ay pangmaramihang player at tactical na first-person shooter video game na may makatotohanang estilo ng sining. Samantala, itong laro ng patong ito ay isang top-down shooter na may halong tapang at cartoonish na estilo ng sining. Kilala ang Escape from Tarkov sa katapusan ng season na wipe nitong binubura ang progreso ng mga player, isang feature na hindi isinama sa gameplay ng Escape from Duckov. Sa kabuuan, magkaiba ang paglalaro ng dalawa, pero dala ng Duckov ang matinding hirap at survival game mechanics na madalas iniuugnay ng mga player sa Escape from Tarkov.
“Ilang libong oras nilaro ng producer ang Escape from Tarkov, pero naisip niyang talagang hardcore ang laro,” ayon sa kinatawan. “Ramdam mo ang matinding pressure sa laro, kaya maraming player ang [umaalis]. Kaya gusto niyang dalhin ang pinakadiwa ng karanasang iyon para maranasan din ng ibang player.”

Nagsisimula ang laro nang matindi, at mahirap na rin ito kahit sa umpisa pa lang. Nilaro ko ito sa pangalawang pinakamadaling antas ng difficulty, pero kaya na agad akong patumbahin ng mga grunt sa antas ng tutorial gamit lang ang dalawang atake. Kailangan kong masanay agad sa pag-ikot at pag-iwas para makalapit ang karakter ko sa kalaban at mapalo ito gamit ang baton. (Sa mga sandaling ito, sobra akong naka-relate sa key art ng larong nagpapakita ng umiiyak na pato habang tumatakbo para mabuhay.)
Naghalughog ako ng iba’t ibang silid sa paikot-ikot na underground complex at nakakita rin ako ng baril sa isang malaking kahon. Mas dumali ang laro nang makuha ko ang una kong ranged weapon, pero kailangan ko pa ring siguraduhing tama ang balang inilagay ko at maging maingat sa bawat pagbaril dahil limitado lang ang bala ko. Pagkatapos kong tapusin ang nakakagulat na mahirap na tutorial, nakarating ako sa underground bunker na nagsisilbing base ng pato ko.
Doon, puwede akong gumawa ng mga kasangkapang magpapaganda ng stats ng pato ko at lumikha ng iba’t ibang klase ng item. Ang pangunahing layunin ng laro ay lumabas para mangalap ng mga resource at makabalik sa base para i-upgrade ang karakter at mga gamit nito. Simple at madaling maintindihan ang pangunahing loop ng gameplay, kahit na mahirap pa rin mismo ang laro. Lumabas ako mula sa base, ginalugad ko ang paligid, saka tinalo at ninakawan ko ang mga kampo ng kalaban. Mula roon, puwede akong mag-teleport pabalik sa base o maglakad pabalik gamit ang palmate para madala ang mga bago kong nakuhang resource.

Habang naglalakbay ako sa mas malawak na overworld, nakakatagpo ako ng mga bagong hamon na lalo pang nagpapahirap sa laro. Kailangan kong bantayan ang mga bar tulad ng stamina at uhaw ng pato ko. Kasama pa ang inventory na sa simula ay iilan lang ang kasya, na dahilan kaya naging mas maingat ako sa bawat desisyon at paggamit ng bawat item. Dumating pa sa puntong uminom ako ng maraming gatas para lang magkaroon ng espasyo at madala ang mga kahoy pabalik sa base.
Mas naging approachable ang karanasag ito kumpara sa Escape from Tarkov, kahit na mahirap pa rin ito. Mga feature tulad ng pag-adjust ng difficulty ng laro at mabilis na simula ang naging dahilan kung bakit mas madali akong nakapasok sa mundo ng laro. Sa huli, maaaring mas mahirap ito kaysa sa mga larong karaniwan kong nilalaro, pero sapat na matatag ang mga pato para mapagtagumpayan ang pinakamahihirap na senaryo ng survival.
Ilulunsad ang Escape from Duckov sa MacOS at Windows PC. Puwede mo na itong ilagay sa wishlist mo sa Epic Games Store.
