Balita

Star Overdrive: Paanong nakagawa ang isang maliit na team sa development ng malaking open-world na sci-fi adventure

P
Paul Cecchini
Ago 25, 2025
Isang tingin pa lang sa Star Overdrive, ang sci-fi adventure na binigyang-inspirasyon ng The Legend of Zelda: Breath of the Wild na inilabas sa Epic Games Store noong Hunyo 19, maiisip mo agad na isa itong AAA na laro. Sobrang ganda ng laro at ipinagmamalaki nito ang isang malawak na alien na mundong maaaring tuklasin ng mga player. Gamit ang pinagsamang labanang gamit ang keytar at paggalaw gamit ang hoverboard,susubukan ng mga player na pagtagpuin ang bidang si Bios at ang kanyang minamahal na nobya na si Nous, na misteryosong naglaho sa hindi pa natutuklasang planeta. 

Pero ang nakakamangha, hindi AAA na laro ang Star Overdrive. Hindi pa talaga. 
Nagsimula ang indie studio na Caracal Games bilang maliit na grupo ng tatlong developer. Makalipas ang sampung taon, iisipin mong lalago nang husto ang kompanya. Ganoon pa man, hindi iyon ang nangyari. Mula sa tatlo ay lumaki ang team at naging 12 lang—at iyon ang gusto ng tagapagtatag/CEO at Creative Director ng Star Overdrive na si Tommaso Bonanni.

“Ideyang maging sobrang maliit na team lang ang Caracal,” sabi ni Bonanni. “Mas napapadali nito ang aming komunikasyon. Ako ang namamahala sa bawat istruktura ng komunikasyon. Direktang nakikipag-usap sa akin ang bawat miyembro ng team kung ano ang kinakailangan. Mas bumibilis ang lahat. Kaya nagagawa namin itong malalaking laro. Alam namin kung paano makipagtulungan sa isa’t isa at gusto naming katrabaho ang isa’t isa. Mahuhusay, sobrang talentado, at mga astig na beterano silang maraming karanasan. Nakikipagtulungan ako sa mga taong mas marami ang karanasan kaysa sa akin.”
 
Kalaunan, tinataya ni Bonanni na nagawa ng 12 ang trabahong ginagawa ng team na may 50-° hanggang 60 katao. “Limang beses ang pagiging epektibo, kung hindi man higit pa.”

Nagsimula ang Star Overdrive sa isang simpleng konsepto: isang hoverboard. Gusto ni Bonanni, na malaking tagahanga ng kultura ng Amerika mula dekada 1980, ang konsepto ng hoverboard mula nang una niyang mapanood ang pelikulang Back to the Future Part II. Ang pangkalahatang vibe at aesthetic na may kinalaman sa board ay hango sa serye ng Japanese manga na Eureka Seven. Para sa gameplay, humugot ang team sa serye ng°The Legend of Zelda, lalo na sa Breath of the Wild, para sa inspirasyon. “Naniniwala kaming maganda ang pilosopiya sa likod ng eksplorasyon ng mga larong ‘yon,” sabi niya. “Puno ito ng mga bagay na gusto namin.”
Star Overdrive Interview 6
Siyempre, para maging astig ang hoverboard, mabilis dapat ito. Ganoon pa man, kapag mabilis na kumikilos ang karakter, mabilis din silang nakakaabante. Kapag mabilis nakakaabante sa lugar na iyon, lalong kailangan ito ng laro. Lagpas man sa oras at badyet ng indie studio ang paggawa ng sobrang lawak na mapa, nagawa pa rin ng mapa ng Star Overdrive na saklawin ang kamangha-manghang 135 milya kuwadrado (170 kilometro kuwadrado). 

Maliit man ito kumpara sa malalaking laro gaya ng Breath of the Wild, maaari pa rin itong mapuno ng mga kawili-wiling punto—sa kaso ng Star Overdrive, lagpas 300. “Mag-isa kong ginawa ang mapa nang halos walang gamit para sa procedural generation maliban sa dahon,” sabi ni Bonanni. “Gawang-kamay halos lahat.”

Para manatiling ganado ang mga player habang sumasakay mula sa isang lugar patungo sa susunod, puno ang disyertong planeta ng mga buhanginang bundok na perpekto para sa matitinding trick sa hoverboard. Naghahatid sa iyo ang pagpapakitang-gilas sa ere ng magaang boost sa paglapag at itinutulak ka sa susunod na buhanginan. Estratehikal na inilagay ang mga buhanginan para tuwing lalapag ang player matapos marating ang isang lugar, malapit lang ang kasunod at malinaw na makikita para alam ng player kung saan sunod na tutungo. 

“Binuo para sa mapa ang hoverboard. Binuo para sa mapa para sa hoverboard,” sabi ni Bonanni. “Pinakapuso ng gameplay ang loop sa pagtalon, paggawa ng trick, paglapag, pag-boost, at ang paghahanap ng susunod na buhanginan.”
Star Overdrive Interview 3
Hindi man sumasayad sa lupa ang board, dinisenyo ang aksyon kada sandali para mapanatiling maeengganyo ang mga player sa mga paraang hindi kaya ng tipikal lang na paggalaw sa ere. “Kung gumawa kami ng kagaya ng walis ni Harry Potter, lumilipad ka at walang interaksyon,” sabi ni Bonanni. “Dahil napakalayo mo sa lupa, hindi mo ramdam ang bilis. Kaya ramdam mo ang bilis [sa Star Overdrive] ay dahil malapit ka sa lupa at palagi kang naeengganyo na gawin itong loop sa pagpindot ng input na tumalon, gumawa ng mga trick at mag-boost. Ibinibigay nito ang lahat ng mahika sa pagsakay, kaya naman naeengganyo ang player. Isa ito sa mga pinakamahirap gawin kung disenyo ang pag-uusapan.”

Siyempre, ang hoverboard ay higit pa sa isang uri ng sasakyan. “Dahil sobrang kakaiba ng hoverboard, kailangang nasa sentro ito ng lahat ng ginawa mo,” sabi ni Bonanni. “Ang kuwento ay umiikot sa hoverboard. Ang pag-craft na ginagawa mo para pahusayin ang hoverboard. Ang combat. Konektado ang lahat ng ginagawa mo sa laro sa hoverboard.”

Katulad sa Link ng The Legend of Zelda, hindi nagsasalita ang bidang si Bios ng Star Overdrive. Limitado ang personalidad niya sa mga ungol at paggalaw ng mukha tuwing may mga eksena sa pagitan ng gameplay. Karaniwan, mga tahimik na bida ang inilalagay ng mga developer para mailapat ng player ang sarili nilang personalidad sa karakter. Sa kaso ni Bios, ang rason sa pananahimik niya ay mas malalim pa kaysa sa inaasahan ng sino man.

Paliwanag ni Bonanni: “Kailangan na tahimik siya para sa tatlong dahilan: naratibo, teknikal, at inspirasyon. Una, kung nagsasalita ang ating karakter, hindi na ito laro na binigyang-inspirasyon ng Breath of the Wild. Tahimik si Link. Si Zelda ang nagsasalita para sa kanya. Napakahalaga nito para sa amin. Ang pangalawang rason ay teknikal. Ibinuhos namin ang 200 porsiyento ng aming pagsusumikap sa karakter ni Nous. Siya ang nagdadala ng lahat ng emosyon sa laro. Naniniwala kaming ang taong kailangan mong iligtas ay dapat na mas interesante kaysa sa bida.”
Star Overdrive Interview 1
Ipinaliwanag niya ito bilang pinagkaiba sa pagitan ng pagiging "The Witcher” o “Skyrim” ng isang laro. “Sa The Witcher, naglalaro ka bilang si Geralt,” sabi niya. “May pagpipilian ka siyempre. May naiisip ka kung paano siya kikilos, pero si Geralt ‘yon. Pero sa Skyrim o kahit sa Pokémon na laro, naroon ang karakter para punuin ng emosyon ng player.”

Pagdating naman sa dahilan sa likod ng kuwento, dati raw tumutugtog si Bios kasama si Nous sa banda—at mahirap mang paniwalaan, bilang bokalista. Matapos ang pagkawala nito, naging pipi na siya. Ilalahad ang impormasyong may kinalaman dito habang naglalakbay ang mga player sa mundo at matutuklasan ang mga cassette tape na mas nagdedetalye sa relasyon ng dalawa. 

“Naging malaking trauma iyon para sa kanya,” sabi ni Bonanni. “Gusto naming matuklasan ito ng mga tao sa kuwento. Sa Star Overdrive, may malalim na kuwento kaming binuo, pero ang pinakapuso ng kuwento ay ang dalawang karakter na ito—kung ano ang ginawa nila sa nakaraan, ang mga gusto nila at ayaw, ang kuwento ng mundo, ng galaxy na ito, kung bakit walang sandata sa galaxy na ito, mga ganoong bagay. Siyempre, hindi namin mailagay lahat sa loob ng laro, pero lagi kaming may mga reference kung kailangan naming sagutin ang mga tanong sa kasagsagan ng development.”

Gaya ng nabanggit kanina, nakagawa ang maliit na studio na may 12 katao ng maraming bagay sa kabila ng kaunting resource. Sa kabila ng sakop ng Star Overdrive at sa liit ng kanilang team, ipinagmamalaki ni Bonanni na hindi nakaranas ang team ng panahong bugbog sa trabaho sa kasagsagan ng development. Gusto ni Bonanni na makatulong sa pagbibigay-inspirasyon at turuan ang ibang developer, malaki man o maliit, kung paano gawin ang parehong bagay. 

“May isang oras akong talumpati tungkol dito, kung paano gumawa ng positibong kultura at panatilihin ito, at kung paanong malakas ang epekto noon sa produksyon,” sabi niya. “Isa itong paksang sobrang mahalaga para sa akin. Maayos ang lahat sa Caracal kasi masaya kami sa ginagawa namin. Pinalaki ko ang team na ito sa pamamagitan ng mga piling taong sobrang magkakasundo sa loob ng 10 taon.”
Star Overdrive Interview 4
Hindi lang sa loob ng trabaho ang pagkakaibigang ito. Isang linggo matapos ang aming panayam, masayang nagbakasyon si Bonanni at ang kanyang mga kawani sa isang lawa sa sentro ng Italy. “Masaya kaming nagtatrabaho at nagbabakasyon nang magkasama dahil para kaming magkakapatid kaysa mga developer,” sabi niya.

Kinakailangan sa pagpapanatiling masaya at masigasig ng team ng pag-synchronize at pag-unawa sa kung paano magtrabaho ang bawat miyembro, na mas madali sa maliit na team. Gusto ni Bonanni na maramdaman ng lahat ng kawani niya na laro nila ang Star Overdrive

“Ako ang creative director, pero lahat ang may-akda,” sabi niya. “Kaya ko ginagawa ang talumpating ito, dahil gusto kong iparating sa mga tao na mas epektibo ka kapag hindi ka pagod sa pagkayod at mahal mo ang ginagawa mo. Walong oras kaming nagtatrabaho kada araw, siguro siyam, pero hindi na lalagpas doon. Mas epektibo ka kaysa magtrabaho nang dobleng oras.”

Isa pang tip na ibinigay niya: Magsaliksik bago magsimula ang produksyon. Naghahatid ang maagang pagpaplanong ito sa Caracal ng sapat na buffer para masalo ang mga panahong maaaring mawala sa development—na mahalaga, dahil kinailangan nilang ilunsad ang Star Overdrive° nang ilang buwang mas maaga kaysa sa orihinal na plano.
Star Overdrive Interview 5
Marahil ang pinakamahalagang tagumpay ng Star Overdrive ay ang makatanggap ng papuri mula sa kompanyang naging inspirasyon nila. “Nang imbitahan kami ng Nintendo sa Tokyo para i-pitch ang laro sa kanila, iyon ang pinakarurok ng kaligayahan,” pagbabahagi ni Bonanni. “Gumawa kami ng laro na binigyang-inspirasyon ng Breath of the Wild, at nagustuhan iyon ng Nintendo at hiniling nilang maging [may takdang oras na] eksklusibo ito sa kanila. Kaya, masasabing may basbas kami ng Nintendo sa laro na binigyang-inspirasyon ng isa sa mga pinakamalaki nilang IP. Parang iyon na yata ang pinakamagandang bagay na puwedeng mangyari.”

Dinisenyo ang Star Overdrive para maging higit pa sa isang standalone na laro. Ang Star Overdrive: Deluxe Edition  ay may kasamang orihinal na kuwentong manga na may eksklusibong kuwento at mas malalim na pagtalakay sa mga backstory ng mga karakter. At bilang katuwaang side project, gumawa rin ang team ng kathang-isip na mala-Van Halen na banda (kilala rin bilang Star Overdrive) na gusto nina Bios at Nous sa loob ng laro. Ang mga interesadong player ay puwedeng bumili ng album na may 12 kanta ng kathang-isip na banda sa sari-saring mga platform ng musika, na may boses ni Bonanni mismo at mga gitara mula mismo sa tagadisenyo sa tunog ng laro.

Marami pang kuwento sina Bonanni at kanyang mga kawani sa kapana-panabik na bagong mundo ng sci-fi na nilikha nila. Gusto nilang mas sumisid pa sa kuwento nina Bios at Nous—kung paano sila nagkakilala at paano nabuo ang relasyon nila, kung paano unang napunta si Nous sa abandonadong planeta (na pahiwatig lang sa kabuuan ng laro), at kung ano ang susunod matapos ang nakakagulat na rebelasyon sa dulo ng laro.

“Ito pa lang ang simula,” sabi ni Bonanni. “Sobrang interesante ng kuwento ni Nous sa planeta, pero masyado rin itong komplikado, masyadong malaki, kaya dumeresto na kami sa kabanata ni Bios. Ang susunod na laro na gusto naming gawin ay prequel. Makikita ninyo ang ilang bahagi ng nakaraan, pero marami ring bagay tungkol sa kung paanong nabuo ang matatag na bond na ito sa tagal ng panahon. Gusto pa naming gumawa ng maraming manga. Gusto pa naming gumawa ng maraming kanta. Nais pa naming gumawa ng mga animated na bagay. Pero para magawa iyon, kailangan mo ng mga numero, at kailangang gumawa ng magagandang numero ang laro na ito. Hindi ako sigurado kung magiging Star Overdrive 2 ito, ang prequel o kung ano man. Gusto naming magpatuloy.”

Ano man ang maging susunod na proyekto ng 12 developer sa Caracal Games, siguradong ang Star Overdrive ang larong babalikan nila nang may pagmamalaki. “Maliit na team kami na may ginawang malaking may basbas ng Nintendo sa kabila ng mga pagsubok na teknikal,” sabi ni Bonanni. “Sobrang saya namin sa naging resulta.”

Available na ang Star Overdrive sa Epic Games Store.