
League of Legends: Ang mga pinakamahusay na Kampeon para sa mga baguhan para matuto sa bawat role

Maaaring nakakatakot laruin ang League of Legends. Ito ay komplikado, at may napakaraming sistema na kailangan mong pag-aralan na maaaring nakakatakot sa iyong unang mga laro.
Bukod pa diyan, may halos 150 Kampeon na maaari mong pagpilian at gamitin, na maaaring maging nakakatakot kung nagsisimula ka pa lang matutunan ang laro. Kahit matapos mong matutunan ang mga pangunahing kaalaman, madidiskubre mong may kaunting pagkakaiba sa simula ng laro ang limang magkakaibang linya sa MOBA. Hindi palaging uubra ang paborito mong Kampeon sa lahat ng sitwasyon—kailangan mong maghanap ng iba pang Kampeon mula sa napakaraming pagpipilian.
Sino ang pipiliin? Iba-iba ang bawat Kampeon, oo, pero ibig sabihin din niyan ay may mga Kampeon na mas angkop para sa mga baguhan at mas madaling gamitin sa simula. Sa ibaba, tatalakayin namin kung alin sa mga Kampeon ang pinakamainam gamitin sa bawat role, kahit ikaw ay baguhan sa League of Legends o gusto mo lang matuto ng bagong linya.

Itaas na Linya: Garen, Shen, Nasus
Ang itaas na linya ay parang paghahagis ng barya. Madali itong matutunan dahil kadalasa’y nagsusumikap ka lang sa iyong linya sa simula ng kalahati ng laro. Pero kung ang kalaban mo’y bihasa at sanay na sa kanilang role at Kampeon, pahihirapan ka nilang magpokus sa farming. Kaya ang mga Kampeon na madaling gamitin, mahusay magpalakas, at sapat na nakakapinsala ang pinakamainam piliin kapag nag-aaral ka pa lang ng laro.
Si Garen ang una sa listahan. Malalakas ang mga kakayahan ni Garen at nagbibigay ito sa kanya ng kaligtasan kahit papaano. Inaalis ng Decisive Strike, ang Q ability ni Garen (a.k.a. ang skill na nagiging aktibo kapag pinindot mo ang ‘Q’ sa iyong keyboard), ang anumang epektong nagpapabagal sa kanya, at pinapatulin nito ang kanyang bilis sa paggalaw. Nagbibigay-daan ito sa kanyang madaling makatakas sa mga mahihirap na sitwasyon.
May kalasag din si Garen na maaari niyang gamitin sa pamamagitan ng kanyang Courage ability (na nakatalaga sa W), at nagbibigay-daan sa kanya ang E ability na Judgment para umikot gamit ang kanyang espada at magdulot ng pinsala sa mga nakapalibot sa kanya—kaya't tinatawag siya ng ilang player na "umikot para manalo." Dahil karamihan sa mga nasa itaas na linya ay mga melee na Kampeon at kailangan ng malapitang distansya para makapaminsala, maaari itong magsilbing hadlang.
Panghuli, ang ultimate ni Garen, ang Demacian Justice, ay isang malakas na tirang tumatama sa mga kalaban nasaan man sila. Sa kabuuan, si Garen ay isang balanseng Kampeon na makakatulong sa iyong matutunan kung paano maglaro sa itaas na linya.
Isa pa sa madaling gamiting Kampeon sa simula ay si Shen. Si Shen ay mas nakatutok sa pagprotekta sa kanyang sarili (at sa kanyang mga kakampi), pero nakapaghahatid pa rin siya ng sapat na pinsala gamit ang kanyang Q ability na Twilight Assault na nagpapabalik ng espada niya sa kanya at ginagamit ito sa pag-atake. Maaaring mahirap intindihin ang kit ni Shen, pero hindi ito kasing-hirap kapag nilalaro mo na. May ilan din siyang kakayahang pamproteksyon, tulad ng kanyang Spirit’s Refuge (W) at pasibong Ki Barrier na may kakayahang harangan ang ilang paparating na atake.
Baguhan ka ba sa itaas na linya pero hindi sa League of Legends? Maaaring mas bagay sa iyo ang bilis ni Nasus. Magaling siyang player sa itaas na linya at medyo madaling gamitin para pag-aralan ang linya, pero magiging mas madali siyang gamitin kung mas pamilyar ka na muna sa laro.

Jungle: Master Yi, Warwick, Nunu
Dalawang bagay ang nagpapaganda sa isang Kampeon para sa Jungle: ang kakayahang tapusin ang mga Jungle camp nang mabilis at ang bilis ng pagtakas sa mga kalaban nang hindi nila namamalayan. Si Master Yi at Warwick ay perpekto para tumulong sa mga baguhang gawin ito at madali rin silang laruin.
Si Master Yi ay mabilis makapaminsala nang matindi, at nagpapabilis sa kanya ang kanyang ultimate na Highlander, at nagbibigay-daan para mabilis niyang mapabagsak ang mga kalaban, lalo na kapag sinabay sa kanyang E at Q ability na Wuju Style at Alpha Strike. Kaya rin i-regenerate ni Master Yi ang kanyang kalusugan at protektahan ang sarili gamit ang kanyang W ability na Meditate, na malaking tulong sa kanya lalo na sa mga labanan ng team.
Katulad ni Master Yi, nakapagbibigay rin si Warwick ng malaking pinsala habang may kakayahan din siyang mabilis na makalapit sa mga target sa mapa. Naghahatid sa kanya ang W ability ni Warwick na Blood Hunt ng bonus na atake at bilis ng paggalaw kapag ang mga kalaban ay may mas mababa sa 50% kalusugan, at nagpapakita ito ng linya sa lupa na tumuturo sa mga kalabang Kampeon, na nagsisilbing paalala na dapat niyang tulungan ang ibang linya. Marami ring panggamot sa sarili si Warwick batay sa pinsala na ginagawa niya, kaya’t isa siyang ligtas na opsyon para sa mga hindi pa sigurado sa kanilang ginagawa.
Isa ka bang beterano sa League of Legends na sa wakas ay natututo na ng jungle? Maaaring magandang piliin sina Nunu & Willump. Napakabilis ng batang lalaki at ng kanyang yeti, at may kakayahang makapasok nang mabilis sa mga linya at mag-crowd control (CC) ng mga kalaban. Gayunpaman, maaaring mahirap laruin ang pares ng Kampeon na ito kung hindi mo pa gamay kung paano gumagana ang League of Legends.

Gitnang Linya: Annie, Lux, Ahri
May dalawang uri ng mga Kampeon sa gitnang linya: mga mage at assassin. Bagaman mukhang astig ang mga assassin at hindi mahirap laruin, hindi sila mainam para sa mga baguhan dahil marami kang kailangang isipin sa mga kit nila. Kung nagsisimula ka pa lang matuto ng League of Legends, mas madaling gamitin ang mga Kampeon na tulad nina Annie at Lux.
Si Annie ay madalas ituring bilang isa sa pinakamadaling gamiting Kampeon sa League of Legends. Ang kanyang kit ay nakaayos para makapaglaro nang ligtas at mapanatili ang mga kalabang malayo sa kanya. Nagpoprotekta sa kanya ang kanyang E ability na Molten Shield habang nagbabalik ng pinsala sa sinumang umaatake habang aktibo ito, at mga pangmalayuang atake naman ang kanyang Disintegrate (Q) at Incinerate (W) na mga ability na hindi kailangan ng mataas na skill para tumama.
Nagbibigay-daan ang Pyromania passive ni Annie para ma-stun niya ang mga kalaban tuwing ikaapat na pangunahing atake, kaya imposibleng magkamali ang iba niya pang ability. At sino nga ba ang makakalimot sa Tibbers—ang ultimate ability ni Annie na tumatawag sa isang higanteng galit na teddy bear na umatake sa mga kalabang malapit sa kanya? Sa kabuuan, maaaring gamitin ang kit ni Annie sa parehong opensa at depensa, kaya mahusay siyang magagamit ng mga baguhan.
Kagaya din nito si Lux. Madalas ituring si Lux na ginintuang anak ng League of Legends dahil palagi siyang malakas at nakakakuha ng maraming suporta sa meta. (Ang League of Legends ay regular na nagsasagawa ng mga pagsasaayos sa mga Kampeon para mapanatili silang balanse habang nagdadagdag ang mga developer ng mga bagong bagay sa laro, at ang meta ay ang grupo ng mga Kampeon na magagaling sa kasalukuyang patch.)
Halos palaging nasa meta si Lux, at madali siyang gamitin. Kasama sa kanyang mga abilitiy ang pag-stun, pagpapabagal, panangga, at ang ultimate ability (Final Spark) na isang malaking laser beam na may napakaikling cooldown. Tulad ni Annie, nagbibigay-daan ang mga ability ni Lux sa kanyang maglaro sa opensa at depensa, kaya ang mga player ay maaaring magtuon sa pag-aaral ng linya nang hindi inaabuso ng kalaban.
Kung sanay ka nang maglaro ng League of Legends at gusto mo lang subukan ang gitnang linya, magandang piliin ang Kampeon na gaya ni Ahri. Napakalakas ni Ahri, pero kailangan mong maging magaling sa pagtama ng mga skill shot. Nakikinabang din siya sa kaalaman kung paano at kailan maglilibot sa mapa, isang kasanayang karaniwan nang alam ng mga naglalaro sa jungle o ibabang (bot) linya.

Ibabang Linya: Miss Fortune, Ashe, Caitlyn
Maaaring mahirap matutunan ang ibabang linya sa League of Legends dahil kadalasa’y glass cannon ang role. Dapat tina-target ka ng mga kalaban sa bawat pagkakataong makuha nila, kaya mahalagang matutunan mong gumamit ng Kampeon na kayang umiwas sa mga kalaban. Sina Miss Fortune at Ashe ang mahusay na halimbawa ng ganitong klase ng Kampeon.
May dagdag na bilis sa paggalaw si Miss Fortune kapag hindi siya nakikipaglaban dahil sa kanyang W ability, Strut, at kaya rin niyang pabagalin at bigyang pinsala ang mga kalaban sa isang malaking bilog gamit ang kanyang E ability na Make It Rain. Bukod pa rito, ang Q ability ni Miss Fortune (Double Up) at ang kanyang ultimate ability (Bullet Time) ay nakapagbibigay ng malaking pinsala sa maraming kalaban nang sabay-sabay, kaya maganda siyang piliin sa kabuuan. Mataas din ang hangganan ng skill ni Miss Fortune dahil may ilang mas kumplikadong mekaniks ang kanyang kit para ma-max out ang kanyang pinsala, kaya mahusay siyang gawing pangunahing Kampeon.
Katulad nito, ang ultimate ni Ashe (Enchanted Crystal Arrow) at ang kanyang W ability (Volley) ay mahusay para pigilan ang mga kalabang sumusugod. Ang kanyang E ability na Hawkshot ay nagbibigay kay Ashe ng paningin sa kahit anong direksyong piliin niya, na tumutulong sa kanya (at sa kanyang Support) na maging maingat sa mga paparating na mga gank mula sa kalabang Jungler. Maganda rin ang mga ability na ito na pang-opensa, kaya nagiging mapang-api si Ashe kapag nakakalamang siya sa laban.
Kung alam mo na kung paano maglaro ng ibang linya at sinusubukan mo lang ang ibabang linya, si Caitlyn ay isang magandang opsyon. Siya ang may pinakamahabang distansya ng atake sa League of Legends (maliban sa antas 18 na Tristana), kaya isa siya sa pinakaligtas na piliing Kampeon. Gayunpaman, kailangan mong maging komportable sa paglalaro mula sa pinakamalayong distansya at masanay sa mahahabang animation ng pag-atake para sa kanyang mga ability.

Support: Nami, Nautilus, Yuumi
Ang role ng Support ay tumutulong sa ibabang linya para palakasin sila. Dahil dito, mahalagang baguhin ang pananaw mula sa pagtulong sa sarili patungo sa pagtulong sa kakampi. May ilang Kampeon na talagang nagpapadali nito.
Mahusay na panimulang Support na Kampeon si Nami. May kakayahan siyang pagalingin ang kanyang kakampi (habang nagbibigay-pinsala rin sa mga kalaban sa paligid) gamit ang kanyang Ebb and Flow ability (W) at may dalawang magkaibang paraan siya para mag-CC ng mga kalaban gamit ang kanyang Q at mga ultimate ability na Aqua Prison at Tidal Wave. Maaari rin niyang palakasin ang mga atake ng kanyang kakampi laban sa mga kalaban gamit ang kanyang E ability na Tidecaller's Blessing. Nagbibigay-daan ang kit ni Nami sa kanya para umangkop sa estilo ng laro ng kanyang mga kakampi, naglalaro man sila nang agresibo o mas pasibo.
Katulad ni Nami si Nautilus, pero mas makunat na bersyon. Habang si Nami ay isang mage na may kakayahang magpagaling para protektahan ang kanyang ibabang linya, si Nautilus naman ay kayang sumalubong sa unahan, sumalo ng pinsala, at paulit-ulit na mag-CC sa mga kalaban. Ang kanyang Q ability na Dredge Line ay isang pull na nagpapahintulot sa kanyang kakamping maglaro nang mas malayo habang si Nautilus ay lumalapit at humaharap sa mga kalaban. At habang ang Dredge Line ay isang skill shot, hindi naman mahirap tamaan ang ibang ability ni Nautilus.
Kung maglalaro ka kasama ang kakilala mo sa ibabang linya, isang Kampeon tulad ni Yuumi ang makakatulong nang malaki sa iyo. Ang pangunahing katangian ni Yuumi ay ang pagsama niya sa ADC (Attack Damage Carry), kaya’t hindi gaanong mahalaga ang paggalaw. May mataas na hangganan ng skill si Yuumi na maaaring magpahusay sa kanya bilang Support, pero mas mabuti kung maglalaro ka kasama ang isang kakamping makakapagpaliwanag kung paano gamitin ang iyong mga ability at kung paano gumagana ang linya.
Sa dami ng mga Kampeon na available sa League of Legends, tiyak na may mga Kampeon na mas madadalian kang laruin kaysa sa iba, kaya ang listahang ito ay hindi naman mahigpit o komprehensibo. Gayunpaman, ang mga Kampeon na ito ay isang mahusay na panimulang punto habang natututo ka ng League of Legends (o kaya nama’y natututo ng bagong role). Hindi ka nila bibigyan ng komplikasyon o kalituhan, kaya makakapagpokus ka na matutuhan ang mga pangunahing kaalaman. At kung bago ka pa lang sa laro, dapat mo ring tingnan ang aming gabay ng baguhan sa League of Legends.
Ang League of Legends ay available sa Epic Games Store.