
Balita
Pinasigla ang mga creator ng Out Of Words ng mga patuloy na positibong reaksyon ng tagahanga
B
Brian Crecente
Nagbubukas ang video sa mga close-up ng team ng mga artist ng WiredFly habang bihasa nilang inaayos at pinagagalaw ang maliliit na detalye ng dalawang pangunahing puppet ng laro: sina Karla at Kurt. Nakikita natin ang mga daliring marahang hinihila ang medyas sa isang paa, at mga tweezer na unti-unting humihila pataas sa maliit na zipper ng maliit na jacket. Saka isang kuha ng dalawang karakter, parehong walang bibig, na diretsong nakatitig sa camera.
Lumilipat ito sa stop-motion animated na eksena mula sa laro, tampok si Prince, bago lumabas sa montage ng gameplay.
“Si Prince ang, siyempre, bida ng palabas dahil siya mismo ang nagpasyang bigyan ng bagong pangalan sina Kurt at Karla,” sabi ni Jeff Sparks, ang design lead ng laro, sa Epic Games Store News. “May mga pahiwatig din kami ng ilang maliliit pero masasayang detalye tungkol sa gameplay sa dulo. Napansin mo ba ang paborito naming karakter na si Elder Carp na lumalangoy para sa close-up? O baka ang ilan sa mga bago kong paboritong nilalang, ang mga searchlight na palaka! Mag-ingat ka! Marami pa kaming ipapakita, pero sana’y magustuhan ng mga tao ang maagang pasilip na ito sa mga magagandang bagay na darating.”
Idinagdag ng direktor ng laro na si Johan Oettinger na masaya ang film director side niya na maipakita ang ginagawa ng team.
“Nagsisiwalat kami nang kaunti tungkol sa ilang oportunidad na sinusubukan namin gamit ang alternatibong framing at anggulo ng camera sa iba’t ibang lugar,” sabi niya.
Ang cooperative platform adventure game ay ang co-creation ng mga stop-motion animation artist mula sa WiredFly at mga developer ng laro sa Kong Orange, at inilathala ng Epic Games.
Sa Summer Game Fest, nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap si Oettinger tungkol sa kung paano ginamit ang nakakapukaw at kaakit-akit na sining ng laro, hindi lang para patibayin ang kuwento ng laro, kundi para magkaroon din ng mas malalim na koneksyon sa mismong mechanics ng laro.
Pero hindi pa talaga tumama sa studio ang napakalaking positibong reaksiyon hanggang matapos ang panayam noong Hunyo. Sabi ni Sparks, talagang nagulat ang buong team.
“Talagang nag-resonate ito sa mga taong umupo para maglaro kasama namin sa paraang inaasahan namin,” sabi niya. “Sa ilang pagkakataon, naging emosyonal na karanasan ito para sa kanila, na lalo pang nagpapatibay sa paniniwala naming may espesyal kaming ginagawa.
Ang makapaglaro kasama si Hideo Kojima at makatanggap ng magandang review mula sa kanya ay sobrang nakakatuwa rin!”
Pagkatapos maglaro ni Kojima, nag-post siya sa social media at sinabing ang Out of Words ay “simple, banayad, at maganda.”
“Ito ang klase ng larong kailangan natin sa panahon ngayon na tila nawala ang tunay na kahulugan ng ‘salita’ sa social media,” dagdag niya pa.
Sabi ni Oettinger, nararamdaman ng buong team na “Mapalad sila na maganda ang naging tugon.”
“Ginagawa namin ang isang bagay na pinaniniwalaan namin, na sa tingin nami’y kamangha-mangha, at iyon lang ang paraan para magawa namin ito,” sabi niya. “At araw-araw naming kinailangang gumawa ng mga desisyon at lumikha batay roon. Doon nabuo ang laro.
Hindi namin ito magagawa sa ibang paraan kung gusto naming matapos ito, kaya ang malaman na nagre-resonate din ito sa labas ay nakakapagpalakas ng loob.”
Bagaman ilang taon nang ginagawa ang laro, lalo pang pinatatag ng positibong tugon ang malikhaing proseso na ginagamit ng studio sa paglikha ng Out of Words, sabi ni Sparks.
“Isa itong napakahirap gawing proyekto, kung saan ibinubuhos namin ang napakaraming pagmamahal at pag-aalaga sa bawat sandali,” dagdag niya. “Ang gawang-kamay na kalikasan ng mundo, ang sinadyang pag-uugnay ng kuwento at mechanics—isa itong mahabang prosesong ginawa mula sa pagmamahal.”
Pinalakas din nito para kay Oettinger ang paniniwalang lahat ng pinagtatrabahuhan ng team para sa laro—ang mga emosyon, itsura, disenyo ng laro, at kuwento—ay nabubuo para makalikha ng mas malaki kaysa sa mga bahagi nito.
“Nakakatuwang makita ang mga player na nadadala nito nang sabay-sabay,” sabi niya.
Ilalabas ang Out of Words sa Epic Games Store sa 2026, at gusto ni Sparks na malaman ng mga naghihintay rito na ginagawa ng lahat ang makakaya nila para gawing tunay na espesyal ang laro, mula sa mga musikero hanggang sa mga developer at lahat ng nasa studio.
“Hindi na kami makapaghintay na maranasan ito ng mga player at ng mga mahal nila sa buhay. Habang naglalakbay sina Kurt at Karla sa kakaibang mundo ng Vokabulantis, sinusubukang mabawi ang kanilang mga boses at tuklasin ang nagbabago nilang relasyon, sana’y maramdaman ng parehong player ang tunay na koneksyon sa kanila… at sa isa’t isa.”
Idinagdag ni Johan Oettinger na mayroon siyang mas personal na layunin para sa laro.
“Palagi kong sinusukat ang trabaho namin sa pamantayan ng 12 taong gulang na si Johan, kung babagsak ba ang panga niya sa sahig sa gulat sa ginagawa namin. Mahigpit siyang kritiko, pero mukhang tumama talaga ang trailer na ito.”