
Dinadala ng Super Meat Boy 3D ang hardcore platforming sa panibagong dimensyon

Aaminin kong may kaunting duda ako sa Super Meat Boy 3D bago ko pa ito nalaro sa Gamescom 2025. Siyempre, ang orihinal na 2D platformer ang isa sa pinaka-iconic na mga larong indie hanggang ngayong 15 taon na ang lumipas. Hindi lahat ng 2D platforming na mga hero ay naging maganda ang resulta sa pagdagdag ng isa pang dimensyon, lalo na kung kailangan ng bilis at eksaktong galaw sa mga antas na pahirap nang pahirap. Kailangan ba nito ng isa pang dimensyon? Pero sampung minuto lang ang kinailangan para makumbinsi ako na ang Sluggerfly, ang co-developer ng laro kasama ng orihinal na Team Meat, ay matagumpay na inangkop ang indie classic.

Tiyak na ginagawa itong isang magandang update ng Unreal 5-rendered 3D visuals, dahil ang kaibig-ibig na maliit na cube ng karne ay muling ipinakilala sa isang marangyang cutscene na nahuhulog sa isang payapang kagubatan sa pamamagitan ng isang portal, pabalik upang iligtas muli ang kanyang kasintahang si Bandage Girl mula sa mga kamay ni Dr. Fetus.
Mas detalyado rin ang mga 3D na antas, pero hindi nito sinasakripisyo ang kalinawan ng laro. Kahit may kaunting adjustment noong una sa bagong perspektibo, mabilis din akong nakaangkop at tumakbo, tumalon, at umakyat sa mga pader at mga platform gaya ng dati, habang nag-iiwan si Meat Boy ng bakas ng dugo sa bawat madaanan niya.
Ang pamilyar at malinaw na gameplay na iyon ay dahil na rin sa matalinong desisyon na gawing fixed ang camera para mas madaling gumalaw sa 3D space kahit mabilis ang takbo ng aksyon. Binibigyang-daan pa rin nito ang mga antas na mag-eksperimento sa mga layout kaya kahit na una mong sinusundan ang mga landas at platform mula sa isang top-down na camera, minsan ay titingnan mo rin ang aksyon mula sa 45-degree na anggulo. May mga eksena rin kung saan biglang nag-zu-zoom in ang camera sa dulo ng antas para sa punchline kung saan laging bigo ang pagsagip ni Meat Boy dahil sa panggugulo ni Dr. Fetus.
Maraming bagay ang nananatiling pamilyar, gaya ng temang unti-unting nagbabago ang antas ng kagubatan mula sa tahimik na paraiso hanggang maging parang impiyerno, binabago rin ng ekstrang dimensyong ito ang ilan pang bagay. Halimbawa, ang mga kalabang puwedeng takbuhan ni Meat Boy imbes na talunan lang. At ang mga iconic na lagari mula sa orihinal, na naroon pa rin sa ilang pagkakataon, ay kadalasang napapalitan ng mga silindrong gilingan ng karne na bumabalot sa buong lapad ng daan.

Bagama’t ginamit na base ang orihinal na laro para sa 3D glow-up, ang mga mechanic mula sa kasunod na Super Meat Boy Forever ay binuo muli at napatunayang kapaki-pakinabang. Kasama rito ang air-dash kapag pinindot mo muli ang pagtalon sa hangin, na tumutulong sa iyong makalagpas sa mas mataas na pagitan o bitag, at maaari ka ring magsagawa ng vertical dive kung kailangan mong bumaba nang mas mabilis o gusto mo ring mahulog nang direkta pababa sa isang masikip na espasyo. At kung kinakailangan, puwede mo ring kanselahin ang pagbagsak gamit ang air-dash.
Ang pinakabagong kakayahang eksklusibo sa 3D, gayunpaman, ay ang kakayahan ni Meat Boy na tumakbo sa pader, at siyempre kaya niya ring tumalon mula sa isang pader at tumakbo sa isa pang pader. Aaminin kong sa mga sandaling nagbabago nang kaunti ang perspektiba, doon ako mas madalas magkamali habang sinusubukan kong tantiyahin ang lalim ng antas.
Ang brutal na trial and error ay nananatiling tatak ng larong Meat Boy. Pero kung may lupa sa ilalim mo, isang matalinong tampok na nakakabawas sa panganib ng pagtalon ang dagdag na pulang bilog na nagpapakita kung saan ka babagsak habang nasa ere. Siguro hindi ganoon kapaki-pakinabang sa mismong sandali, pero kahanga-hanga pa ring makita na may replay option ka pa rin kung saan makikita ang lahat ng multo ng iyong mga Meat Boy na sabay-sabay tumatakbo sa antas, ipinapakita ang lahat ng dinaanan nila at kung paano iyon humantong sa iyong panalong ruta.

Kasama rin sa orihinal na Meat Boy ang mga boss fight, pero sayang at natigil ang demo bago ko pa masubukan. At kung pagbabasehan ang disenyo ng unang boss, isang dambuhalang robot na may mga buzzsaw bilang mga braso, kampante akong magbibigay ang Sluggerfly ng ilang hindi malilimutang laban sa mga boss para samahan ang tila madugo pero kaaya-ayang pagbabalik at kinabukasan ng paboritong piraso ng karne ng lahat.
Ang Super Meat Boy 3D ay tila isang magalang na transisyon para sa indie icon, na gumagawa ng ilang kawili-wiling pagbabago para umangkop sa bagong dimensyon. Oo, may ilang kaiinisan habang nasasanay ka, pero nakikita kong gagawing bahagi ng speedrunning diet ng mga platforming masochist ang bagong entry na ito.

Puwede mo nang ilagay sa wishlist ang Super Meat Boy 3D sa Epic Games Store.