Balita

Paano nanakawin ng alt-history heist action ng Thick As Thieves ang iyong atensyon, pero hindi ang iyong bulsa

A
Alan Wen
May 11, 2026

Mula nang orihinal itong ianunsyo sa pagtatapos ng 2024, palihim na dumaan ang Thick As Thieves sa ilang pagbabago. Ipinakilala bilang isang bagong first-person immersive stealth game mula sa Otherside Entertainment — na pinangungunahan ni Warren Spector, na siyang unang nagpakilala sa terminong 'immersive sim' na naglalarawan sa mga acclaimed series na tulad ng Thief, Deus Ex, at Dishonored — ang pangunahing atraksyon nito ay ang maging isang PvPvE heist action multiplayer kung saan makikipagkompetensya ka sa ibang mga magnanakaw habang ikaw ay nanloloob, nagnanakaw, at tumatakas nang may dalang mahalagang kayamanan.

Ang pangunahing pagkakaiba mula sa orihinal na bisyon na ito sa mararanasan natin sa paglulunsad ay ang pagtanggal sa competitive PvP element para mapalitan ng mga misyon na maaaring laruin nang singe-player o nang may kasamang ibang player sa co-op. Kahit na tila malaking pagbabago ito, sinabi ng game director na si Jeff Hickman na nagkabisa ang desisyong ito noong nakaraang Hulyo.

"Katatapos lang namin sa lahat ng summer tour at makakuha ng feedback mula sa mga player, at malinaw sa 'min na may maliit na grupo ng mga tao na talagang gusto ang PvP," aniya. "Ngunit habang sinisimulan namin 'yong higit pang pag-e-eksperimento sa solo at co-op play, naging sobrang linaw na ang solo at lalo na co-op play 'yong sweet spot, hindi lang para maging masaya ito, kundi para na din sa lawak ng audience."

Nagmula ang isa pang dahilan sa mga implikasyon ng competitive na laro, dahil ang pag-aagawan ng mga player para sa loot ay nanganganib ding lumihis mula sa pangunahing stealth gameplay ng laro. Kahit na iniiwasan ng orihinal na trailer na magpakita ng direktang labanan, inamin ni Hickman na nahihirapan pa rin ang team dito habang dinedevelop.

"Hindi talaga dapat fighting game ang Thick as Thieves , game of stealth ito, laro tungkol sa paggamit ng mga anino at liwanag, laro tungkol sa pagtatago mula sa mga guwardiya at iba pang mga security device, pati na rin sa paglinlang sa kanila, pag-distract, at lahat na uri ng manipulation ng environment," aniya. "Kapag may isa pang magnanakaw sa PvP kasama mo, minsan, e, nagiging fighting game na at hindi 'yon ang gusto namin."

Sa totoo lang, ang tanging klase ng laban na magagamit mo ay sakalin ang mga bantay mula sa likod — na panandalian lamang na uubra bago sila magising muli — habang ang iyong mga gamit ay pangunahing magagamit sa paggalaw o pag-agaw ng atensyon.

Sa kabilang banda, mas naipakita ng pagkakaroon ng isa pang magnanakaw na kasama mo ang uri ng pasimpleng light and shadow interplay na naisip ng team, kaya mas madali mong makikita ang buong mapa na kinaroroonan mo, hihinto kayo para pag-usapan kung dapat ba kayong magsama o maghiwalay para mas malawak ang masakop, habang kasabay na inaalis ang pressure na magmadali sa pagkuha ng loot kung nakikipagkumpetensya ka sa isa pang magnanakaw. At kung may isang bagay na binibigyang-diin si Hickman, ito ay ang hindi ka talaga dapat tumakbo sa larong ito.

"Paparusahan ka ng laro namin kung hindi ka nagtatago, kung hindi mo ginagamit 'yong mga tool para laruin 'to bilang stealth game," paliwanag niya. "Kung tatakbo ka lang sa mga level namin, medyo delikado. Masyadong maingay ang pag-sprint, kaya kung magsi-sprint ka papalayo sa isang guwardiya at nagkataong marinig ka ng isa pang guwardiya, hahabulin ka na ng isa pang guwardiya. Kaya kailangan mo lang talagang pag-isipan nang mabuti kung paano ka tatakas."

Mayroon namang pressure sa oras. Ang isang laban ay tumatagal nang hanggang 45 minuto, ngunit sa sandaling makuha mo ang target na kayamanan, mayroon kang walong minuto para lumabas sa mapa. Sa co-op, mahalaga na pareho kayong matagumpay na makakatakas ng partner mo. Kaya't may intensyonal na tensyon sa pagitan ng pagtatangkang marating ang labasan nang mabilis at pagiging mabagal at maingat nang hindi naaalerto ang mga kalapit na guwardiya o mga security system.

Ss 5567bad80038230d1ca22396e19544d82e5894b0 1920x1080
Pag-unlock sa Kilcairn

Sa kabila nito, hindi naging matindi ang epekto sa diskarte ng laro ang paglipat sa co-op imbes na sa competitive. Mayroon pa ring iba't ibang malalarong magnanakaw na may natatanging kakayahan — magsisimula ka bilang Spider, na kayang maabot ang mas matataas na lugar gamit ang kanyang Zipwire, bago mo ma-unlock ang Chameleon, na may kakayahang magpanggap bilang iba pang NPC gamit ang kanyang Glamour. At siyempre, nariyan din ang mundo ng Kilcairn mismo, isang alternatibong kasaysayan na bersyon ng Edinburgh.

"1910s ito, kung saan pagtatagpuin 'yong sinaunang mahika ng fey na mula sa mga nakalipas na siglo at ang turn-of-the-century technology," paliwanag ni Hickman. "Hindi ito wizard's magic. Sa madaling salita, hango ang magic na 'to sa sources na ginagamit na natin ngayong mga tao bilang tools."

Nagpapakita ito sa mga tool na matatagpuan mo sa laro. Halimbawa, ilan sa mga gamit na puwede mong i-unlock ay ang Insult Fairy, isang bibig na may ngipin at pakpak na kapag inihagis ay magtatatalak ng mga insulto, na magiging dahilan para habulin ito ng mga kalapit na guwardiya. Gayunman, makakalaban mo rin ang naturang teknolohiyang, gaya ng lumulutang na mga magic eye sentry na naglalabas ng maliwanag na purple light beam para maghanap ng mga nanloloob.

Bagaman ang makikita mo sa Kilcairn ay limitado sa mga partikular na lokasyon sa mapa para sa heist, habang lagi kang babalik sa iyong hub na Thieves' Den bago pumili ng isa pang misyon mula sa iyong table map ng lungsod, may karagdagang pasilip si Hickman sa fiction ng mundong ito: "Literal na may Aztec Empire pa rin kasi sobrang lakas ng magic nila na nagawa nilang itaboy 'yong mga Spanish conquistador no'ng subukan nilang lumusob, sobrang magical na lupain ng England, habang anti-magic naman ang Germany." Pinag-uusapan namin kung paano namin ipapakita 'yong kasaysayan ng mundo hangga't maaari, lalo na sa isang short-form factor na klase ng laro na ginagawa namin. Kaya 'yong ilan sa mga ito, e, lumalabas sa mga kontrata at sa mga misyon namin.

"Bilang bagong magnanakaw, pupunta ka sa Kilcairn para sumali sa Thief's Guild para maging master thief. Pero agad kang masasangkot hindi lang sa intriga ng Kilcairn at ng mga lumang pamilya nito, kundi pati na rin sa pulitika ng mundo. Hindi ako magso-spoil ng kahit na ano, pero marami itong ipapakita tungkol sa mga nangyayari sa mundong nasa paligid mo. At patuloy naming gagawin 'yon kasabay ng pag-usad namin."

Ss 27a1512fd230221de304dd00330df2513a3cb3b3 1920x1080
Calling Card

Nagsisilbing introduksyon kay Kilcairn ang paglunsad ng Thick as Thieves, sa napakababang presyo na $4.99. Isa itong hindi pangkaraniwang presyo, na nasa pagitan ng Early Access kung saan sa mas mababang presyo, makakapaglaro ka ng hindi tapos na bersyon na may pangako ng future content, ngunit mayroon pa ring halaga na nagbubukod dito mula sa free-to-play live-service. Nais linawin ni Hickman na hindi ito early access, at lalong hindi live-service: "Sa madaling salita, wala kaming balak na magkaroon ng microtransactions. Hindi 'yon ang model namin."

Para sa halaga ng admission, talaga namang napakarami nitong iniaalok, tampok ang 16 na contract mission na nagkalat sa dalawang mapa — ang Constables' Guildhall at Elway Manor, dalawang karakter na puwedeng laruin, pati na rin anim na magkakaibang kagamitan na maaaring i-unlock. Bagaman tinataya ng developer na may hindi bababa sa apat na oras na gameplay ang panimulang campaign na ito, naniniwala si Hickman na mas lalo pa itong malalaro nang paulit-ulit.

"May puwedeng magmadali na tapusin 'yong buong 16 mission, pero 'yong posibilidad na may maglalaro ng bawat contract sa loob ng 15 minuto, tapos 'yon lang ang gagawin nila, e, napakababa," paliwanag niya. "Mataas-taas 'yong replayability. Maraming magagawa, lalo na sa co-op. May 25 player level tayo sa laro, na mag-a-unlock ng mga reward."

Magsisimula ka lang din sa laro sa pinakamababang difficulty na Novice, na sinadya rin para masanay ang mga manlalaro sa mundong kung saan madaling maalerto ang mga guwardiya at iba pang random na factor ang makapagpapabago sa mapa sa bawat pagkakataon.

"Hindi ito tulad ng isang karaniwang action game o fighting game, kaya gusto ka naming salubungin sa laro sa pamamagitan ng pagpapababa ng difficulty habang tinuturuan ka namin kung paano gawin ang mga bagay," paliwanag ni Hickman. "Habang pinapataas mo ang level mo mula Thief at pagkatapos ay Master Thief, nagbabago 'yong mga guwardiya at security layout. Halos hindi ka makakakita ng paulit-ulit na pattern, at binabago rin namin 'yong paraan ng pag-approach mo sa mismong level. "Magkakaroon ng pader kung saan dati'y wala, magkakaroon ng bintana na puwede mong buksan at tatakpan sa pagkakataong ito."

Ipapakilala rin sa iyo ng mga contract ng launch campaign ang tatlong uri ng misyon na available. Mayroong vault heist, kung saan kailangan mong magnakaw ng isang partikular na kayamanan sa isang vault — at alamin kung paano ito bubuksan habang ginagawa mo ito; mayroon ding isa pa kung saan kailangan mong mangolekta ng pinakamaraming kayamanan sa lokasyon at maabot ang target na halaga, pati na rin ang isa pa na nangangailangan ng pagkolekta at pagsasama-sama ng maraming bahagi para mabuo ang item na hinahanap mo bago tumakas. Magiging random din ang mga kondisyon ng mga ito.

"Sa vault mission, halimbawa, may tatlong vault, so habang naglalaro, kailangan mong alamin sa pamamagitan ng clue system kung nasa aling vault ito. Pagkatapos, hahanapin mo 'yong susi sa tamang vault," sabi ni Hickman. "Medyo madali 'yong pagnanakaw sa room sa Novice, pero kapag umusad ka sa Thief o Master Thief, malaki ang dami ng kailangan mong makuha, kaya kailangan mo talagang i-explore 'yong level."

Sa madaling salita, may mga sapat na variable para maging replayable ang mga available na misyon at hindi mo ito agad-agad na mama-master para sa isang simpleng speedrun. Tandaan, hindi ito laro kung saan dapat tumatakbo ka.

Ngunit may mga tanong na umuusbong hinggil sa kung ano ang susunod sa panimulang campaign at presyong ito. Para sa mga player na agad na naadik sa Thick As Thieves at sa mundo nito, mangangahulugan ba itong matagal na paghihintay para sa mas maraming content? At sa pamamagitan ba ito ng regular na update o sa paglabas ng buong laro? At magkano ang karagdagang gastos? Dahil nakapagtrabaho na siya sa mga MMORPG na tulad ng Star Wars: The Old Republic at Ultimate Online, hindi na bago kay Hickman ang paghawak ng mga regular na update o episodic content. Pero habang tinitiyak niya sa akin na may mga plano nang nakahanda, hindi muna ilalabas ang mga planong ito, sa ngayon.

"Sa tingin ko, may sobrang unique kaming laro at sobrang unique na sitwasyon," aniya. "May iba't iba kaming option. Pero ang tinututukan namin ngayon ay maibahagi 'to sa mga player, mag-focus sa feedback nila, at tingnan kung ano 'yong naiisip nila. Kung mas marami kaming matatanggap na positibong feedback, mas malaki 'yong tsansa naming gumawa ng talaga namang mga astig na bagay sa future. Hawak natin ang mundo, basta ang ginagawa natin, e, winner."

Darating na ang Thick As Thieves sa Epic Games Store sa huling bahagi ng buwang ito.