
Ang People of Note ay isang RPG na nagbibigay-pugay sa anumang may kinalaman sa musika

Sa unang tingin, posibleng hindi ka sigurado kung anong uri ng laro ang tinitingnan mo kapag nakita mo ang People of Note. Makukulay na karakter na naglalakbay sa isang fantastical na mundo, sumasabak sa isang turn-based na laban na hinaluan pa ng rhythm gameplay na mula mismo sa Elite Beat Agents, at umaawit ng mga Broadway-style musical number na hindi magmumukhang out of place sa isang animated na pelikula ng Disney. Ngunit isang bagay ang malinaw na malinaw: Tungkol sa musika ang People of Note .
Hindi nakakapagtakang malaman na ang creative director ng laro, developer, at founder ng Iridium Studios na si Jason Wishnov ay isang ganap na "theater kid" sa paaralang saksi na sa maraming musical. "Talagang laganap 'yong idea ng pagkukuwento ng isang istorya, pero hindi sa mga laro," aniya. "Naisip ko, 'Gusto kong i-explore 'to.'"
Para magawa 'yon, kinailangan ni Wishnov ang isang game genre na parehong pamilyar at akma sa kanyang musical vision. "Ilang libong mga bata 'yong lumaki na nagda-download ng RPG Maker para gumawa ng personal nilang Final Fantasy o Chrono Trigger? Isa ako sa mga batang 'yon," sabi niya, habang binabanggit ang Final Fantasy, Chrono Cross, at The World Ends with You bilang kanyang mga inspirasyon. "Kung mapapagsama ko 'yong dalawang part ng sarili ko—'yong pagiging Final Fantasy ultra fan at theater kid ko—pwede ba namin silang pagsamahin para maging isang crazy adventure?"
Sinusundan ng People of Note ang bida na si Cadence, isang aspiring na pop singer. Matapos tanggihan sa isang world-renowned song competition dahil sa pag-ayaw ng judge sa mga solo act, naglakbay siya para maghanap ng mga miyembro ng banda na dalubhasa sa iba't ibang musical genre para mas pagandahin pa ang kanyang pagtatanghal. Di magtatagal, mapapasabak sila ng kanyang bagong team sa isang dakilang adventure para pigilan ang misteryosong Harmonic Convergence na wawasak sa kanilang mundo.
Hindi naman sa kailangan ng Harmonic Convergence ng matinding tulong, dahil malayong-layo sa pagiging harmonious ang mundo ng Note. Bahagi na ng bawat aspekto ng lipunan ang musika, ngunit imbes na pag-isahin ang mga tao, pinagwawatak-watak sila nito. “Nagdesisyon ako na dapat i-represent ng medyo closed-off na lipunan 'yong bawat genre,” sabi ni Wishnov. “Wala masyadong paghahalo ng culture. Pero si Cadence, sa simula ng kuwento, naimpluwensiyahan siya ng idea na, 'Pagsasama-samahin ko 'tong mga taong 'to.'"
Kapag sinabi naming bahagi na ng bawat aspekto ng lipunan ang musika, ang ibig naming sabihin, bawat aspekto, mula sa mga pangalan ng bayan at tindahan hanggang sa mga nilalang na bumubuo sa mundo. Kung fan ka ng mga music pun, maghanda ka na dahil mabilis at sunod-sunod ka nitong sasalubungin. Tinatawag na groove ang pera sa mundong ito. Sa isang punto, may magnanakaw nito sa 'yo, kaya kailangan mong bawiin ang groove mo. Nag-a-upload ang mga tao ng mga video sa YouTuba. Pwede kang lumaban sa isang orcarina sa isang choral reef o isang kakaibang kuwago sa isang acapellago. At ano sa tingin mo ang makukuha mo kung pagsasamahin ang isang corgi at isang accordion? Siguro'y magagawa mong hulaan ito, pero kasing-cute ito ng tunog nito—at oo, pwede mo itong i-pet. "Nag-open ako ng document sa Google tapos sinimulan kong i-type 'yong mga nakakalokang pun na maiisip ko," sabi ni Wishnov. "Daan-daan sa mga 'to, e, nasa laro. May daan-daan pang iba na hindi nagamit. Nagsisisi ako na hindi nasama 'yong Florist + the Machine. Isa pa 'yong Macaroon Five," sabi niya habang humahagikgik. "Pero may kumpletong document ako. Sa susunod na lang..."
Bilang isang laro na nagbibigay-pugay sa musika sa lahat ng anyo nito, natural lamang na makita ang iba't ibang representasyon ng genre dito: pop, rock, country, EDM, rap, at maging Celtic. Kung mayroong genre na hindi masyadong pamilyar si Wishnov, maaari siyang lumapit sa kanyang mga team member para sa kanilang expertise. "Nagkaroon kami ng mga meeting tungkol dito," sabi niya. "'Sabihin mo sa 'min kung ano sa tingin mo 'yong magiging itsura ng bansa na tulad nito, anong klase ng mga aspekto 'yong isasama nito, anong klase ng visual motifs at dekorasyon 'yong aasahan mong makita sa bansa na base sa genre ng musika.' Talagang pinaglaanan namin ng oras, nag-research kami, tapos lumapit kami sa mga taong makakapagbigay ng katarungan sa mga genre na 'yon. Anuman 'yong paborito mong genre, gusto kong maramdaman mong naiintindihan kita kapag nakarating ka sa lugar na 'yon o na-encounter mo 'yong culture na 'yon. Dapat maramdaman mong authentic siya."
Mararamdaman pa rin ang musical flair kahit sa turn-based combat ng laro. Ang timeline ng mga turn, na nagpapakita ng pagkakasunod-sunod ng pag-atake ng mga combatant, ay ipinapakita bilang isang music staff na may time signatures. Lahat ng atake ay nakabase sa musika, at maaaring magbigay ng dagdag na pinsala sa mga kalaban sa pamamagitan ng pagpindot ng mga button kasabay ng rhythm. Sa halip na pamahalaan ang iyong health at inventory sa pagitan ng mga laban, hindi konektado ang bawat laban sa isa't isa. "Fan na fan ako ng chess, kaya gusto kong maramdaman sa bawat laban na parang siyang mini chess puzzle,” sabi ni Wishnov. “Gusto kong dagdagan 'yong strategic depth ng laban sa pamamagitan ng pagpapaubaya sa mga player na pumili ng sarili nilang turn order, sa pamamagitan ng maraming ability at effect. Music-themed lahat, pero gusto ko rin na maging malalim siya, makabuluhan, at tactical na experience para sa mga beterano sa RPG na siguro, e, may maling pag-aakala na, ‘Ay, musical first 'to. Hindi 'to magiging masyadong malalim, light lang, simple.' Hindi 'no. Ito 'yong real deal. Magsisimula 'to nang simple, pero unti-unting lumalaki 'yong curve sa buong laro."
Hindi ito magiging RPG kung walang mga dungeon na maaaring i-explore, bagamat higit pa sa mga kagubatan at kuweba na karaniwan na sa genre ang maiaalok ng People of Note. Nagtatampok din ito ng mga makabago at kakaibang dungeon, tulad ng dance club kung saan kailangan mong mag-flip ng mga switch para pasiglahin ang dance floor at mapalayo ang mga pasaway na dancer na nakaharang sa mga access room. Nagkalat ang mga puzzle na idinisenyo para makiliti ang isipan ng mga player nang hindi sila nilulunod sa impormasyon. At kung hindi ka mahilig sa puzzle, hindi ka pa rin bibiguin ng laro. "Posible hindi sobrang down sa pag-solve ng mga brain teaser 'yong mga RPG o musical lang ang sinadya sa laro kung ang gusto lang nila, e, makinig sa mga musical number o lumaban sa masasamang tao," sabi ni Wishnov. "Sa laro namin, pwede mo silang i-skip. Pwede mong i-on at i-off 'yong setting na 'yon habang naglalaro."
Player choice ang pinakamahalaga sa People of Note. Interesado ka ba sa mga puzzle game pero hindi sa combat? I-off ang combat. Gusto mo bang pahalagahan ang mga musical element ng laro, pero hindi ka mahilig sa rhythm-based na gameplay? I-off ito. Maaaring pagsamahin ng mga player ang mga elemento ng gameplay na gusto nila, o kaya'y baguhin ang mga ito habang naglalaro base sa kanilang kasalukuyang mood.
Masasabing ang bida ng People of Note ay ang mga musical number ng laro. Sa mga pangunahing sandali ng kuwento, magiging fully animated cutscenes ang laro kung saan aawit ang mga karakter. Ang pagbibigay-buhay sa mga sandaling ito ay isang kakaibang hamon para sa mga developer na kinailangang baguhin ang kanilang mindset mula sa game development tungo sa isang bagay na mas theatrical. "Noong 2024, naka-focus 'yong mahigit kalahati ng team namin sa production ng mga musical number na 'to," sabi ni Wishnov, na, bukod sa pagiging lead writer ng laro ay gumanap din bilang lyricist kasama ang lead composer na si Jason Charles Miller. Oras na matapos ang lyrics at melodies, tutungo sila sa mga storyboard artist ng laro para maplano ang galaw at staging. Ginagamit ang Mocap para makuha ang choreography—karaniwang mabigat sa bulsa, lalo na para sa isang indie studio. Mabuti na lamang, nakahanap si Wishnov ng medyo mas murang system at ginamit ang kanyang musical theater background sa paggawa mismo ng maraming in-suit work, na siyang nagpabawas nang malaki sa gastos ng production. Sa huli, ipinadala ang recorded mocap data ng sa mga cleanup animator, lighting artist, at virtual camera operator ng laro. "Napakalaking proseso nito at sobrang mabusisi," sabi ni Wishnov, “at umaasa ako na talagang sasalaminin ng mga musical number 'yong napakatinding hard work at talent na nabuo namin, kasi talagang napakalaking project nito. Talagang magagawa 'tong laro nang wala 'yong mga musical number, pero sa tingin ko, 'yong mga moment talaga ng spectacle 'yong tatatak sa 'yo at talagang tutulong na ma-elevate 'yong mga moment na 'yon ng emotional climax sa kuwento. Hindi sa minamaliit ko 'yong mga game narrative na walang musical number, pero sa tingin ko, may dahilan kung bakit 'yong ganitong klase ng storytelling 'yong nagtagal at naging matagumpay sa media. Kasi nga, gumagana talaga. Tumatalab."
Siyempre, posibleng masayang lang ang mga catchy na melody at expressive character animations kung walang tamang voice talent na susuporta dito. Sa People of Note, kinailangan nilang humanap hindi lang ng mga mahuhusay na voice actor na gaganap sa mga karakter, kundi pati na rin ng mga singer. "Kailangan talaga na sobrang high level ng mga main performer namin," sabi ni Wishnov. "Gusto kong Broadway-level caliber 'yong pagkanta sa mga musical number na 'to." Nag-double-duty ang ilan sa mga voice cast, habang ang ibang role naman ay hinati sa mga vocal at singing role. Halimbawa, ang lead composer na si Jason Charles Miller ay ang boboses at magiging singer para kay Fret, ang jaded guitarist ng grupo. Ganito rin ang gagawin ng Broadway artist na si Alex Boniello para sa karakter na si Arc. Sa kabilang banda, si Heather Gonzales naman ang boboses sa bida ng laro na si Cadence, habang ang music artist na si LEXXE naman ang kanyang magiging singing voice. “Mahirap kasi gusto mo na iisang tao lang 'yong gaganap sa isang tao para swabe,” sabi ni Wishnov, “pero from a music perspective, parang, a, gusto natin ng ganitong range, ganitong vocal quality, at paraan ng pagkanta nila. Noong nagka-casting ako, hirap na hirap ako kasi naririnig ko sa iisang audition 'yong mga singing voice na sobrang hirap paniwalaan, tapos maririnig ko naman sa iba 'yong most unbelievable na pag-arte. Ayokong mahati 'yong cast, pero binalikan ko 'yong ilang mga pelikula noong 90s gaya ng Hercules. Ibang-iba 'yong mga taong kumakanta saka umaarte. Medyo may pagkakaiba nga din naman talalaga 'yong boses ng mga tao habang kumakanta kumpara sa kapag nagsasalita sila. Sa tingin ko, inaasahan ng mga tao na kahit papaano may pagkakatugma, basta't magkalapit pa rin naman.”
Maging sa pag-arte, pag-awit, o pareho, iisa ang layunin ng mga aktor: ang magbigay ng emosyonal na koneksyon sa mga karakter. “Sobra akong proud sa voice cast namin, sa mga performance at musical number," sabi ni Wishnov. "Di ko sasabihin na naiyak ako, pero medyo naging emotional ako no'ng marinig ko kung paano nila binigyang-buhay 'yon sa paraang hinding-hindi ko mai-imagine, kasi binigyan nila ng sarili nilang spin at personality 'yong mga salita. Tuwing may linya, ang general rule, e, gagawa kami ng dalawang take back-to-back. Generally, ang sinasabi ko sa kanila, sa unang take, gawin nilang normal, natural. Pagkatapos, sa take two, pasiglahin pa nila nang konti, bahala sila sa gagawin nila, o gumawa sila ng kakaiba. Mas madalas na take two 'yong ginagamit ko, o kaya maririnig ko 'yong take two tapos, 'Gawin mo 'yon, pero tindihan mo pa.' Kusa na siyang nabubuo. Gustong-gusto ko 'yong choices na ginagawa nila."
Pero may katanungang umuusbong. Bilang dating theater kid at professional voice actor, maririnig ba mismo si Wishnov saanman sa laro?
“May ilang role ako,” sabi niya. “Gusto kong i-point out, hindi ko inisip na magaling akong singer para kumuha ng major role. Kailangan naming gawing astig 'yong mga musical number. Hindi ko inasahan 'yong makukuha naming level ng singer sa larong 'to, e, mahihigitan pa 'ko. Tingin ko, okay naman akong singer. Ayokong mag-share nang sobra, pero posibleng marinig n'yo 'ko sa end credits. Ako 'yong type na 'end credits' singer."
Para sa mga player, sana pag-roll ng end credits, may madi-discover silang bagong appreciation sa posibilidad ng isang modern at music-based na laro.
“Kung may musika sa puso mo at gusto mo 'yong idea na nagsasama-sama 'yong iba't ibang genre o gusto mong maglaro ng classic at halos PS1 era na Final Fantasy na binigyan ng modern lens, i-check mo 'yong People of Note," sabi ni Wishnov. "Magugustuhan mo."
Available na ngayon ang People of Note sa Epic Games Store.